Code red sub level 2 meaning, ano nga ba? At bakit ito ngayon ipinatutupad sa Metro Manila.
Code red sub level 2 meaning
Kagabi sa kaniyang opisyal na pahayag ay idineklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas ng code alert system laban sa COVID-19. Ito ngayon ay nasa Code Red Sub Level 2 na pinakamataas na level ng pagkalat ng sakit ayon sa World Health Organization o WHO.
“The code alert system of COVID-19 of public health event is hereby raised to code red sublevel 2.”
“Medyo nandito tayo sa maximum and its really for the protection of the humanity.”
Ito ang bahagi ng pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa pagtataas ng health code alert system sa Pilipinas. Ang pahayag na ito ay ginawa halos isang linggo lang ang nakalipas ng unang itaas ang Code Red Sublevel 1 sa buong bansa.
Ngunit ano nga ba ang Code red sub level 2 meaning, at bakit kailangan itong ipatupad ngayon sa Pilipinas?
Health code alert system meaning
Ang code alert system ay ang ginagamit na mekanismo ng DOH sa pagbibigay ng probisyon sa health services sa oras na may mangyaring emergency o sakuna. Ito ay tumutukoy sa kung anong level ng preparasyon at tamang pagtugon ang dapat isagawa para sa ikakabuti at ikaliligtas ng masang Pilipino.
Sa ngayon ay may limang level ang code alert system ng DOH. At ito ay base sa itinakda ng WHO o World Health Organization.
Ang mga ito ay ang sumusunod:
Alert Level 1: White
Ito ang unang alert level na ginagamit sa tuwing may identified case ng infection o sakit sa labas ng bansa. Sa level na ito na tinatawag rin Code White ay dapat makipagtulungan ang Department of Foreign Affairs o DFA at mga embahada sa DOH upang ma-kontrol ang sitwasyon at hindi na makapasok sa bansa ang impeksyon.
Kailangan ay i-monitor ang mga confirmed cases abroad at tutukan ang mga pumapasok na turista o balikbayan na maaring magdala ng sakit sa bansa. Mayroon ring health declaration checklist na dapat pagtibayin sa alert level na ito.
Bagamat hindi pa nakakapasok sa bansa ang impeksyon, ay dapat maging handa na ang mga gamot at personal protective equipment o PPE na gagamitin sa oras na kumalat ang virus sa bansa.
Dapat ay may isang technical working group rin ang tumututok sa sitwasyon. At pinagplaplanuhan at pinaghahandaan ang posibilidad na makapasok ang sakit sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Alert Level 2 at 3: Blue
Nailalagay sa Alert Level 2 ang health alert system kapag ang impeksyon o virus ay nakapasok na sa loob ng bansa. Magiging Alert Level 3 ito kapag nag-deklara na ng Public Health Emergency of International Concern o PHEIC ang WHO laban sa sakit.
Sa parehong level na itinuturing na Code Blue Alert ay kailangan ng bumuo ng inter-agency task force na tututok sa kumakalat na sakit.
Tulad ng sa Code White ay dapat paring i-monitor ang mga flights at pasaherong pumapasok sa Pilipinas mula sa mga bansa na infected ng sakit. Dapat paring pagtibayin rito ang health declaration checklist. Ganoon din ang pagkakaroon ng guidelines sa pagsusubaybay sa mga posibleng kaso ng sakit sa bansa. Dapat ay mayroon naring mga testing kits o set-up upang matukoy kung sino ang positibo sa virus. Sa oras na may mag-positibo ay dapat handa ang mga health facilities na sila ay gamutin.
May travel restriction narin sa Code Blue Alert. Kailangan naring sumailalim sa home quarantine at isolation ang mga pasyenteng maaring taglay ang impeksyon. Inaabisuhan narin ang publiko na umiwas sa matataong lugar sa code level na ito.
Alert Level 4: Red Sublevel 1 at Sublevel 2
Itinataas na sa Alert Level 4 Red Sublevel 1 ang health system kapag mayroon ng napatunayang local transmission ng sakit. Ito ay nangangahulugan na ng mataas na tiyansa ng human to human transmission. O ang mabilis na pagkalat at pagkahawa sa sakit.
Sa level na ito ay mas dumadami ang ahensya ng gobyerno na kabilang sa inter-agency task force na tumututok sa sakit. Magsasagawa narin ng contract tracing sa mga posibleng nahawaan ng nag-positibong pasyente ng sakit. At saka sila idadaan sa testing at i-isolate sa oras na matuklasang infected narin ng virus.
Bilang tugon sa pagkalat ng sakit ay dapat mas paigtingin ng gobyerno ang kanilang public information campaign. Ito ay upang mabawasan ang takot at panic na bumabalot sa publiko sa nakakabahalang oras na ito.
Tumataas naman sa Code Red Sublevel 2 ang health system kapag may ebidensya na ng community transmission. At kapag patuloy na dumarami at lumaganap ang sakit sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Sa ngayon, dahil nasa Code Red Sublevel 2 ang bansa, ay ipapatupad ang mga sumusunod na guidelines:
- Suspendido ang mga land, domestic air at domestic sea travel papunta at papasok ng Metro Manila. Ito ay magsisimula sa March 15 hanggang April 12, 2020.
- Suspendido rin ang klase at trabaho sa executive branch. Magsisimula rin ito mula March 15 hanggang April 12, 2020.
- Kailangang sumailalim sa quarantine ang isang barangay sa oras na may kumpirmadong kaso ito ng 2-19 bilang ng sakit. Ang mga kaso ng sakit ay dapat nagmumula sa 2-19 iba’t-ibang kabahayan.
- Sasailalim sa quarantine ang isang municipality o city sa oras na magkaroon ito ng 2-19 na positibong kaso ng sakit. Ang mga kumpirmadong kaso ng sakit ay dapat nagmumula sa iba’t-ibang barangay.
- Province wide quarantine naman ang ipapatupad kapag may 2-19 na kumpirmadong kaso ng sakit sa isang probinsya. Ang mga kaso ay dapat nagmumula sa iba’t-ibang munisipalidad sa isang probinsya.
- Maari naring mag-deklara ng State of Calamity ang isang LGU sa level na nasa ilalim ng community quarantine na magbibigay sa kanila ng pahintulot na gamitin ang kanilang Quick Response Fund.
- Pinagbabawalan rin muna ang mga mass gatherings na maaring maging paraan ng pagkalat ng sakit.
- Hangga’t maari ay dapat i-observe ng bawat isa ang social distancing. O ang paglayo muna sa mga matataong lugar at pananatili sa loob ng bahay upang hidi mahawaan ng sakit.
SOURCE: Public Health Resources, GMA News, Inquirer
BASAHIN: Matatanda lang ang apektado” at iba pang COVID-19 myths ayon sa WHO