Namulat ang marami sa atin na ikinahihiya o ikinaiilang ang pagbanggit sa mga salitang “titi” at “pepe” pero ayon sa mga eksperto, ang pagtuturo ng sex education o Comprehensive Sexuality Education sa mga bata ay dapat na nagsisimula sa tahanan pa lamang.
Pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy nakababahala
Mommy and daddy, alam niyo bang patuloy na tumataas ang bilang ng mga kabataang nabubuntis nang maaga sa ating bansa? Ayon sa mga eksperto mula sa gobyerno at mga organisasyong sibiko, ito ay isang seryosong suliranin na dapat harapin. Kaya naman, nananawagan ang mga ahensya na maisabatas ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill upang mapigilan ang pagdami ng mga kaso ng maagang pagbubuntis.
Sa isang press conference na inorganisa ng Oxfam Pilipinas, Save the Children Philippines, Young Feminists Collective, at Philippine Legislators’ Committee on Population and Development, binigyang-diin ni Usec. Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang kahalagahan ng nasabing batas. Aniya, ito ay isang makasaysayang panukala na magbibigay ng masusing pansin sa mga kabataan at magbabago sa kanilang mga buhay.
Bukod dito, hinihikayat din ng mga ahensya at grupo ang Office of the President na muling ipatupad ang Executive Order No. 141, series of 2021. Ang kautusang ito ay naglalayong tugunan ang mga ugat ng pagtaas ng bilang ng mga kabataang nabubuntis at pag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na kumilos para sa layuning ito.
Kasama sa mga nagsalita sa press conference ang mga kinatawan mula sa Commission on Population and Development (CPD). Pati na rin ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepED), at Family Planning Organization of the Philippines. Gayundin ang National Youth Commission, at Philippine Commission on Women.
Ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill ay naipasa na sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives at kasalukuyang nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa Senado.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, isa sa mga may-akda ng panukala at chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, patuloy niyang isusulong ang nasabing batas kahit hindi ito kasama sa mga prayoridad ng Senado. Naniniwala siya na ang teenage pregnancy ay isang “epidemic” na dapat nang masugpo.
Halaga ng sex education o Comprehensive Sexuality Education
Isa umano sa mga epektibong paraan upang maiwasan ang maagang pagbubuntis ay ang sex education o Comprehensive Sexuality Education (CSE). Ayon kay DepEd Assistant Secretary Dexter Galban, ang CSE ay isang mahalagang hakbang. Ito ay upang mabigyan ng tamang kaalaman ang mga kabataan.
“Talagang nakaatang sa kanilang edad. So pagpasok na pagpasok pa lang nila sa paaralan, nag-uumpisa na ang CSE. Una, kung ano iyong parte ng katawan, ano ang ‘good touch’, ano ang ‘bad touch’, and eventually the more complicated and more complex aspects of CSE, RH (reproductive health) – lalong-lalo na pag nagbabago ang katawan, and they’re entering the adolescent period,”paliwanag ni Galban.
“And hopefully this will provide them with more information on the pros and cons of particular actions. At natutulungan at nagagabayan natin sa kung anong dapat nilang gawin bilang mga kabataan. So by providing proper guidance, by letting information become readily available, hopefully we’re able to guide them towards making the right choices at the right time,” dagdag pa nito.
Sang-ayon naman dito si Mylin Mirasol Quiray, acting chief of the CPD-Knowledge Management & Communications Division. Naniniwala rin siya na sex education ang isa sa mga solusyon sa pagdami ng kaso ng teenage pregnancy. Katunayan ay hinihikayat niya ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng tamang termino para sa mga bahagi ng katawan.
“We also are calling for parents… Please talk about sexuality with your adolescent children. [Teach] them the right way to name our private parts. Huwag ‘bird’, huwag ‘flower’. Tawagin natin siya as it is, like any other body part: like our eyes, our nose, our hands. It could start as simple as that,” ani Quiray.
Bukod dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkuha ng impormasyon mula sa tamang sources.
“Kumuha kayo ng tamang impormasyon about sex and sexuality. Lalo na ang social media – next to none – ang source of information ng mga kabataan on sex and sexuality. So ‘pag ganoon, napaka-alarming noon kasi unregulated ang social media content natin.”
Parents, sa pamamagitan ng tamang edukasyon at gabay, maiiwasan natin ang maagang pagbubuntis ng ating anak. At masisiguro ang mas maliwanag na kinabukasan para sa kanila. Mahalaga ang inyong papel sa pagbibigay ng tamang impormasyon at wastong kaalaman upang maprotektahan ang kanilang kinabukasan.