Lahat naman siguro ng ina ay gustong maging malapit sa kanilang anak. At minsan, gumagawa sila ng paraan para maging isang cool mom, o isang nanay na kasundo ang kaniyang anak.
Ngunit minsan, mahirap kapag masyado kang malapit sa iyong anak. Ito ay dahil nawawala ang boundaries sa inyong dalawa. Dahil dito, posibleng hindi na maging nanay ang trato sa iyo, ngunit isang kaibigan. Hindi rin ito maganda dahil kailangan maintindihan ng iyong anak na kahit malapit kayo, ikaw pa rin ang ina, at siya ang anak.
Ngunit paano ba maging isang cool na nanay?
Ano ba ang cool na nanay?
Maraming depinisyon ang pagiging isang ‘cool’ na ina. Para sa iba, ibig sabihin nito na magkasundo kayo ng iyong anak. Sa iba naman, gusto nila na nakakapagbahagi sa kanila ng mga sikreto ang kanilang anak. Ang iba naman, gusto na open ang komunikasyon nila sa kanilang anak.
Lahat ng mga ito ay bahagi ng pagiging ‘cool’ na nanay. At heto ang ilang mga hakbang upang magawa mo ito:
1. Maging malinaw sa iyong responsibilidad bilang magulang
Maraming ina ang gustong maging kaibigan ang kanilang anak. Ngunit ang nagiging problema dito ay magkaiba ang responsibilidad ng magulang, sa responsibilidad ng isang ina.
Kaya’t simula’t sapul pa lamang, dapat malinaw na agad sa iyo na ikaw ay isang ina. Ibig sabihin nito, hindi mo pwedeng tratuhin na parang kaibigan ang iyong anak. Kailangan mo minsan maghigpit, o pagsabihan sila kapag sila ay nagkamali. Mahalaga na respetuhin ka nila bilang isang ina.
2. Huwag kang umasa sa anak mo para sa iyong self-esteem
May pagkakataon rin naman na ang mga ina ay masyadong umaasa sa anak nila para sa self-esteem. Huwag kang matakot na magkaroon ng kaibigan sa labas ng iyong mga kapamilya o kamag-anak. Hindi maganda ang masyadong umasa sa iyong pamilya para sa iyong mga personal na pangangailangan.
Mahalagang mayroon kang buhay sa labas ng pamilya, at kailangan naiintindihan ito ng iyong asawa’t mga anak. Hindi lamang naman dapat sa kanila umikot ang iyong mundo. Importante sila sa buhay mo, pero importante rin na pagtuunan mo ng pansin ang iyong sarili.
3. Maging interesado sa hilig ng iyong anak
Huwag mahiyang kausapin ang iyong anak tungkol sa kanyang mga hilig. Ito ay magandang paraan upang magkaroon kayo ng bonding, at upang mas maunawaan mo rin ang iyong anak.
Malay mo, parehas pala kayo ng mga interes at hilig!
4. Malaya kayong nakakapag-usap tungkol sa mga bagay tulad ng sex
Mahalagang magkaroon kayo ng open na komunikasyon tungkol sa usapin ng sex. Bagama’t conservative na bansa ang Pilipinas, nagbabago na ang panahon ngayon, at mabuting mga magulang ang magturo ng ganitong bagay sa kanilang mga anak.
Isa kang cool na nanay kung komportable sa inyo pag-usapan ang mga sensitibong paksa. Mabuti nang sa iyo manggaling ang impormasyon na ito, kesa matutunan pa ng anak mo sa mga kaibigan, o kaya sa internet.
5. Naiintindihan mo kung bakit minsan nagagalit sa iyong ang iyong anak
Normal lang na magkaroon kayo ng alitan ng iyong anak. Lalong-lalo na kung sila ay teenager na at nahihirapan ka minsang intindihin ang kanilang ugali.
Huwag kang mag-alala, dahil nangyayari talaga ito. Ang mahalaga ay mayroon kang pag-unawa, at habaan mo ang iyong pasensiya.
6. Magkasundo kayo ng iyong anak
Importante sa pamilya na magkasundo ang magulang at anak. Ito ay para magkaroon ng mas malalim na pag-unawa at pagsasama sa isa’t-isa.
Hindi lang sapat na maayos kayo sa bahay, mahalaga rin na maging malapit kayo isa’t-isa at hindi kayo nahihiya o natatakot na maglabas ng mga sikreto o pribadong bagay sa inyo.
Ito ay mahalaga upang ikaw ay maging isang cool na nanay.
7. Komportable ang iyong anak kapag kasama ka sa bahay
Mahalaga rin na komportable ang iyong anak kapag nariyan ka. Hindi sila dapat takot sa iyo, ngunit dapat mayroon silang respeto sa iyo bilang isang magulang.
Dapat rin na maramdaman nila ang iyong pag-aaruga at mayroon silang sense of security kapag kasama ka. Hindi ka nila dapat tratuhin bilang kaaway o kalaban, ngunit isang kakampi at kasama sa buhay.
Source: Psychology Today
Basahin: Ina binugbog ang sariling anak dahil sa mababang grado!