Couple’s nest para sa evacuees ng Taal Volcano eruption binuksan at libreng ipinapagamit sa mga mamamayan ng Tagaytay City.
Couple’s nest para sa evacuees
Hindi lang daw pagkain at maayos na matutulugan ang kailangan ng mga evacuees dahil may iba pa silang personal na pangangailangan, partikular na sa mga mag-asawa o may kinakasama. Kaya naman para matugunan ang pangangailangan na ito ay nagbukas ng couple’s nest sa Tagaytay City para sa evacuees kahapon.
Ayon kay Liza Fe Capupus, health officer mula Tagaytay City, ang couple’s nest ay binuksan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawa o mag-partner na evacuees na magkaroon ng kanilang private time. Ito ay parang isang mini hotel na kung saan maari nilang gawin at matugunan ang kanilang intimate needs.
“Kailangan ng couple’s nest kasi ito ay isa sa mga pangangailangan ng mag-asawa, so they need to be intimate with each other,” pahayag ni Capupus sa isang panayam.
“Dapat mabigyan ng prayoridad at mabigyan din ng serbisyo kung saan ‘yung mga facilities (na ganyan) available din siya, just like breast-feeding area”, dagdag pa niya.
Paano makakagamit ng couples nest para sa evacuees
Ang couple’s nest ay bukas sa lahat ng couple evacuees mula sa naganap na pagsabog ng bulkang Taal. Ngunit para makagamit ng pasilidad ay kailangan munang magpa-rehistro ng magkarelasyong evacuees upang sila ay mabigyan ng coupon. Ang coupon ang magsisilbing ticket nila upang makapasok at makagamit ng couple’s nest.
Mayroon itong limang kwarto at kada kwarto ay maaring gamitin ng couple evacuees sa loob ng isa hanggang dalawang oras.
Bago makagamit ng couple’s nest ay kailangan din munang sumailalim sa family planning counseling ang couple evacuees. Kaugnay nito ay may mga condom rin na available sa kada kwarto na maari nilang gamitin.
“We have to make sure na sila ay nagpa-family planning. So meron pong condom na nandun po sa ilalagay po sa each of the rooms,” dagdag na pahayag ni Capupus.
Ayon pa rin kay Capupus, para makumpirma na mag-asawa o nagsasama ang magkarelasyong gagamit ng couple’s nest, may verification process rin silang isinasagawa. Paalala niya, ang couple’s nest ay bukas mula umaga hanggang alas-10 ng gabi lamang.
Iba pang pasilidad
May designated play area din silang inihanda para sa mga anak ng mag-asawang gagamit nito. O kaya naman ay maaring iwan muna ang mga anak sa kanilang kamag-anak para makasigurado.
Ang couple’s nest para sa evacuees sa Tagaytay City ay makikita sa isa sa mga evacuation centers sa lugar. Maliban nga sa couple’s nest at playroom, ay mayroon ding clinic at breastfeeding room sa center na ito.
Paliwanag ng mga Tagaytay City Health office, ito ay kabilang sa holistic approach na pangangalagang ibinibigay nila sa mga taong apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.
Impact ng Taal volcano eruption
Samantala, ayon kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas tinatayang nasa isang milyon na ang Taal volcano evacuees. Walong daang libo sa mga ito ay nananatili sa kanilang mga kamag-anak. Habang ang natitirang 200,000 ay nasa evacuation centers sa iba’t-ibang lugar sa Batangas, Cavite, Laguna at Quezon.
Sa ngayon ay nananatiling nasa alert level 4 ang Taal Volcano ayon parin sa PHILVOCS. Nangangahulugang maari itong magdulot ng malakas na pagsabog anumang oras o araw. Kaya naman patuloy paring inililikas at hindi muna pinababalik ang mga naninirahan sa paligid ng 14 kilometer danger zone ng Taal.
Dagdag pa ng ahensya sa nakalipas na 24 oras ay patuloy na naglalabas parin ng mahinang usok ang bulkang Taal. Ito ay may kasamang abo na umaabot ng 500 to 600 metro ang taas kung bumuga. Ang ibinubugang abo ay nagmumula sa southwest main crater ng bulkan. Naitala ring patuloy parin ang mahinang pagyanig sa paligid ng bulkan.
Nagbigay din ng paalala ang DOH o Department of Health sa mga Taal evacuees na kung maari ay panatihilin ang kalinisan sa katawan at paligid ng mga evacuation centers. At hangga’t maari ay magsuot parin ng N95 mask. Ito ay dahil umabot na sa 1,729 ang bilang ng kaso ng acute respiratory infection. Ito ang epekto ng ashfall mula sa pagsabog ng bulkan sa kalusugan ng tao.
SOURCE: GMA News, ABS-CBN News, The Philippine Star, The Philippine Star
BASAHIN: Cleaning up after ashfall: Mga tips upang malinis ang loob at labas ng bahay, SAFETY TIPS: Dapat bang mag-alala sa pagputok ng Taal volcano?