Mas mataas umano ang tiyansa na magkaroon ng COVID-19 sa bahay. Narito ang dahilan kung bakit at paano ito maiiwasan.
COVID-19 sa bahay
Ayon sa isang South Korean study na nailathala sa Centers for Disease Control and Prevention journal nito lamang July 16, mas mataas umano ang tiyansa na magkaroon ng COVID-19 ang isang tao sa loob ng kanilang bahay o household. Ang findings na ito ay natuklasan ng mga researchers matapos pag-aralan ang data ng 5,706 index patients na nag-positibo sa sakit sa South Korea mula noong January 20 hanggang March 27, 2020.
Dagdag na pahayag ng mga researchers, base sa kanilang analysis lumabas na 2 sa kada 100 na nagkaroon ng COVID-19 ay nahawa sa kasama nilang nakatira sa loob ng iisang bahay. Habang may isa sa kada 10 na nagkaroon ng sakit ang nakuha ang virus mula sa isang kapamilya.
Mas mataas ang tiyansa kung ang magkakasakit ay isang matanda o teenager
Base parin sa pag-aaral, mas mataas nga daw ang infection rate o tiyansa ng pagkakahawa kung ang unang nagkasakit sa loob ng isang bahay ay isang teenager at mga matatandang edad 60 hanggang 70 anyos.
Teorya ng mga researchers, ito ay dahil ang age group na ito ang mas nangangailangan ng protection at support. Kaya naman mas madalas ang nagiging interaksyon nila sa iba’t-ibang miyembro ng kanilang pamilya.
.”This is probably because these age groups are more likely to be in close contact with family members as the group is in more need of protection or support.”
Ito ang pahayag ni Jeong Eun-kyeong, isa sa mga researchers ng isinagawang pag-aaral.
Dagdag pa niya natuklasan rin ng pag-aaral, na mababa ang tiyansa ng mga batang maging index patients ng COVID-19. At sa oras man na ma-infect sila nito karamihan sa kanila ay asymptomatic o hindi nagpapakita ng mga sintomas.
Mas nakakahawa ang sakit kung ito ay hindi pa nagpapakita ng sintomas
Samantala, noong Abril ay mayroon ring US study ang unang nakapagsabi na “realistic” ang transmission ng COVID-19 sa loob ng isang household. Base nga sa US study, higit sa 19% ng mga taong kasama ng isang COVID-19 positive na naninirahan sa isang bahay ang inaasahang maaring magkaroon rin ng impeksyon. Habang 14% naman ng mga close contacts o mga taong bumibisita lang sa bahay ng COVID-19 positive ang inaasahan ring mahawa sa sakit.
Dagdag pa nga ng pag-aaral, mas mataas umano ang tiyansa ng pagkakahawa habang nasa incubation period palang ang sakit. O ang period na kung saan wala pang ipinapakitang sintomas ang isang taong infected na pala ng COVID-19. Ganoon rin kapag nasa isolation period na ang isang pasyente.
”The infectivity is pretty high during the incubation period, when the patient didn’t show any symptoms. The infectivity rate is as high during the asymptomatic period as during the symptomatic period.”
Ito ang pahayag ni Yang Yang, isang associate professor ng biostatistics sa University of Florida na nanguna sa ginawang pag-aaral.
Mga paraan para maiwasang maikalat ang COVID-19 sa bahay
Kaugnay rito ay nauna ng nagpalabas ng paalala at gabay ang CDC sa mga COVID-19 patients na piniling magpagaling sa loob ng kanilang bahay.
Base sa kanilang paalala, ito ang mga dapat gawin upang maiwasang maihawa pa ang COVID-19 sa bahay na kanilang pinaglalagian.
- Dapat ay manatili sa isang kwarto ang taong positibo sa COVID-19.
- Kung sakali mang makikipag-usap sa kapamilya o kasama sa bahay ay dapat mayroong distansya at nakasuot rin ng mask ang COVID-19 patient.
- Kung possible ay dapat nakahiwalay rin ang CR o palikuran na kaniyang ginagamit.
- Hindi rin dapat ipinapagamit sa iba ang kaniyang mga personal na gamit. Tulad ng plato, kutsara, tinidor, tuwalya, kumot at sapin sa kama.
- Pagdating sa paglilinis o paglalaba ng mga nasabing gamit, dapat ay nakasuot ng disposable gloves ang gagawa nito. At iwasan na magkaroon ng contact sa mga gamit ng COVID-19 patient kung maari.
Mga paraan para maiwasang maipasok ang COVID-19 sa bahay
Para naman maiwasang maipasok sa loob ng bahay ang virus ay may mga paalala ring inilabas ang CDC. Ito ay ang mga sumusunod:
- Limitahan ang mga lakad o paglabas ng bahay.
- Kung may importanteng dapat lakarin ay ipagawa ito sa mga miyembro ng pamilya na hindi mataas ang tiyansa na mahawaan ng sakit. Hindi ang mga senior citizens at may iniinda ng iba pang karamdaman.
- Sa paglabas ng bahay ay dapat magsuot ng mask. Dapat ding umiwas sa siksikan o mataong lugar. At i-praktis ang social distancing sa lahat ng oras.
- Mas mabuti munang iwasan ang pampublikong transportasyon. Sa halip ay maaring gumamit ng sariling sasakyan, motorsiklo o bicycle para maiwasan ang interaksyon sa iba.
- Kung ang pagsakay sa pampublikong transportasyon ang natatanging opsyon, ay bumayahe sa mga oras na hindi rush o kokonti lang ang mananakay.
- I-maintain din ang 6-foot distance sa iba pang pasahero.
- Iwasang hawakan ang mga surfaces sa pampaublikong sasakyan tulad ng handrails. At agad na maghugas ng kamay o gumamit ng hand sanitizer matapos bumaba ng sasakyan.
- Pag-uwi ng bahay ay agad na magpalit ng damit at maghugas ng kamay.
- At iwasan na munang makisalimuha sa mga COVID-19 high risk members ng inyong pamilya. Iwasan din muna ang paghalik, yakapan at hatian sa pagkain at inumin.
- Siguraduhin na regular na madidisinfect ang mga gamit sa bahay. Partikular na ang mga surfaces na laging nahahawakan tulad ng doorknobs, upuan, mesa at TV remote.
Gamit ang mga nabanggit na paraan ang tiyansa ng pagkakaroon ng COVID-19 sa bahay ay mababawasan. At mapoprotektahan ang bawat miyembro ng pamilya mula sa sakit.
Source:
Basahin:
Hindi napipigilan ng valved masks ang pagkalat ng COVID-19, ayon sa FDA