Pananakit ng tiyan maaaring sintomas ng COVID-19 sa bata, ayon sa research
Ayon sa mga eksperto sa oras na makaranas ng pananakit ng tiyan at lagnat, dapat ng isailalim sa COVID-19 testing ang isang bata. Dahil malaki ang posibilidad na sintomas na ito ng sakit. | Lead image from Freepik
COVID-19 sakit ng tiyan ng bata at pagtatae, palatandaan rin ng sakit.
STUDY: COVID-19 sakit ng tiyan ng bata sintomas rin ng sakit sa kanila
Ayon sa isang bagong pag-aaral, hindi lang matatanda na nag-popositibo sa sakit na COVID-19 ang nakakaranas ng pananakit ng tiyan. Dahil pati umano ang mga batang infected ng sakit ay natuklasang nakaranas ng naturang sintomas. Bagamat hindi ito kasing lala ng nararanasan ng mga adults o matatanda.
Ito ay natuklasan matapos pag-aralan ng Queen’s University Belfast researchers ang 992 na bata sa UK.
Sa pag-aaral ay kinunan ng dugo ang mga bata at isinailalim sa blood test. Ito ay upang malaman kung sila ba ay nahawaan o na-infect ng COVID-19 virus.
Resulta ng ginawang pag-aaral
Lumabas nga sa resulta ng test na 68 sa 992 na mga bata ang nagtataglay ng antibodies laban sa virus. Nangangahulugan ito na sila ay na-infect ng COVID-19 at nag-develop ang kanilang katawan ng antibodies upang malabanan ito.
Natuklasan ring kalahati sa 68 na batang nag-positibo sa COVID-19 antibodies ay nakaranas ng mga sintomas ng sakit.
Nasa 21 sa kanila ang nakaranas umano ng lagnat. Anim rin sa mga bata ang nagsabing nakaranas sila ng loss of smell at taste. Pero hindi tulad ng sa matatanda hindi common ang ubo sa mga batang lumabas na positibo sa COVID-19. Pero nasa 13 sa 68 na batang nag-positibo sa sakit ang nakapagsabi na sila ay nakaranas ng COVID-19 sakit ng tiyan ng bata symptoms. Ganoon rin ang iba pang gastrointestinal symptoms tulad ng pagtatae at pagsusuka.
Sa kabila nito, wala sa mga batang nag-positibo sa sakit ang nakaranas ng seryosong kondisyon. At sila ay hindi kinailangang ma-confine sa ospital.
Rekumendasyon ng ginawang pag-aaral
Ikinatuwa naman ng mga researchers ang natuklasang ito. Ayon sa kanila, mabuting balita na napatunayang hindi malala ang nagiging epekto ng COVID-19 virus sa kalusugan ng mga bata. Pero sa kabilang banda ay isang bagay itong dapat ipag-alala. Dahil patunay ito na maaring carrier ng sakit ang mga bata at malaki ang tiyansa na maihawa nila ito sa mga taong vulnerable sa sakit na COVID-19.
“We know that, thankfully, most children who get the virus will not be very ill with it – but we still do not know how much children may be spreading it.”
Ito ang pahayag ng lead researcher ng ginawang pag-aaral na si Dr Tom Waterfield. Dagdag pa niya, dahil sa resulta ng naging pag-aaral, dapat ay madagdag na sa listahan ng sintomas ng COVID-19 sa mga bata ang pananakit ng tiyan. Ito ay upang mas matutukan sila at maiwasang maihawa pa nila ang sakit sa iba ng hindi namamalayan.
“We are finding that diarrhoea and vomiting is a symptom reported by some children and I think adding it to the list of known symptoms is worth considering.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Dr Waterfield.
Sintomas ng COVID-19 sa bata
Ayon sa CDC, ang sintomas ng COVID-19 sa bata at matanda ay magkatulad lang. Ngunit kung ikukumpara sa lala o severity ng sintomas na ipinakita ay naitalang mas mild ang naranasan ng mga batang nag-positibo sa virus.
Pagdating sa incubation period ng sakit, tulad ng sa matatanda ay nasa loob ng 2-14 na araw din bago magpakita ng sintomas ang mga batang infected ng sakit. At ang mga sintomas na ipinapakita nila na madalas na lumalabas sa loob ng 6 na araw matapos ma-expose sa virus ay ang sumusunod:
- Lagnat
- Fatigue o pagkapagod
- Pananakit ng ulo
- Myalgia o pananakit ng muscles sa katawan
- Ubo
- Nasal congestion o baradong ilong
- Kawalan ng panlasa o pang-amoy
- Sore throat o pananakit ng lalamunan
- Hirap sa paghinga
- Pananakit ng tiyan
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Kawalan ng gana kumain o dumede
Maliban sa mga nabanggit, may ilang bata rin na nag-positibo sa sakit ang nagkaroon ng rashes sa katawan na maihahalintulad sa sintomas ng Kawasaki disease.
Kaya naman mula sa mga nabanggit na sintomas, rekumendasyon ng mga awtoridad dapat ay isailalim agad sa COVID-19 test ang mga batang nakakaranas ng mga nabanggit na sintomas. Ito ay upang agad silang mabigyan ng lunas at ma-isolate upang hindi na sila makahawa pa.
Paano makakaiwas sa COVID-19 ang iyong anak?
Para naman maiiwas sa sakit na COVID-19 ang iyong anak ay narito ang mga dapat gawin.
- Sanayin siyang ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Ayon kay Dr. Cindy Gellner, pediatrician mula sa Salt Lake City, Utah, USA, magiging fun ang paghuhugas ng kamay ng mga bata kung sasabayan ito ng pagkanta ng mga nursery rhymes. Tulad ng ABC, Row, row, row, your boat at Happy birthday. Dapat lang ay ulitin ito ng dalawang beses upang tumagal ng 20 seconds ang kanta na inirerekumendang tagal o tamang oras ng paghuhugas ng kamay.
- Paalalahan siyang umiwas sa mga taong may sakit, pati na sa mga umuubo at umaatsing.
- Kung lalabas ng bahay mabuting pag-suotin siya ng mask. Pero kung hindi naman kinakailangan mas mabuting manatili nalang sa loob ng bahay.
- Linisin at i-disinfect ang mga lugar o surfaces na mahahawakan ng iyong anak sa bahay. Tulad ng mesa, upuan, doorknobs, light switches, remote, toilet, lababo at iba pang mga surfaces na mahahawakan niya.
- Labhan ang mga laruan at iba pang bagay na madalas na nahahawakan ng iyong anak. Tulad ng mga washable plush toys, throw pillows at table napkins na ginagamit niya.
- Sa oras na makitaan ng sintomas ng COVID sa bata ang iyong anak ay agad na ipa-konsulta siya sa doktor.
- Siguraduhin rin na nakakain ng masusustansyang pagkain ang iyong anak. Siya rin dapat ay nakakainom ng bitamina at nanatiling physically active kahit na sa ngayon ay dapat nasa loob ng bahay lang siya.
Source:
BASAHIN:
COVID toes at iba pang rashes, maaaring pinakabagong sintomas ng virus
- Anong nangyayari sa iyong katawan pag nag-positibo sa COVID-19?
- 97,000 na bata sa America nag-positibo sa COVID-19 sa loob lamang ng dalawang linggo
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."
- 10 parenting mistakes kung bakit lumalaking hindi close ang bata sa magulang