Narito ang COVID-19 tips grocery shopping ideas para siguradong COVID-free ang iyong pinamili ayon sa isang doktor.
COVID-19 tips grocery shopping
Gustuhin man nating manatili lang sa loob ng ating bahay para makasiguradong ligtas sa kumakalat na coronavirus disease, kailangan nating lumabas upang bumili ng ating makakakain. At maliban nga sa tyansang mahawa sa virus mula sa mga taong iyong mai-encounter habang namimili ay malaki rin ang tiyansang makuha ang virus sa mga groceries na ating pinamili. Ito ay base sa resulta ng isang pag-aaral na inilathala sa US NIH o National Institute of Health.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga scientist mula sa CDC, UCLA at Princeton University, ang COVID-19 virus na tinatawag naring SARS-Cov-2 sa ngayon ay kayang manatili sa aerosol ng hanggang sa tatlong oras. Maari naman itong manatili sa surfaces tulad ng copper ng hanggang sa 2 oras, sa cardboard ng 24 oras at sa plastic at stainless steel ng hanggang sa tatlong araw.
Kaya naman dahil dito ay mariing pinunto ni Dr. Jeffrey VanWingen, isang family physician sa Michigan, USA na mahalagang masigurado na ang mga pagkain o bagay na ating pinamili sa groceries ay hindi contaminated ng virus. Sa pamamagitan nga ng isang video ay ibinahagi niya kung paano magagawa at masisiguro ito.
Paano masisigurong COVID-free ang groceries na iyong pinamili
Ayon kay Dr. VanWingen, para masigurong COVID-free ang mga groceries na pinamili ay maari itong gamitan ng sterile technique. Ito ang technique na gingawa ng mga healthcare workers upang masigurong malinis ang isang equipment o area na gagamitin bago magsagawa ng surgery o iba pang medical procedure.
Huwag na munang ipapasok sa loob ng inyong bahay ang iyong pinamili.
Ang unang paraan para mai-apply ito sa groceries na ating pinamili ay ang hindi muna pagpapasok sa mga ito sa loob ng bahay ng tatlong araw hangga’t maari. Kung pupwede at wala namang mabubulok sa pinamili ay iwan muna ito sa garahe o iyong kotse.
“When you go out to get your groceries, and you bring them home, try not to bring them into your house unless you absolutely need them,” sabi ni Dr. VanWingen.
“Those who have their groceries delivered should do this, too. “Have (the delivery person) dump them outside, so you can bring them in when you need them,” dagdag pa niya.
Ang tip na ito ni Dr. VanWingen ay base sa impormasyong inilathala sa NIH tungkol sa haba ng oras na itinatagal ng virus sa mga surfaces.
Paalala sa pamimili
Sa pamimili ay may mga paalala ring ibinahagi si Dr. VanWingen para ma-proteksyonan ka mula sa sakit. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Punasan ng disinfectant wipes ang iyong kart lalo na ang handle nito.
- Mag-commit sa item na iyong binibili o pag-isipan muna kung dapat bang bilhin ang isang grocery item bago ito damputin at ilagay sa iyong kart.
- Huwag mamili kung may respiratory illness tulad ng ubo. O kaya naman kung ikaw ay na-expose sa virus o isang PUI.
- Huwag hayaang lumabas o mamili ang mga matatandang edad 60-anyos pataas. Sila ay mas prone umano sa virus.
- Planuhin ang mga dapat mong bilhin na sapat o magkakasya sa loob ng dalawang linggo.
- I-minimize o gawing mas maikli ang iyong oras sa pamimili kung maari.
I-disinfect ang mga groceries na pinamili.
Kapag naman kailangan ng ipasok sa loob ng inyong bahay ang groceries ay i-disinfect ito. Dahil ayon sa kaniya bagama’t sumusunod sa grocery safety protocols ang mga supermarket, hindi naman nito na-didisinfect ang kanilang mga paninda. Kaya malaki ang tiyansa na kapag nahawakan ito ng taong infected ay maiwan rito ang virus na nagdudulot ng sakit.
“Imagine the groceries that you have are covered with some glitter. And your goal at the end of this is to not have any glitter in your house, in your hands and especially on your face. And imagine that disinfectant and soap, they have the power to dissolve that glitter”, dagdag na payo ni Dr. VanWingen.
Magkaroon ng dirty at clean area sa pag-didisinfect ng iyong pinamili.
Simulan ang pag-didisinfect ng iyong pinamili sa pagkakaroon ng clean at dirty area sa iyong mesa. Sa ginawang pagsasalarawan ni Dr. VanWingen ay hinati niya sa clean at dirty area ang kaniyang mesa gamit ang isang blue tape. Sa dirty area niya ipinatong ang groceries na kaniyang pinamili, at saka niya ito inililipat sa clean area kapag na-disinfect na.
Sa pag-didisinfect ay gumamit si Dr. VanWingen ng simple disinfectant na kayang patayin ang human coronavirus tulad ng Lysol. Naglagay siya nito sa isang sanitizing towel na kaniyang gagamiting pamunas sa mga groceries na pinamali. Paalala niya dapat siguraduhing basa ng disinfectant ang towel na gagamiting pamunas sa mga groceries para masigurong mapatay nito ang germs at virus. Saka punasan ng isa-isa ang mga mga ito tulad ng mga pagkaing may plastic na packaging. Dapat daw ay mas linisan ang area ng packaging ng pagkain na mas madalas na nahahawakan. Tulad sa itaas na bahagi ng mga chips kung saan ito madalas na binubuksan.
Ayon kay Dr. VanWingen mas makakasiguro kang ligtas ang iyong pinamili kung aalisin ito sa balot o packaging at saka ilipat sa malinis na container o lalagyan. Tulad ng mga pagkaing nasa loob ng karton o cardboard. Ngunit siguraduhin lang na sa paglilipat ng mga ito sa lalagyan ay hindi mo ito mahahawakan.
Hugasan ang prutas at gulay sa soapy water.
Para naman sa mga fresh produce tulad ng prutas at gulay ay iminungkahi ng doktor na hugasan ang mga ito sa soapy water. Ayon sa kaniya ay dapat gawin ito ng 20 segundo tulad ng paghuhugas sa kamay.
Pagdating sa mga pagkain o delivered foods, iminungkahi naman ni Dr. VanWingen na tanggalin rin ang packaging nito at ilipat sa malinis na container. Saka ito initin sa microwave para makasigurado.
Kung maari ay mas mabuti raw na mag-order ng mga hot foods kaysa sa malalamig na pagkain. Dahil ayon kay Dr. VanWingen ay maaring magtagal ang virus sa isang frozen environment ng hanggang sa 2 taon depende sa temperature o level ng lamig na kinalalagyan nito.
Reaksyon ng isang scientist
Bagamat pinuri si Dr. VanWingen sa mga Covid-19 tips grocery shopping ideas na kaniyang ibinahagi ay may ilang puntong nilinaw ang isang scientist sa kaniyang mga naging pahayag.
Ayon kay Benjamin Chapman, isang professor at food safety specialist sa North Carolina State University, sa ngayon ay wala pang ebidensya ang makakapagsabi na ang mga pagkain o food packaging ay maaring maging transmission vehicles ng coronavirus. Pero ang pinaka-magandang paraan upang masigurong ligtas ito sa coronavirus ay itabi na muna ang mga ito at maghugas ng iyong mga kamay pagkatapos itong hawakan at bago kainin.
Imbis na gumamit ng sabon, hugasan ang prutas at gulay gamit ang cold running water.
Payo niya hindi rin daw dapat hugasan ng tubig at sabon ang mga prutas at gulay na pinamili. Dahil ayon sa FDA ay maaring maiwan o sipsipin ng mga ito ang residues na mula sa sabon. Kapag ang mga ito ay ating na-ingest ito ay maaring magdulot ng pagsusuka at pagsakit ng tiyan.
“Drinking dish soap or eating it can lead to nausea, can lead to an upset stomach. It’s not a compound that our stomach is really built to deal with.”
Ito ang pahayag ni Chapman. Dagdag pa niya ay mas mainam daw na hugasan ang mga prutas at gulay gamit ng cold running water na makakapag-alis rin sa mga mikrobyo o germs na taglay ng mga ito.
At tulad ng sinabi ni Dr. VanWingen, kumpara sa grocery items na iyong pinamili, mas mataas ang tiyansang makuha mo ang sakit sa haba ng oras na iyong ilalaan sa pamimili. Ito ay dahil hindi mo alam kung sino sa mga taong nakakasalubong mo ang infected ng virus at hindi. Kaya kung maari ay mas mabuti hindi na muna lumabas ng bahay.
Panoorin ang buong video ng Covid-19 tips grocery shopping ideas ni Dr.VanWingen dito.
SOURCE: Live Science, NIH
BASAHIN: Mga prutas at gulay na maaaring makatulong makaiwas sa COVID-19