Newborn Guide: 10 bagay na dapat malaman tungkol sa cradle cap o langib sa ulo ni baby

Ano nga ba itong tinatawag na cradle cap? Paano ba ito matatanggal?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang sarap amuy-amuyin ng mga newborn. Lalo na sa bandang ulo. Subalit minsan, mapapansin mo na mayroong tumutubo sa ulo o bunbunan ni baby na parang langis. Balakubak ba ito? Narito ang ilang mahalagang kaalaman tungkol sa cradle cap sa mga sanggol.

Cradle cap

Cradle cap ang tawag sa seborrheic dermatitis, o seborrhea, na makikita sa bumbunan ng isang sanggol. Ito rin ang kauri ng balakubak na makikita sa mga bata at matatanda.

Gaya ng milia na matatagpuan sa mukha ng sanggol, isa itong karaniwang kondisyon sa mga bagong panganak na sanggol, at minsa’y pati sa mga batang hanggang tatlong buwan.

Mapapansin ang makapal na puti o madilaw na parang kaliskis o balakubak sa bunbunan at iba pang bahagi ng ulo ni baby, lalo sa mga unang linggo pagkapanganak.

Minsan mayroon din sa kilay, pilikmata, tenga, sa tabi ng ilong, batok, kili-kili o sa diaper area, na tinatawag nang seborrheic dermatitis dahil lumalabas ito sa mga bahagi ng katawan na may pinakamaraming oil- producing sebaceous glands.

Madalas napapagkamalan itong ezcema, ngunit ang dalawang kondisyong ito ay magkaiba, bagamat maaaring magkaroon ng sabay si baby. Para sa mga batang may eczema o dry skin, mas makati ang cradle cap.

Bilang magulang, marami tayong katanungan tungkol sa kondisyong ito. Masakit ba ito? Apektado ba ang pagtubo ng buhok ni baby? Narito ang ilang impormasyon na dapat malaman para maintindihan ang kondisyong ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga bagay na dapat malaman tungkol sa cradle cap ni baby

1. Ito ay hindi nakakahawa at hindi indikasyon ng poor hygiene

Walang alam na dahilan sa pagkakaroon nito. Ayon sa aklat na The Baby Care Book: A Complete Guide from Birth to 12 Months Old na isinulat nina Dr. Jeremy Friedman,MD, at Dr. Norman Saunders, MD, ito ay maaaring sanhi ng overproduction ng skin oil o sebum sa oil glands at hair follicles.

Isa pang posibleng sanhi ng cradle cap ay hormones ng nanay. Ang mga hormones na ito ay napupunta sa placenta bago ipanganak si baby, at ito ang sanhi para maging overactive ang oil glands sa balat. Dahilan para magrelease ng mas maraming oil kaya sa normal.

Ang ibang factors tulad ng biglang pagbabago ng panahon (mainit biglang lumalamig), pagkakaroon ng oily skin, problema sa immune system, maging ang stress, at iba pang sakit sa balat tulad nga ng ezcema, ay maaaring maging sanhi din ng cradle cap.

Sa mga sanggol na may magulang na may eczema ay mas prone o mas may posibilidad na magkaroon nito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang seborrhea naman ay makikita sa mga bata at minsan sa teenagers dahil sa mataas na level ng hormones sa edad na ito. Mayroon ring yeast (fungus) na tinatawag na malassezia (mal-uh-SEE-zhuh) ang tumutubo sa sebum na may kasamang bacteria.

Kaya minsan ay ginagamot ito ng anti-fungal cream tulad ng ketoconazole. Ang doktor ang tanging makakapagsabi nito. Subalit pagdating sa cradle cap ng sanggol, kailangan pa ba itong gamutin?

photo: shutterstock

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

2. Nawawala ito ng kusa kahit hindi bigyan ng pansin

Madalas ay hindi ito nangangailangan ng atensiyong medikal o paggamot. Pagkalipas ng ilang linggo o ilang buwan, nawawala na lang ito ng kusa.

Subalit nakakatulong ang paghuhugas ng anit o buong ulo ni baby gamit ang mild soap o baby shampoo at maligamgam na tubig, at paglalagay ng baby oil o mineral oil sa bahaging may cradle cap pagkaligo.

Pagkababad sa oil ng ilang minuto,maaari itong suklayin gamit ang suklay o malambot nabrush na pang-baby (HINDI karaniwang suklay). Huwag gagamit ng dandruff shampoo, dahil ito ay may salicylic acid na hindi ligtas para sa mga sanggol.

3. HUWAG itong kakamutin o kakaskasin

Ang pagkaskas gamit ang kuko ay makakapagpalala nito. Maaring magdugo at magsugat ang anit ni baby. Tandaan na ang kuko natin ay may mga mikrobyong hindi natin nakikita. Kapag nagsugat din si baby, maaring maimpeksiyon pa ito. Nakakabahala man itong tingnan, iwasan ang paggalaw dito dahil baka makasama ito sa iyong sanggol. Tandaan, malambot ba ang bunbunan ni baby.

4. Hindi ito makati o masakit

Para sa’ting matatanda, makati sa anit kapag mayroong balakubak. Kaya iniisip natin na maaring makati rin ang anit ni baby dahil sa cradle cap. Pero huwag mag-alala, hindi naman ito makati para sa iyong sanggol.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Gayundin, hindi naman masakit ang cradle cap para kay baby, kaya’t huwag mabahala o mabalisa sa pagtatanggal nito.

5. Tumawag ng doktor kung napapansing kakaiba ang itsura nito

Kung may dugo, at hindi na rin komportable si baby dahil dito (maaaring umiiyak o nagkakamot), kumonsulta agad sa doktor. Kung ang scaly patches ay kumakalat sa iba pang bahagi ng katawan at mukha ni baby, dalhin na rin siya sa doktor.

Dahil kung ito ay malala, may mga medicated shampoo o lotion na maaaring i-rekomenda ang doktor. Hydrocortisone cream naman ang binibigay kung may pamumula at pamamaga.

HUWAG gagamit ng kahit anong gamot kung walang payo ng doktor.

6. Tandaan na ito ay hindi isang malalang sakit o impeksiyon

Hindi ito sanhi ng virus, infection o allergy. Maaring isang factor para magkaroon ng malalang cradle cap ang mga sanggol na may eczema, pero kung hindi kakamutin o kakaskasin, hindi ito nagpepeklat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Subalit kung kakamutin ito at gagalawin, maari itong magkaroon ng infection.

7. Nakakahawa ba ito?

Bagamat maraming bata ang may cradle cap, hindi naman ito nakakahawa.

8. Komplikasyon ng cradle cap sa sanggol:

Kapag napansin ang ilang sintomas na ito, mas mabuting kumonsulta na sa pediatrician ni baby:

  • Pamumula ng anit
  • Dumadamo o lumalala ang affected area
  • Nakakaranas ng diaper rash
  • Posible ring magkaroon ng fungal ear infection at senyales na may thrush ang sanggol

Kung mayroon nang fungal infection, pwede itong magdevelop at tumubo ang bacteria. Sa malalalang kaso, maaring magkaroon ng pag-crack o pagdugo ng affected area.

Mas mabuting ipaalam sa iyong doktor kung mayroon pang ibang napapansin na problema kay baby, tulad ng diarrhea dahil maaring may kaugnayan ito sa cradle cap.

Tawagan rin ang pedia ni baby kung kumalat na ang rashes lagpas sa anit, lalong lumalala ang cradle cap kahit ginagamot o kung tumatagal ito ng mahigit 12 na buwan.

9. Nakaka-apekto ba ang cradle cap sa pagtubo ng buhok ni baby?

Sa mga bihirang kaso, maaring malagas ang buhok ni baby dahil sa cradle cap. Pero tutubo rin naman ito agad kapag nawala na ang langib. Hindi ito nagdudulot ng permanenteng hair loss.

Gayundin, kapag kinamot o kinutkot ang ang langib, maaring madamage ang hair follicles ni baby. Isa pang rason para iwasan ang paggalaw sa cradle cap.

10. Mabaho ba ang cradle cap?

Sa ilang kaso, maaring mayroong kaunting amoy ang cradle cap, dahil sa buildup ng oil o sebum. Pero karaniwan ay walang amoy ito.

Subalit kung mayroon kang maamoy na parang sirang tinapay, maaring ang naamoy mo ay yeast – isa itong senyales na naging yeast infection na ang kondisyon ni baby at dapat siyang gamutin ng doktor.

Para masiguro na hindi na lalala ang cradle cap ni baby? Linisin nang maayos ang ulo ni baby.

Lunas at home remedies sa cradle cap

Natutulog na sanggol | cradle cap | Larawan mula sa Unsplash

Bagamat nakakairita ang hitsura ng langib sa ulo ni baby, kadalasan ay kusa namang nawawala ito. Subalit mayroong mga gamot at home remedies na pwede mong subukan para mabawasan ang cradle cap ni baby.

Kung mild lang ang kaso ng cradle cap, madali naman itong maaalis sa pamamagitan ng regular na pagshampoo kay baby. Siguruhin lang na mild baby shampoo ang gagamitin para hindi mairita ang anit niya.

Pagkatapos i-shampoo, gumamit ng soft brush para i-masahe ang anit ni baby at kusang matanggal ang mga langib. Pwede ring gumamit ng malambot na washcloth. Habang tumatagal, mapapansin mo na unti-unting nawawala ang cradle cap ng iyong sanggol.

  • Cradle cap shampoo

Kung hindi gumagana ang regular baby shampoo, pwedeng subukan ang cradle cap shampoo na may beta hydroxy acid (BHA) at salicylic acid para ma-exfoliate ang anit, at Climbazole, isang antifungal agent.

  • Olive oil

Pwede ring subukan ang olive oil para magkaroon ng moisture barrier sa anit ni baby. Bukod sa pinapalambot nito ang mga langib kaya mas madali silang tanggalin, nakakatulong ito para ma-soothe ang balat at mabawasan ang pamumula o pamamaga.

Maglagay lang ng kaunting patak ng oil sa ulo ni baby at imasahe gamit ang iyong mga daliri o soft brush. Pagkatapos ay hugasan ito ng shampoo at i-brush uli.

Iwasang magtagal ang oil sa anit ni baby, dahil maaring madagdagan ng pagbabara sa oil glands at lumala ang kondisyon.

  • Coconut oil

Gaya rin ng olive oil ang bisa nito sa anit ni baby – pero mas mabango ito! Bukod dito, may mga ebidensya na mas mabisa ang coconut oil sa skin barrier kumpara sa ibang oils.

  • Breast milk

May mga nagsasabi rin na mabisa ang pagpahid ng kaunting patak ng iyong breast milk sa ulo ni baby para mawala ang cradle cap. Kung susubukan mo ito, siguruhin na malinis ang iyong kamay upang maiwasan ang impeksyon.

  • Hydrocortisone cream

Kapag matindi ang cradle cap at mayroong pamumula o pamamaga ng anit, maaring magreseta ang iyong doktor ng hydrocortisone.

Kadalasan ay hindi naman ito kailangan. Tandaan, huwag gagamit ng steroid sa ulo ni baby maliban na lang kung nirekomenda ng iyong doktor. Bago magpahid ng anumang gamot sa bata, ugaliing kumonsulta muna sa kaniyang pediatrician.

Kung hindi epektibo ang mga nabanggit na home remedies, dapat nang kumonsulta sa doktor. Ipaalam sa pedia ni baby kung gaano na katagal ang cradle cap, anong mga lunas na ang nasubukan mo, gaano kadalas hugasan ang ulo ng bata at anu-anong produkto ang gamit mo sa kaniya.

Paano maiiwasan ang cradle cap?

Ang cradle cap ay normal na nangyayari sa mga sanggol at hindi kailangang ipag-alala. Kusa naman itong nalulunasan. Dahil dito, walang eksaktong paraan para maiwasan ang kondisyong ito.

Subalit kung minsan nanag nagkaroon ng cradle cap si baby at gumaling na ito, panatiliin lang na malinis ang kaniyang buhok at anit para maiwasan ang pagbalik nito.

Tandaan na masyado pang sensitibo ang balat ni baby, kaya kung humahanap ng mga home remedies para sa kondisyong ito, iwasan muna ang mga produktong may matatapang na ingredients o chemicals.

Gayundin, upang hindi na magkaroon ng buildup ng oils sa ulo ni baby, ugaliin na panatiliin itong malinis at tuyo. Iwasan na magtagal ang pawis sa anit ng sanggol para hindi na lumala ang cradle cap.

Malusog na buhok ng sanggol | Larawan mula sa Pexels

Huwag na rin munang magsuot ang bata ng hat, upang maiwasan ang pagpapawis.

Kapag papaliguan si baby, siguruhin na mabilis lang ito. Dahil kapag madalas at masyadong matagal ang kanilang pagligo, maaring maging dry ang kanilang balat, dahilan para lalong mangati ang kanilang anit. Para sa mga sanggol na may cradle cap, limitahan ang oras ng ligo ng hindi lalagpas sa 10 minuto.

Pagkatapos paliguan si baby, huwag kalimutang i-brush ang kaniyang buhok para maalis ang langib. Tandaan, huwag na huwag kakamutin o kikiskisin ito.

Kung nagpapadede ka, siguruhing kumakain ka ng tama. Tanungin ang iyong doktor kung pwede kang uminom ng multivitamins gaya ng Vitamin B o C na makakatulong sa skin maintenance. Baka sakaling makatulong rin ito sa balat ni baby.

Maraming bagay ang napapansin nating sa ating newborn na gusto nating baguhin. Ang milia sa kanilang mukha, ang pagiging magugulatin, madalas na pagdighay, at pati na rin ang cradle cap. Pero kadalasan, ang mga ito ay hindi naman iniinda ni baby at kusang nawawala o nakakalakihan.

Kung hindi naman nahihirapan o nasasaktan si baby, huwag masyadong mag-alala. Subalit kung sa palagay mong ito ay nakakaapekto sa iyong sanggol, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang doktor.

Karagdagang ulat ni Camille Eusebio

The Baby Care Book: A Complete Guide from Birth to 12 Months Old NINA Dr. Jeremy Friedman,MD at Dr. Norman Saunders, MD.

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.