“Akala ko naglalaro lang kami,” ang sabi ni *Maria, hindi niya tunay na pangalan, nang makapanayam siya ng Inquirer. Ang “laro” na inaakala niya ay ang pagpapa-pose sa kaniya at kaniyang limang kapatid nang nakahubad para kuhaan sila ng litrato ng kanilang mga magulang para sa cyberporn business ng mga ito.
Cyberporn
11-taong gulang pa lang si Maria noong naganap ang pang-aabuso ng kaniyang mga magulang sa kanilang mga kapatid na nasa edad mula 4 hanggang 16 na taong gulang lamang. Kinukuhanan sila ng litrato nang nakahubad para ibenta bilang cyberporn sa mga pedopilya online. Kumikita ng P1,000 hanggang P5,000 ang kanilang magulang kada live performance ng mga bata.
Pati ang mga kapitbahay din daw nila sa Cordova, Cebu ay pare-pareho din daw ang ginagawa.
Tatlong taon tumakbo ang cyberporn business ng magulang ni Maria bago ito natimbog ng mga pulis noong June 1, 2011. Buntis ang kaniyang nanay ng mga panahon na iyon.
Ni-rescue si Maria kasama ng kaniyang anim na kapatid pati na rin isang pinsan at itinira sa isang center para sa mga batang inabuso at inabandona. Nang manganak ang kanilang nanay sa loob ng kulungan, dinala rin ang bunso nilang kapatid sa center para magkasama-sama sila.
“Nasisimulan ko ng kalimutan ang nangyari—’yong Internet, ‘yong mga foreigner,” aniya.
Guilty
Dahil sa pagbebenta ng kanilang mga anak sa cyberporn, kinasuhan ang mga magulang ni Maria ng qualified trafficking at iba pang kaso sa Mandaue Regional Trial Court (RTC). Matapos ang pitong taon mula nang sila ay mahuli, nasentensiyahan ang mag-asawa noong isang araw ng life imprisonment at dagdag na lima hanggang 12 taon para sa iba pa nilang kaso na may kinalaman sa child abuse. Guilty rin ang mag-asawa sa kasong “offering, transmitting and broadcasting any form of cyber pornography.”
Walang naging reaskyon o sinabi ang mag-asawa matapos silang masentensyahan.
Wala ang mga anak nang ipataw ang sentensya ng kanilang mga magulang.
Dalawa sa magkakapatid ay 22 at 20 anyos na. Parehong lalaki, nagtratrabaho na ang mga ito. Ang isa ay sa cruise ship at ang isa naman ay para sa isang industrial na kumpanya. Ang pangatlo sa magkakapatid ay malapit nang magtapos ng kolehiyo sa isang unibersidad sa Cebu.
Sa huling interview ng isa sa mga bata, na 18 taon na ngayon, sinabi nito na wala silang sama ng loob sa kanilang mga magulang ngunit alam nilang mali ang ginawa ng mga ito.
“Hindi madali ang pinagdaraanan namin bilang pamilya,” saad nito. “Pero naniniwala ako na may rason kung bakit nangyari ang lahat. Nasa sa amin na kung suuko kami o mag-move forward sa buhay.”
Dagdag pa nito na gusto sana niyang bumalik sa kanilang barrio para turuan ang mga tao doon tungkol sa kapahamakan ng cyberporn. “Maraming paraan para kumita ng pera nang hindi natatapakan ang karapatan ng mga bata.”
Source: Inquirer
Basahin:
Australian sentenced to life imprisonment for rape and human trafficking in Cagayan de Oro
8 out of 10 Filipino children are at risk for online sex abuse, says UNICEF