Sa interview ni Ogie Diaz sa kaniyang YouTube channel, ipinahayag ni Dagul ang lungkot na nararamdaman sa kaniyang sitwasyon ngayon bilang isang ama.
Mababasa sa artikulong ito:
- Dagul hirap nang maglakad, magtrabaho para sa mga anak
- Dagul inspirasyon sa anak na honor student
Dagul hirap nang maglakad, magtrabaho para sa mga anak
Nahihirapan na umano ang aktor na si Romy Pastrana o mas kilala sa pangalang Dagul kaya tuwing pumapasok sa kaniyang trabaho sa barangay hall ay binubuhat na lamang ito ng kaniyang anak na lalaki.
“’Pag tumayo ako, hindi ako tumatagal. Hindi ako makakalakad, nakaupo lang.”
Sa Barangay Hall nagtratrabaho si Dagul bilang command center head tuwing Lunes hanggang Biyernes. Kung Sabado at Linggo naman ay bantay ito sa kanilang munting tindahan. Hirap din umano na magsukli si Dagul sa mga namimili sa tindahan dahil sa kaniyang kaliitan.
Kwento ni Dagul, nang kumandidato siyang konsehal noong nakaraang eleksyon ay pinatigil siya nang 45 na araw sa paglabas sa programang Goin’ Bulilit. At nang matalo sa eleksyon ay bumalik sa nasabing programa na ilang buwan lang ay nawala na rin sa ere.
Pinahirap pa umano ng pandemya ang kaniyang sitwasyon. Nang nagsimula ang pandemic ay pa-raket-raket na lang umano siya. Maliit lang din ang kinikita niya sa trabaho sa barangay dahilan kaya hindi na niya umano kayang paaralin ang kaniyang mga anak.
Malungkot na saad ni Dagul,
“Bakit ganon ang nangyari sa akin? ‘Di ko na kayang maglakad, mahina na ang tuhod ko. Samantala, dati ang liksi ko, ang bilis kong tumakbo.”
Naaawa umano siya sa kaniyang mga anak dahil hindi na niya kayang tustusan pa ang pag-aaral ng mga ito.
“Talagang hindi ko na kayang magpa-aral. Naaawa ako sa anak ko. Nakakalungkot, hindi ko na kaya.”
Ngunit nalulungkot man at nahihirapan ay tuloy pa rin ang paglaban ni Dagul para sa kaniyang pamilya. Umiiyak na saad ni Dagul, kahit na hindi na niya kaya ay pilit niyang kinakaya dahil siya ang haligi ng pamilya.
Naubos na rin daw ang ipon ni Dagul at mabuti na lamang ay nakapagpundar siya ng bahay kaya may nauuwian pa rin ang pamilya.
Nahihiya man ay nilunok ni Dagul ang kaniyang pride at humingi na nga ng tulong sa kasamahan sa showbiz. Ayon sa aktor, nauunawaan naman niya kung may mga kasamahan siya sa industriya na ayaw sagutin ang mga tawag niya dahil naiisip niyang baka busy ang mga ito o kaya naman ay may pinagdaraanan din sa buhay.
BASAHIN:
Diego Loyzaga at Tatay niyang si Cesar Montano nagkabati na makalipas ang 7 taon
Dagul inspirasyon sa anak na honor student
Isa sa pinaka-worry ni Dagul ay ang kaniyang bunsong anak na si Jkhriez na katulad niya rin ng kalagayan. Maliit din si Jkhriez na tulad ng kaniyang tatay pero kahanga-hanga ang pagiging positibo ng pananaw nito sa buhay.
Naranasan daw niyang ma-bully noon ngunit hindi na lang pinapatulan ang sinasabi ng iba at nagpo-focus na lang sa pagpapabuti ng kaniyang sarili.
“Kapag pinakinggan ko sila, liliko ako. Ako rin po ‘yong kawawa,” matapang na saad ng anak ni Dagul.
18 years old na ang bunso ni Dagul at graduating na sa senior high school. Isa pa, kasama ito sa mga honor student ng kanilang batch. Consistent honor student daw si Jkhriez simula pa noong elementarya.
Problema nga lamang nila na simula nang siya ay nasa Grade 7 ay hindi na nakakabayad ng tuition kaya on-hold ang lahat ng papeles niya at katibayan na siya ay nakatapos ng Grade 10. Dahil dito, nanganganib na hindi mapasama sa list of senior high school graduating students ang anak ni Dagul.
Sa naturang interview, ipinaalam ni Ogie Diaz kay Dagul at sa kaniyang anak na siya na umano ang bahalang magbayad ng utang sa school nin Jkhriez.
Napaiyak sa pinagsamang lungkot at tuwa ang mag-ama. Pangarap ng anak ni Dagul na mag-aral ng kolehiyo at maging isang abogado.
Aniya, hindi kailanman naging hadlang ang kaniyang kalagayan at inspirasyon niya ang kaniyang ama upang magpatuloy sa buhay.
“Si Papa nga po nagawa niya, ako pa kaya?” positibong saad ni Jkhriez.
Dagdag pa niya,
“Kahit may kapansanan kami, kaya ko pong makipagsabayan sa mga normal.”
Hindi naman umano siya pinababayaan ng mga magulang at alam niyang puno siya ng pagmamahal at paggabay mula sa mga ito.
Nagpapasalamat pa rin naman si Dagul na sa kabila ng mga pagsubok ay nabuhay siya sa mundo, nagkaroon ng asawa at apat na anak. Hindi niya umano pinagsisisihan ang mga ito kahit na nahihirapan.
“Kahit ganito ako, talagang ginagawa ko ‘yong isang ama at ‘saka isang haligi sa buhay,” saad ni Dagul.
Pangarap nga ni Dagul na mapatapos sa pag-aaral ang kaniyang mga anak at maging stable ang buhay ng mga ito bago sila mawala sa mundo ng kaniyang asawa.