Narito ang mga dahilan kung bakit nakukunan ang buntis at ang mga sintomas nito na maaring maging palatandaan upang ito ay maiwasan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanhi ng miscarriage ayon sa isang doktor
- Paraan para maiwasan ang miscarriage ayon sa doktor
Mga dahilan kung bakit nakukunan ang buntis
Sa isa na namang bahagi ng episode ng theAsianparent Philippines na #AskDok ay sinagot ni Dr. Ramon Reyles, isang Chairperson ng Department of OB-GYN ng Makati Medical Center ang mga frequently asked questions tungkol sa miscarriage. Dito, ipinaliwanag ni Dr. Reyles, ang mga dahilan kung bakit nakukunan ang buntis at ang mga paraan na maaaring gawin upang ito’y maagapan na nakadepende sa kondisyon ng pagbubuntis.
Ayon kay Dr. Reyles, karamihan ng mga kaso ng miscarriage ay walang maipaliwanag na dahilan kung bakit nangyayari. Ito’y sa kabila ng mga test na ginawa sa babaeng nakaranas nito. Pero magkaganoon ma’y mariin niyang ipinapaalala na bawat babaeng buntis na dapat magpatingin sa oras na makaranas ng miscarriage. Sapagkat kung ito’y dulot ng isang kondisyon ay maaaring maulit ito. Kaya naman mas mabuting matukoy na ito agad at maiwasan ng maulit pa ang pagkakalalag o miscarriage sa pagdadalang-tao.
Woman photo created by standret – www.freepik.com
Ilan nga sa mga kondisyon na dahilan kung bakit nakukunan ang buntis ayon kay Dr. Reyles ay ang sumusunod:
Chromosomal abnormalities
Isa sa mga dahilan kung bakit nakukunan ang buntis lalo na sa unang trimester o tatlong buwan ng pagbubuntis ayon kay Dr. Reyles ay dahil sa tinatawag na chromosomal abnormalities. Paliwanag ni Dr. Reyles kung paano ito nangyayari,
“Doon sa first 3 months ng loss about 55% is due to chromosomal abnormalities. Ibig sabihin yung make up ng conceptus kung tawagin ay abnormal. Kasi yung chromosomes ng tatay ng nanay nagme-meet ‘yan. Half lang kasi ‘yan ng egg, half ng sperm. Sometimes their union is not perfect kaya nagkakaroon ng chromosomal abnormalities.”
Ayon naman sa impormasyon mula sa Mayo Clinic, sa ilalim ng kondisyon na ito ay may tatlong problema ang maaring mangyari sa pagbubuntis. Ito ang mga dahilan kung bakit maagang nakukunan o nalalaglag ang pagbubuntis sa unang tatlong buwan. Ito’y ang mga sumusunod:
- Blighted ovum o walang embryo ang nag-dedevelop.
- Molar pregnancy o ang placenta ng buntis at ang fetus ay hindi normal na nag-develop.
- Partial molar pregnancy na kung saan nag-simula ang development ng embryo ngunit ito naman ay agad na tumigil.
Ang miscarriage dulot ng chromosomal abnormalities ay maaring magpatuloy hanggang sa 3rd trimester. Ngunit bumababa ang tiyansa ng miscarriage dahil dito ng 35% sa 2nd trimester at 5% naman sa 3rd trimester na tinatawag ng stillbirth.
Medical condition ng babaeng nagbubuntis
Ayon pa kay Dr. Reyles, ang isa pang dahilan kung bakit nakukunan ang buntis ay maaaring dahil rin sa karamdaman o kondisyon na kinakaharap niya. Madalas dahil sa mga ito ang miscarriage ay nangyayari sa 3nd trimester o pagkatapos ng tatlong buwan ng pagdadalang-tao. Paliwanag ni Dr. Reyles,
“Some would have abnormalities sa uterus. Like a septate uterus o ‘yung may compartment sa loob na nagiging hindrance sa growth ng implanting pregnancy. The mom can be sick like uncontrolled sugar can cause minority. Some will have autoimmune or the body produces antibodies against the pregnancy. That can happen but only in small incidences.”
Pero maliban sa nabanggit, maaaring dahil rin sa high blood pressure o thyroid disease. O kaya naman sa infection na nararanasan ng ina tulad ng rubella, bacterial vaginosis, HIV, chlamydia at gonorrhea.
Photo by Amina Filkins from Pexels
Cervical insufficiency
Maaaring sanhi rin ito ng isang cervical insufficiency o ang weak na cervix ng isang babae. Pagpapaliwanag pa ni Dr. Reyles sa kundisyong ito,
“Isang dahilan na very common at hindi nada-diagnose agad ay ‘yung cervix malambot bumubuka from the inside. Kasi ‘yung pregnancy lumalaki and it kinda forces the cervix to dilate. ‘Yung cervix parang ‘yung nguso ng bote the content was held in lalo na kung may takip. Pero kung ‘yung bibig ng bote imaginin mo bumubuka dahil sa bigat ng laman ang tawag dun cervical insufficiency.”
Madalas umano na sinasabing dahilan ng miscarriage matapos ang 3 buwan ng pagbubuntis. Pero maaari naman itong malunasan para maiwasan na susunod na pagbubuntis ang miscarriage. Ayon kay Dr. Reyles,
“Kung mayroong history ng miscarriage lalo na kung history ng miscarriage is after the first 3 months suspected lagi ‘yung cervical insufficiency. And it can be seen by a transvaginal ultrasound of the cervix at about 4 months o 16 weeks. If it is less than 2.5 centimeters mataas ang peligro na makukunan ulit na hindi dahil sa may diperensya ang baby kung hindi dahil ‘yung kwelyo ng matris malambot. kaya tatahiin ‘yun para sumara na tinatawag na cervical stitch.”
Ayon naman sa health website na WebMD, isa sa mga dahilan kung bakit nagiging insufficient ang cervix ay dahil sa injury na dulot ng isang surgical procedure.
BASAHIN:
#AskDok: Totoo po ba na nagbabawas ng dugo kapag buntis kaya may spotting?
Depress na mommy habang buntis? Maaaring makasama ito sa development ng iyong sanggol
Health complications
Isa pang itinuturong dahilan ng miscarriage sa ika-3rd trimester naman ng pagbubuntis o stillbirth, ay posibleng dahil sa komplikasyon sa kalusugan na nararanasan ng buntis. Pagpapaliwanag ni Dr. Reyles,
“Halimbawa kung may komplikasyon yung mom like diabetes or hypertension at least meron kang binabantayan. Kapag hindi na makontrol ‘yung sugar mataas ang risk na mamatay ang baby sa loob. Lalong lalo na kung ‘yung mom ay diabetic not due to pregnancy kung hindi dati na siyang diabetic.”
“Bihirang-bihira ang stillbirth dahil sa gestational diabetes, mas madalas na stilbirth nangyayari sa diabetic before pregnancy. Kapag ganun ni-rerefer sa tinatawag na fetal surveillance. Ok ba ‘yung sixe, okay ba ‘yung panubigan, ok ba ‘yung heart rate pattern ni baby. Kasi kapag hindi tama ‘yun laki like sobrang laki o sobrang liit, konti ‘yung tubig o sobrang dami ng tubig at kapag yung sugar ni mom e pumapalo ng 180-200, mataas ang risk for stillbirth.”
Paano maiiwasan ang miscarriage?
Photo by freestocks.org from Pexels
Karamihan ng miscarriage lalo na kung dahil sa medical condition ng ina o problema sa pagbubuntis ay hindi maiiwasan. Bagama’t may mga paraan na maaaring gawin upang mabawasan ang tiyansa nito. Tulad ng sumusunod:
- Pagkain ng masusustansiya.
- Pag-i-exercise.
- Pagpapanatili ng malusog na timbang.
- Pag-iwas sa impeksyon.
- Hindi paninigarilyo, pag-inom ng alak at paggamit ng illegal na droga.
Dagdag pa ni Dr. Reyles, mahalaga rin na maging alert o mapagbantay ang buntis sa kaniyang nararamdaman. Lalo na kung siya ay nakakaramdam ng sintomas ng miscarriage na maaari pang maagapan.
“If you have cramps o parang dysmenorrhea like pain sa puson early in pregnancy that is considered threatened abortion o namimilegrong pagbubuntis. Lalo na kung mayroong bleeding.”
Ito ang mga sintomas ng miscarriage sa pagbubuntis partikular na unang trimester ayon kay Dr. Reyles. Pero maaaring maagapan ito at masagip pa ang sanggol, kung agad na pupunta sa kaniyang doktor ang buntis.
Paano maagapan ang miscarriage?
“Mayroon kasing tinatawag na mahina ang kapit o ‘yung lining hindi ganooon ka-receptive sa implanting pregnancy. So, we give the woman na tinatawag na pampakapit. Pampakapit is only what we call progesterone which is produced by the ovary. Ito ‘yung nagpapaganda ng lining ng matris para sa magandang kondisyon ng implanted pregnancies. Pwede itong ibigay oral, mayroong injectible but mostly oral. We put the woman in bed rest. Kasi nga ayaw nating matagtag ‘yung matris at mag-contract. We advised lots of water to prevent the brain from secreting oxytocin na natural na pampahilab ng matris.”
Ito ang ilan sa sinasabing standard procedure na ginagawa upang mapigilan ang posibilidad ng miscarriage. Kaya naman mariin na payo ni Dr. Reyles, sa oras na makaramdam ng kakaaiba sa pagbubuntis ay huwag magdalawang-isip na magpunta sa doktor. Magpakonsulta. Ito ay upang agad na maagapan at masagip pa ang pagbubuntis.
Source: WebMD, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.