Dahilan ng pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas maaring dahil rin sa mga batang edad 10 pataas? Ito ay base sa natuklasan ng isang bagong pag-aaral.
Dahilan ng pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas
Disyembre noong nakaraang taon ng magsimulang maging usap-usapan ang isang kakaibang sakit sa Wuhan, China. Ang hindi pa matukoy noon na sakit ay mabilis na kumalat at naglagay sa peligro sa maraming buhay na nadapuan nito. Ang sakit ay nagmula umano sa isang seafood market sa Wuhan na puntahan ng maraming turista at mga Tsino.
Hanggang sa ang sakit ay unti-unting natuklasang kumalat narin sa iba pang bansa sa mundo. Ito ay may mga sintomas na tulad ng sakit na pneumonia Ngunit ito ay mas mabilis makahawa at higit sa lahat ay kayang agad kitilin ang buhay ng biktima niya.
Matapos ang ilang pag-aaral, nabigyan ng pangalan ang sakit mula sa pagiging “noble coronavirus”. Ito ay unang tinawag na n-Cov hanggang sa maging COVID-19. Ang virus umano na nagdudulot nito ay nagmula sa isang paniki na maaring nagkaroon ng contact sa isang tao. At siya namang naging carrier ng virus at naihawa sa mga taong nakasalimuha, nakasama o nakausap niya. Dahil base parin sa mga pag-aaral, ang virus ay maaring maihawa sa pamamagitan ng atsing, bahing o pagtalsilk ng laway ng taong infected nito. Ito ay maaring pumasok sa mata, ilong, bibig at saka kakalat sa katawan ng bago nitong biktima.
Paglaganap ng COVID-19 sa Pilipinas at buong mundo
Sa pagdaan ng mga buwan ay lumobo ng lumobo ang bilang ng nai-infect ng sakit sa buong mundo. Sa kasulukuyan, ayon sa WHO o World Health Organization ay umabot na sa 14.4 million ang lumabas na positibo sa sakit. At nasa 603 thousand na ang nasasawi. Karamihan sa mga nasawi dahil sa sakit ay mga senior citizens na may mahina ng katawan at mga immune-compromise. O ang mga taong may iniinda ng sakit ang mahina na ang resistensya.
Samantala dito sa Pilipinas ay umabot na sa 67,456 ang nagpositibo sa COVID-19. Habang nasa 1,831 na Pilipino na ang naiulat na nasawi dahil rito.
Dahil sa mabilis na paglobo ng bilang ng kaso at mga nasawi, ay nagdulot ito ng takot sa mga magulang. Takot na kung paano kung ang isang bata o sanggol ang dapuan ng sakit, kakayanin kaya ito ng kanilang katawan? Paliwanag ng mga pag-aaral, mahawaan man ang sakit ang mga bata, hindi umano ito magiging kasing lala ng epekto ng sakit sa mga matatanda. Ang pahayag na ito hanggang sa ngayon ay wala paring malinaw na pahayag at basehan. Ngunit napatunayan ng mababang bilang ng mga batang na-infect ng sakit.
Bagong pag-aaral tungkol sa sakit na COVID-19
Magkaganoon man ay may findings ang isang bagong pag-aaral na nag-uugnay sa mga bata at COVID-19. Ang sakit mas naikakalat daw umano ng mga batang edad 10 pataas. At ang pagbubukas ng klase ay magiging daan upang mas maikalat pa ang sakit. Ito ay base sa isang bagong pag-aaral na isingawa sa South Korea.
“We detected COVID-19 in 11.8% of household contacts; rates were higher for contacts of children than adults. These risks largely reflected transmission in the middle of mitigation and therefore might characterize transmission dynamics during school closure.”
Ito ang konklusyon ng pag-aaral matapos sundan ang 5,706 na coronavirus patients sa South Korea mula noong January 20 hanggang March 27 ngayong taon. Tinukoy o na-traced din ang 59, 073 na naging contacts nila. Kung saan ang lahat ng kasama nila sa bahay o household ay isinailalim sa test may sintomas man o wala. Habang ang mga nakasalimuha nila na nakatira sa labas ng kanilang household ay itinest lang ang mga nagpakita ng sintomas ng sakit. Nang ikumpara ang mga datos na nakuha, dito na natuklasan ng mga researchers ang mga sumusunod:
Findings ng bagong pag-aaral tungkol sa COVID-19 transmission
- Ang mga batang edad 10-19 anyos na infected ng sakit ay hindi agad nagpapakita ng sintomas ng COVID-19. Ngunit, kaya nilang agad na mahawaan ang 18.6% ng mga taong kanilang nakasalimuha partikular na ang nasa loob ng kanilang tinitirang bahay o household. Ang transmission rate na ito ay pinakamataas sa iba’t-ibang age group na sumailalim rin sa pag-aaral.
- Pumapangalawa sa age-group na may mabilis na transmission rate ng sakit ay ang mga matatandang edad 70-79 anyos. Naitalang 18% ng kanilang mga household contacts ang na-infect ng sakit.
- Sumunod naman sa may pinakamataas na transmission rate sa kanila ang mga matatandang edad 60-69 anyos na may transmission rate na 17%.
- Samantala, pinakababa naman ang transmission rate ng sakit sa mga batang 9-anyos pababa. Isa sa itinuturong dahilan ay dahil sa mas maliit pa ang mga bata sa age group na ito. At ang hangin na kanilang inilalabas o inihihinga ay agad na bumababa sa lupa dahilan upang hindi ito agad na malanghap ng mga matatanda.
- Pagdating naman sa labas ng bahay o household, ang mga matatandang edad 70-79 anyos ang may pinakamataas na transmission rate sa mga taong kanilang nakasalimuha. Nasa 4.8% ng kanilang non-household contacts ang na-infect nila.
Pahayag ng mga eksperto
Mula sa nakalap na datos at konklusyon, ispekulasyon ng mga eksperto ang sakit na COVID-19 ay mataas ang tiyansang mas maikalat pa kung magbubukas ang klase.
“I fear that there has been this sense that kids just won’t get infected or don’t get infected in the same way as adults and that, therefore, they’re almost like a bubbled population.”
“We can speculate all day about this, but we just don’t know. The bottom-line message is: There’s going to be transmission. What we have to do is accept that now and include that in our plans.”
Ito ang pahayag ni Dr. Michael Osterholm, isang infectious diseases expert mula sa University of Minnesota.
“People, depending on their ideology on school opening, are choosing which evidence to present — and that needs to be avoided.”
“So long as children are not just a complete dead end — incapable of passing the virus on, which does not seem to be the case — putting them together in schools, having them mix with teachers and other students will provide additional opportunities for the virus to move from person to person.”
Ito naman ang pahayag ni Dr. Jeffrey Shaman, isang epidemiologist sa Columbia University’s Mailman School of Public Health sa New York.
Magkaganoon man paliwanag ni Dr. Shaman, mahalaga ring magpatuloy ang pag-aaral ng mga bata. Kaya naman dapat maglatag ng maayos na plano kung paano ito maisasagawa. At ipatuloy ang pagpapatupad ng mga COVID-19 preventive measures tulad ng pagsusuot ng mask, social distancing at madalas na paghuhugas ng kamay.
Dahilan ng pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas
Patuloy parin ang paglaganap ng COVID 19 sa Pilipinas. Sa pagdaan ng mga araw ay nadagdadagan pa ang bilang ng kaso ng sakit sa bansa. Isa nga sa itinuturong dahilan ng pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas sa ngayon ay ang pagbabalik operasyon ng mga negosyo at iba pang opisina. Pahayag pa nga mga eksperto maaring mas kumalat pa ang sakit kung magbubukas ang klase at papayagan ang face-to-face classes. Kaya pansamantala munang ipagpapaliban ito. Habang patuloy parin ang pagbibigay paalala ng DOH at WHO upang maiwasan pa ang dahilan ng pagkalat ng sakit. Ito ay ang sumusunod:
Paano maiiwasan ang pagkalat at pagkahawa sa sakit na COVID-19
- Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay gamit ang hand sanitizer na may alkohol o hugasan gamit ang sabon at tubig.
- Iwasan ang paghawak sa iyong mata, ilong at bibig. Ito ang mga bahagi ng katawan na kung saan maaring pumasok ang COVID-19 virus.
- Takpan ang iyong ubo at bahing. Agad na itapon ang gamit na tisyu sa basurahang may takip at maghugas ng kamay. Ito ay upang kung sakaling infected na ng sakit ay hindi na ito maihawa pa.
- Iwasan ang matatao na lugar at malapit na pakikipagsalamuha sa taong may lagnat o ubo. Panatilihin rin ang hindi bababa sa 1 metrong pagitan mula sa mga taong nakakasalimuha at sa sinumang may lagnat o ubo.
- Kung may sakit ay manatili lang sa loob ng bahay.
- Kung nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19 tulad ng lagnat, ubo at hirap sa pag-hinga, agad na tumawag sa iyong doktor. O kaya naman ay agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility sa iyong lugar.
- Higit sa lahat kumuha at makinig lang sa mga impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang sources o awtoridad. Ito ay upang maiwasan ang pagkalito at maproteksyonan ng tama ang iyong sarili mula sa sakit.
Source:
NewYork Times, CDC, WHO, World Meters
Basahin:
Mga obese, mas at risk sa COVID-19 ayon sa pag-aaral