456 katao, patay dahil sa dengue
Kaso ng dengue tumataas ang bilang, 456 naitalang nasawi dahil sa sakit.
Dengue alert idineklara sa Pilipinas, matapos maitala ang 456 na dengue victims na namatay dahil sa sakit.
National dengue alert sa Pilipinas
Sa unang anim na buwan ng 2019 ay halos 100,000 dengue cases na umano ang naitala sa buong Pilipinas, ayon sa DOH. Ito ay katumbas ng 85% na pagtaas ng dami ng kaso ng dengue kumpara ng parehong period noong nakaraang taon.
At ang nakakalungkot na balita nasa 456 na biktima ng dengue ang hindi natagumpayan na labanan ang sakit at nasawi dahil dito.
Patuloy nga raw na nadaragdagan ang kaso ng dengue sa apat na rehiyon sa bansa kung saan naideklara na ang epidemya. Ang apat na rehiyon na ito ay ang Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas ar Northern Mindanao na kung saan naninirahan ang 20 million ng mga Pilipino.
Kaya paalala ng mga kinauukalan, mag-doble ingat at protektahan ang sarili laban sa delikadong sakit.
Ano ang dengue at ang mga sintomas nito?
Ang dengue fever ay isang mosquito-borne disease na dulot ng dengue virus.
Hindi nalalayo ang mga signs at symptoms nito sa ibang sakit gaya ng malaria, leptospirosis at typhoid fever. Kaya naman mahirap itong tukuyin liban nalang sa pamamagitan ng blood test.
Ang mga sintomas ng dengue ay nagsisimula apat hanggang anim na araw matapos ang infection at tumatagal ng hanggang sampung araw. Ito ay ang sumusunod:
- Biglaang mataas na lagnat
- Sobrang sakit ng ulo
- Pananakit ng mata
- Matinding pananakit ng kasu-kasuhan
- Fatigue
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Mild bleeding sa ilong o sa gums
Gamot sa dengue
Samantala walang specific na gamot sa dengue ngunit may mga maaring gawin para mabawasan ang dalang sintomas nito.
Tulad ng pag-inom ng maraming tubig para hindi ma-dehydrate dahil sa pagsusuka at mataas na lagnat.
Pag-inom ng acetaminophen gaya ng Tylenol para maibsan ang sakit at mabawasan ang lagnat. Kailangang iwasan ang mga pain relievers na maaring magpataas ng tiyansa ng bleeding complications. Ang mga pain relievers na ito ay tulad ng aspirin, ibuprofen at naproxen sodium.
Para malunasan ang sakit ay kinakailangan ang supportive care mula sa ospital lalo na ang blood transfusion sa oras na lumala na ito.
Ang pagpapanatili ng kalinisan sa bahay, paggamit ng insect repellants, paglalagay ng screen sa pinto at bintana ng bahay pati na ang pagsusuot ng mahahabang damit ang ilan sa mga paraan para makaiwas sa mga lamok na nagdadala ng delikadong virus na ito.
Source: CNN Health
Basahin: 7 paraan para makaiwas sa dengue