Ikaw ba ay first-time mom o hindi kaya’y first time na mag-eenroll ng iyong anak sa school? Bago ang lahat, alamin muna ang DepEd age requirement for preschool at iba pang mga dapat tandaan sa pagpili ng school ni baby!
DepEd age requirement for preschool
Ayon sa Department of Education (DepEd), dapat magsimula ang bata sa preschool kapag ito ay limang taong gulang na. Dito sila magsisimulang matuto ng mga basic lessons. Mapapag-aralan din nilang makipagsalamuha at tuluyang mahasa ang kanilang pisikal, sosyal, emosyonal at intelektuwal na kakayahan. Ayon sa mga pag-aaral, sa edad din na ito masasabing handa na ang isang bata na maka-experience ng bagong environment.
Noong nakaraang taon, inanunsyo ng DepEd na magiging mahigpit na sila sa edad ng mga batang mag-aaral. May mga magulang na raw kasing ine-enroll na ang kanilang mga anak kahit na wala pa ito sa required age para mag-aral.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang pagiging handa sa pag-aaral ay hindi lamang nasusukat sa pamamagitan ng potensyal ng bata sa pag-aaral. Nakadepende rin ito sa emosyonal at sikolohikal na kakayanan ng bata. Kadalasan ay nakakaramdam din ng pressure ang mga bata sa kanilang murang edad at ito ay dapat maiwasan. Kaya pinakiusapan na rin ni Briones ang mga magulang na sundin na lang ang palatuntunan ng DepEd.
Ano ang mga dapat tignan bago i-enroll ang bata?
1. Ang mga guro
Isa sa mga mahalagang malaman ng nanay ay ang mga taong magsisilbing gabay ng kanyang anak sa eskwelahan. Hindi mo masasabing magaling ang isang guro kung ang tanging maituturo lang nito ay ang mga larawan at konteksto na nakasulat sa libro. Importante ang malalim na koneksyon ng bata sa guro at mahalagang may matutunan din silang mga leksyon tungkol sa totoong buhay.
2. Ang principal
Dapat makilala ng mga magulang kung sino ang namamahala sa eskwelahan na papasukan ng kanyang anak. Mabuting alamin kung paano ito magpalakad at kung ano ang mga bagay na binibigyan niya ng halaga. Dito rin malalaman ng mga magulang kung inilalagay nila sa mabuting kamay ang kanilang mga anak.
3. Ang paaralan
Alamin ng maayos ang mga guidelines, calendar, facilities, rules at regulations ng isang paaralan. Isipin kung makabubuti ba ito sa iyong anak. Kung may pagkakataon, maaaring mag-inquire ka mismo sa paaralan at tanungin ang mga ito. Mas mabuti nang malaman ang paaralang papasukan ng iyong anak upang maiwasan na rin na magpalipat-lipat kung sakaling ito ay hindi niyo magustuhan.
TANDAAN: Hindi dapat sa pangalan ng school naka-depende ang iyong pagdedesisyon kung saan mo ipapasok ang iyong anak. Mahalaga rin na sa buong proseso na ito, iparamdam sa iyong anak na mayroon kang buong suporta. ‘Wag lamang i-asa sa mga magiging guro nila ang pag-gabay sa mga bata dahil ito pa rin ay responsibilidad ng mga magulang. Higit sa lahat, i-assess din ang iyong anak kung siya ba ay handa nang pumasok sa preschool. Kung sa tingin mo ay kailangan niya pa ng mas matagal na paghahanda, maaari ka munang humanap ng play schools o di naman kaya ay i-enroll muna siya sa day care.
SOURCES: DepEd Manila Bulletin Care.com
BASAHIN: Early registration para sa Kindergarten, Grade 1,7 at 11 mag-uumpisa na ayon sa DepEd , Teaching your preschooler numbers: A simple guide for parents , Child abuse at preschool: What should parents do?