Ang DepEd school calendar 2019 na nilagdaan ni Secretary Leonor Briones ay inilabas na para sa mga tao. Isinasaad dito na ang SY 2019-2020 ay magkakaroon ng 203 school days. Kasama sa bilang na ito ang limang araw para sa In-Service Training o INSET. Kasama rin sa bilang ang Parent-Teacher Conference (PTC) at World Teacher’s Day. Ang pormal na simula ay ika-3 ng Hunyo 2019 hanggang Ika-3 ng Abril 2020.
Mga pribadong paaralan
Isinasaad dito na ang mga pribadong paaralan ay maaaring magkaroon ng sariling kalendaryo. Kailangan lamang nila sumunod sa ilang patakaran. Kabilang dito ang pagsisimula ng klase mula unang lunes ng Hunyo hanggang huling araw ng Agusto.
Kailangan din nilang sumunod sa Republic Act No. 7797. Isinasaad dito na ang school year ay dapat hindi bababa nang 200 na araw ng pasok. Hindi rin maaaring lumagpas nang 220 na araw ng pasok.
Kung magkakaroon ng pagbabag sa school calendar ang isang pribadong paaralan, kinakailangan nilang abisuhan ang nakatalagang Regional Officer.
Mga importanteng araw
Simula at pagtatapos ng SY 2019-2020
Ang pormal na simula ng school year ay ika-3 ng Hunyo 2019 na magtatapos sa ika-3 ng Abril 2020. Mayroon itong 203 school days kasama ang INSET, PTC at World Teacher’s Day. Nais ipaalala ng DepEd sa mga eskuwelahan na sa limang araw na INSET, ang mga estudyante ay dapat mabigyan ng mga babasahin.
Non-classroom based activities
Upang matulungan ang layunin ng K to 12 na curriculum, hinihikayat ng DepEd ang pagkakaroon ng mga aktibidad na hindi nauugnay sa klase. Kasama dito ang pagkakaroon ng science fairs, showcase of porfolios, school sports, campus journalism, at iba pa.
Parent-Teacher Conference
Ang PTC ay dapat isinasagawa bawat ikalawang sabado matapos ng quarterly exams. Nabubukod dito ang huling PTC sa Abril 2020. Ang layunin ng PTC ay upang mapag-usapan ng mga guro at magulang ang mga nagagawa ng bata sa paaralan. Ito rin ang araw kung kailan ibibigay ang mga report cards ng mga bata.
General assembly
Isang general assembly ang isasagawa sa simula ng school year at isa pa para sa pagtatapos nito. Lahat ng paaralan ay inaanyayahang lumahok sa nasabing mga general assembly. Ang layunin nito ay upang mag-kaisa at malaman ng mga administrasyon ang direksyon na hangad ng DepEd. Sila rin ay inaanyayahang magbigay ng mga mungkahi na nakikita nilang makakatulong upang maabot ang misyon ng DepEd.
Deworming
Para sa kalusugan ng mga bata, ang deworming ay isasagawa sa mga buwan ng Hulyo 2019 at Enero 2020. Ito ay sa pagtutulungan ng DepEd at DOH upang masigurado ang pisikal at mental na kalusugan ng bata.
Career guidance activities
Mula Hulyo 2019 hanggang Nobyembre 2019, ang mga eskuwelahan ay hinihikayat na magsagawa ng career guidance. Ang aktibidad na ito ay bukas para sa mga Grade 9 at Grade 10 na mga estudyante. Ito ay upang magabayan sila sa track na tatahakin sa Senior Highschool.
Sa 4th quarter, dapat ay magsagawa ng college and middle level skills fair, job fair, business and entrepreneurship expo at iba pang mga tulad nito para sa mga Grade 12 na estudyante.
Semestral break
Ang sembreak ay isasagawa sa katapusan ng 2nd quarter. Dito susuriin ang mga guro at isasagawa ang INSET na aktibidad. Ito ay para sa continuing professional development (CPD) ng mga guro at para sa kanilang preparasyon ng mga gamit pangturo.
Christmas break
Ang Christmas break ay magsisimula sa ika-15 ng Disyembre 2019, linggo. Muling magpapatuloy ang klase sa ika-6 ng Enero 2020, lunes.
Assessment tests
Upang siguraduhin na napapanatili ang kalidad ng pagaaral, iba’t ibang assesment tests ang isasagawa sa pamumuno ng mga guro. Pangangasiwaan ng Bureau of Education Assessment (BEA) ang National Career Assessment Examination (NCAE), Early Language Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), National Achievement Tests (NAT) para sa mga Grade 6 at 10, at Basic Education Exit Assessment (BEET) para sa mga Grade 12.
Summer class
Ang summer class o remedial class ay magsisimula nang ika-13 ng Abril 2020, lunes. Ang pagtatapos nito ay sa ika-22 ng Mayo 2020, biyernes.
School awards
Ang pagsusuri sa mga bibigyan ng parangal ay isasagawa 2 linggo bago ang pagtatapos. Isasagawa ito ng School Awards Committee (SAC).
Year-end financial clearance
Mahigpit na ipinagbabawal ng DepED ang pangangailangan ng financial-clearance ng mga estudyante bago magtapos. Ito ay naaayon sa No Collection Policy ng departamento.
SY 2020-2021
Para sa paghahanda sa susunod na school year, ang mga eskuwelahan ay kinakailangan magsagawa ng mga:
- Maagang pagrehistro ng mga estudyante sa mga paaralang nais pasukan. Ito ay isasagawa sa ika-25 ng Enero 2020, sabado. Naaayon ito sa DepEd Order No. 3, s. 2018.
- Brigada Eskwela upang makapag handa ang mga eskuwelahan at komunidad sa paparating na bagong school year.
Alternate Delivery Mode (ADM)
Upang matumbasan ang mga araw na masususpinde ang klase, rinirekumenda ng DepEd ang pagsasagawa ng ADM o make-up class. Ito ay dapat mapagkasunduan ng mga namumuno sa paaralan, guro at mga magulang.
Ang panukalang ito ay agad na may bisa para sa mga nasasakupan ng DepEd. Ang Curriculum Learning Management Division ng mga regional office at ang Curriculum Implementation Division ng SDO ang magbabantay sa pagsunod ng mga paaralan sa panukala.
Source: DepEd School Calendar 2019-2020
Basahin: K-12: Isang gabay para sa mga magulang