Sa mga larangan ng psychology, ang depresyon na kilala sa Ingles bilang major depressive disorder (MDD), recurrent depressive disorder, clinical depression, major depression, unipolar depression, o unipolar disorder—isang sakit sa pag-iisip na inilalarawan ng malawakang mababang mood na sinamahan ng mababang pagtingin sa sarili, kawalan ng interes o kasiyahan sa mga normal na nakasisiyang mga gawain.
Isa itong damdaming malungkot, miserable, sobrang pagkadismaya, galit na nararanasan ng isang tao sa pang-araw-araw na buhay.
Simula ng aking depresyon
Sa kaso ko, sabi sa akin ng aking psychiatrist back in 2013 ang nag-trigger ng aking depresyon ay ang aking mga karanasan noong ako’y bata pa. Ang naging payo sa akin ng aking psychiatrist ay matuto raw ako diumanong mag-share sa mga kaibigan ko o sa pamilya ko ng aking nararamdaman upang matulungan nila ako at maintindihan.
May mga araw na sobrang saya ko at mayroon ding mga araw na hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko na bigla na lang ako iiyak pero hindi ko alam kung bakit. Sobrang kalungkutan ang aking nararamdaman na tumatagal pa ng ilang linggo. Matapos nito balik sa dati na sobrang saya.
Pero sa totoo lang kapag humaharap ako sa ibang tao, nakikita nila na sobrang saya ko na para bang wala akong nararamdamang negatibong vibes. Marahil siguro ayoko rin ipakita sa iba kung ano ang tunay ko nararamdaman.
Sabi ko nga sa aking psychiatrist, ang dahilan kung bakit hindi ako nagshe-share ng aking nararamdaman, simple lang alam ko kasing may problema rin sila at ayokong makadagdag.
Postpartum depression
Noon ngang nagbubuntis na ako matinding depresyon lalo ang aking naramdaman at wala akong pinagsabihan lalo na noong ako’y nanganak na. Nalaman ko ngang ako’y dumanas ng “pre-partum depression” at “postpartum depression.”
Ang terminong “postpartum depression” o PPD ay tumutukoy sa pagkadama ng panlulumo matapos manganak. Maaari itong lumitaw pagkasilang sa alinmang anak, hindi lamang sa panganay.
Maaari pa ngang makadama ng panlulumo pagkatapos na makunan o pagkatapos na ilaglag ang sanggol. Iba’t-iba nga ang tindi ng mga sintomas na maaaring maramdaman kapag may PPD.
Maraming kababaihan ang dumaranas ng “postpartum blues,“o “baby blue” na kakikitaan ng bahagyang pagkalungkot, pagkabalisa, pagkamainisin, pagkamasumpungin, at pagkapagod. Ang mga nadaramang ito ay itinuturing na normal at pansamantala lamang, anupat lumilipas din sa loob ng mga sampung araw pagkapanganak kahit hindi na magpagamot.
Mas lumala nga ang aking mood swings noong ako ay may PPD. Hindi ko maintindihan lalo ang aking sarili.
Sobrang nagpapasalamat naman ako sa aking isinilang na baby boy sapagkat isa siyang “miracle baby.” Never kong inisip na saktan siya, minsan nga iniisip ko pa kung sapat ang mga nagagawa ko para sa kanya. Pero minsan naisip ko na kitilin ang aking buhay dahil sa sobrang kalungkutan o kapag minsan kung naiisip ko na hindi sapat ang nagagawa ko bilang ina.
Nagkaroon din ng time na naco-compare ko ang aking buhay sa iba. Siguro kasi di ko na magawa yung mga dati kong nagagawa tulad ng pag-aaral, pagta-trabaho, lumabas nang mag-isa, o di kaya naman abutin ang mga goals o pangarap ko sa buhay.
Pero never kong nakalimutan ang role ko bilang ina at asawa.
Marahil kapag nagkakaroon ako ng mga pasulput-sulpot na “depression episodes” minsan hindi ko naco-contain pero kinakaya ko lahat dahil kailangan ako ng aking anak at ng asawa. First and foremost, ang iniisip ko ay maging ina at asawa muna dahil yun ang priority ko at hindi ang depresyon ko.
Ang pagbabago
Nagkaroon ng pagbabago noong bumalik ako sa graduate school, noong nagsimula ako muling bumalik sa aking pagba-blog, noong nagsimula ako ulit dumalo sa mga events, noong nagsimula ako ulit sumulat, noong nagsimula ako ulit kumanta—basically noong nagsimula akong muli lumabas mag-isa at gawin ang mga gusto kong gawin sa aking buhay.
Para bang nagsimula ako muling mangarap para sa aking sarili at dahil dito nadagdagan ang aking goals sapagkat nangangarap na rin ako para sa aking baby boy.
Noong ngang nangarap na rin ako para sa aking baby boy at pamilya, nadagdagan ang aking motivation at hindi na ako masyadong nalulungkot o di na masyadong nagti-trigger ang aking “depression episodes” kung tawagin.
Noong nagsimula ako ulit sa graduate school, bumalik sa pagba-blog, dumalo sa events at sumulat bilang aking trabaho, natuto ako ulit tumawa at ngumiti na walang halong negatibong pakiramdam.
Sabi nga ng aking psychiatrist kailangan ko lamang makakita ng bagong lugar o makakilala ng mga bagong mga tao sa aking buhay upang mabawasan ang mga negatibong vibes na nararamdaman ko.
Another “depression episode” attack
Pero kamakailan lamang nagkaroon ako muli ng episodes marahil siguro sa pagod at puyat sa pag-gawa ng thesis. Sobra akong nalungkot, iyak nang iyak, pero kahit na gano’n nagagawa ko pa rin ang mga responsibilidad ko bilang isang ina at asawa.
Alam ng aking asawa ang aking kondisyon at nagpapasalamat ako na naiintindihan niya ako. Sinasabi ko agad sa kanya kapag mayroon akong episode kasi ‘yon ang nararapat upang hindi ko maibuhos ang aking pagkalungkot o galit na nararamdaman sa aking anak o asawa.
Mayroong mga pagkakataon noon na naibubuhos ko sa aking mag-ama ang negatibong vibes pero nagpapasalamat ako at naiintindihan ako kahit na ang aking anak na nasa murang edad pa lamang.
Nagso-sorry naman ako agad sa kanila kapag bigla akong nag-snap sa kanila ng wala sa lugar.
Paano nalalampasan ang mga “depression episodes”
Paano ko nga ba nalalampasan ang aking mga depression episodes?
Simple lamang, nagdarasal ako na malampasan ko ang bawat episodes na dumarating sa akin. Sadyang napakabait nga ng ating Panginoon sapagkat hindi Niya ako hinahayaan na malulong sa aking depresyon masyado.
Ang galing lang sapagkat every time na mararamdaman ko na ang “depression episodes” ko lumalapit na agad ang aking anak at pinapalambot agad ang aking puso.
Para bang binubulungan ng Panginoon ang aking anak at asawa na may parating na episode ako at talagang ginagawang instrumento ng Maykapal sila upang ako’y mapasaya o mapalambot kahit simpleng yakap lang ng anak ko sapat na, napalambot na niya agad ang puso ko.
Ganun ata talaga, dati-rati hindi madaling maalis ang episodes ko pero ngayon sa tulong ng aking asawa lalo na ang aking anak, mas madaling nawawala at nababaling sa ibang pakiramdam at iyon nga ang kasiyahan na mas higit kong mararamdaman dahil sa dalawang boys ng buhay ko.
Ngayon nga ang sandata ko sa bawat episodes ko ay ang aking dalawang boys at siyempre ang Poong Maykapal na patuloy pinapakita sa akin kung gaano kaganda at kasaya ang buhay sa mundong ibabaw—basta’t hindi nawawala ang pag-asa dahil sa pamilya at ang pananalig sa Salita ng Diyos.
Basahin: 13 sintomas ng depresyon sa mga bata