Ang iyong munting anghel ay nalalapit nang maging “terrible twos”, pero napakarami pang makukulay na “adventures” ang iyong toddler ngayong 23 buwan na siya, maliban sa tantrums.
Bagamat ang pagiging animo’y matigas ang ulo ay bahagi ng edad na ito, makikitang maraming mabuting kakayahan at katangian ang iyong anak. Mahilig siyang matuto at sadyang napakalambing niya pang lalo kay Mummy at Daddy. Nagiging mas independent na rin siya ngayon.
Napakaraming milestones ang makikita sa kaniya ngayong 23 buwan na siya.
Tandaan na ang iyong toddler ay katangi-tangi at iba, at maaaring may sariling bilis o panahon sa pagkatuto, kaya’t huwag ma-pressure kung hindi pa niya nagagawa ang ibang nakalagay na milestone.
Milestone at development ng 23 buwang gulang
Pang-araw araw na kakayahan
Halos 2-taong-gulang na siya, at hilig niya ang gayahin si Mummy at Daddy—sa pananalita at sa mga kilos. Huwag magulat kung magkukunwari itong nakikipag-usap sa cell-phone hawak ang lego niya o dinosaur na laruan, o kunwari ay nagluluto sa lamesa niya.
Gagayahin niya palagi ang mga taong nakikita niya at nakakasama, pero minsan din ay gagawin niya ang sarili niyang gawa. Hindi madali para sa kaniya ang anumang pagbabago, lalo na sa paliligo, pagsisipilyo, pananamit at anumang may kinalaman sa schedule. Lahat ito ay bahagi ng learning process niya.
Tips:
- Hikayatin siyang maging independent at turuan siya ng mga simpleng gawaing bahay, tulad halimbawa ng pagliligpint ng mga laruan, pagwawalis, o pagpupunas ng lamesa pagkakain.
- Turuan ang bata ng pagkain ng tama at masustansiya sa hapag kainan. Maghain ng grilled chicken imbis na pritong manok, o bigyan siya ng mga prutas at gulay, kahit paisa-isang uri, tuwing kakain. Huwag painumin ng soda o softdrinks para hindi niya hanap-hanapin paglaon.
- Pagdating sa pagbibihis at pag-aayos ng sarili, bigyan siya ng mga pagpipilian para magkaron siya ng kakakayahang mag-desisyon at pumili ng gusto niya. Turuan siyang magbihis nang mag-isa para maging independent din.
- Mag-ingat sa mga salitang ginagamit sa harap ng bata, pati na rin mga kilos at galaw dahil nga lahat ito ay gagayahin niya. Sa edad na ito nagsisimulang matuto ang bata ng mga “bad words” dahil nga naririnig ito nang madalas sa paligid niya, pati na rin sa mga pinapanuod sa TV.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Huwag ipagwalang bahala ang mga maliliit na sakit tulad ng masakit na tainga, o makating balat. Hindi pa niya masasabi ng lubusan o eksakto ang nararamdaman, kaya baka hinihila na ang tainga, iyon pala ay masakit na.
- Sa ika-24 buwan ni baby, kailangang bumisita sa kaniyang pediatrician para sa isang “well baby checkup”. Ilista ang mga tanong na gustong masagot ng doktor tungkol sa paglaki, development at behaviour, para walang makaligtaan.
Pagdating sa development ng 23 buwang gulang na toddler, mahalagang malaman na sila ay napakagaling manggaya, at labis ang pananabik at attachment kay Mommy at Daddy. | Image courtesy: Dreamstime
Physical Development
Gross Motor Skills
Mapapansing mahilig siyang tumingkayad, sumipa at bumato ng bola. Kayang kaya na rin niyang tumakbo nang mabilis at bihirang madapa.
Makikitang umaakyat na rin siya sa mga kasangkapan sa bahay at sa hagdan kaya’t huwag aalisin ang tingin sa kaniya. “Unstructured play” at “dramatic play” ang mabisang makakatulong sa bata sa pag-unald ng kaniyang pisikal at cognitive skills.
Tips:
- Siguraduhing naka-child-proof ang buong bahay, at walang sasampahan ang bata na delikado para sa kaniya. Lagyan ng sarahan ang mga drawers at naka-bolt sa pader ang mga matataas na bookshelves. Siguraduhing hindi niya maaabot ang mga bintana, at hindi siya makakalabas lalo na sa mga terrace o balcony kung nakatira kayo sa mataas na gusali.
- Bigyan siya ng bola na pambata (malambot) na pwede niyang sipain at ibato. Nakakahinang ito ng motor skills, at makakatulong pa sa bonding ninyong mag-anak.
- Maglakad-lakad sa mga parke at playground kung saan marami siyang makikita, magagawa at makikilala. Bantayan siya para hindi madisgrasya, at makipaglaro din sa kaniya.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung ang iyong anak ay hirap na sumipa o tumingkayad, ikunsulta agad sa doktor.
Fine Motor Skills
Ang iyong toddler ay kaya nang magpatong-patong ng blocks o cubes para makagawa ng tore, o ihanay ang mga ito para gawing tren, makakopya ng linya o mag-drowing ng pabilog, at gumamit ng kutsarita nang hindi na gaanong makalata.
Tips:
- Maupo at samahan si baby na lumikha ng mga art projects.
- Kapag nagbabasa, hayaan siyang maglipat ng mga pahina.
- Bigyan na siya ng mga puzzles na bagay sa edad niya, para masanay ang fine motor skills niya, pati ang abilidad na makakita ng mga patterns at kumopya ng mga hugis.
- Magpatulong sa bata sa pagbubuhat ng mga bagay na hindi mabigat, tulad ng bag ni Mommy, sapatos ni Daddy, para makita niya ang kakayahan niya at matutunan niya ang kabutihan ng pagtulong sa kapwa. Nakakasanay din ito sa fine motor skills tulad ng paghawak at pagdampot.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hirap ang bata na humawak at tumangan ng mga bagay tulad ng bola, crayons, lapis, ikunsulta ito sa kaniyang paediatrician.
Tandaan na ang memory ng isang 23-buwang-gulang na bata ay mabilis na nahihinang at nasasanay. | Image courtesy: Shutterstock
Cognitive Development
Bukod sa umuusbong na bokabularyo, humuhusay na rin ang memory ng bata sa edad na ito. Nagpapakita na siya ng signs ng pag-intindi sa konsepto ng “object permanence”. Halimbawa, naaalala niya kung naiwan niya sa kuwarto ang laruan niya.
Kaya na rin niyang mag-isip ng solusyon sa mga simpleng “problema”, naiintindihan ang konsepto ng oras (time), at nakaka-visualise ng mga bagay sa isip niya. Para siyang sponge, kaya naman “ibabad” ito sa mabubuting bagay lamang!
Tips:
- Maaaring nagpapakita na ng artistic inclination ang iyong toddler sa edad na ito. Hikayatin ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga crayons, clay, o non-toxic watercolour na pwede niyang gamitin.
- Sanayin pa ang pagkakaalam niya ng konsepto ng object permanence sa pamamagitan ng pagtatago ng mga bagay sa kuwarto, pagkatapos ay ipahanap ito sa bata.
- Kapag nagbabasa, ipaliwanag ang ibig sabihin ng mga salita sa kaniya. Gumamit ng mga halimbawa sa paligid o mga bagay na palagi niyang nakikita o ginagamit.
- Tanungin ang bata tungkols sa mga bagay sa paligid niya, halimbawa ay kulay, bilang, sukat, o pakitaan siya ng mga bagay at itanong ang tawag o pangalan ng mga ito.
- Habaan ang pasensiya at huwag pilitin ang bata na sumagot sa bawat tanong, o makipaglaro sa iyo ng Q&A kung ayaw niya. Huwag asahan na matatandaan niya lahat palagi. Mas natututo ang bata kapag positibong hinihikayat ng magulang, at hindi sapilitan.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi niya naaalala ang pangalan o tawag sa mga pamilyar na bagay sa paligid, itanong sa doktor kung ano ang mga paraan para matulungan na mahinang ang memory ng bata.
Social and Emotional Skills
Social Skills
Bagamat mas matindi ang separation anxiety sa edad na ito, kung saan ayaw mawalay ni baby kay Mommy at Daddy, makikita rin namang sobrang excited siya kapag nakakakita ng ibang batang makakalaro. Makulit pero cute pa din naman, at nagsisimula nang magpakita ng “individuality” at “independence”.
Tips:
- Tandaan na gusto ng iyong toddler na maglaro katabi lamang ng ibang bata, at hindi pa ito tuluyang makikipaglaro (o kaya ay makikipaghiraman ng laruan). Huwag pilitin na makisalamuha, at hayaan lang na naglalaro ang mga bata nang magkakasama sa isang kuwarto o lugar.
- Turuan ng mga laro na magtuturo ng pakikisalamuha sa iba tulad ng habulan.
- Hikayatin siya palagi, at ipakita kung paano ang tamang pakikinig sa sinasabi ng iba. Hayaan din siyang tumugon at sumagot sa mga tanong, habang binibigyan siya ng mga encouraging words.
- Kung may alitan o nakikipag-agawan halimbawa ng laruan sa ibang bata, tulungan silang ayusin ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila. Sa ganitong paraan ay matututo siya, paglaon, ng pag-aayos ng problema o alitan sa tamang paraan.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung mariing tumatanggi ang bata na makipaglaro o makisama sa ibang bata, o labis ang iyak kapag may mga nakikitang tao, at gumagamit din ng mga pagalit na salita sa mga ibang bata, ikunsulta ito sa paediatrician para makahingi ng payo sa kung paano nga ba gagawing kaaya-aya ang pakikisalamuha at hindi maging stressful para sa bata.
Emotional Skills
Mas umiigting ang separation anxiety stage sa ika-23 buwan, at lalo pa itong makikita nang mas madalas.
Mapapansin na mas iritable ang bata, pero alamin na ito ay isang paraan lang niya para makuha ang atensiyon ng mga magulang dahil nga palagi siyang sabik dito. Kaya palagi niyang gustong yumakap, humalik, o magpakarga kay Mommy at Daddy, at lahat na lang ay gustong ipakita sa inyo, tulad ng drawing niya o anumang laruan na makita niya.
Tips:
- Bigyan siya ng papuri o praise kapag nagpapakita ng mabuting asal o kapag sumusunod sa sinasabi.
- Tandaan na mas importante ang “praise” kaysa parusa.
- Iwasan ang masyadong “nega”—walang buting maidudulot ang negatibong salita at pakikitungo sa kaniya. Iwasan ang puro NO at HUWAG, at patuloy na maging mahinahon sa pakikipag-usap sa kaniya, kahit na labis ang pagbubuwisit niya minsan, o kapag mahirap siyang sawayin.
- Kapag may ginawa siyang salungat sa tama o hindi nararapat, huwag mag-focus dito, bagkus ay gamitan ng positibong salita, habang tinuturo o sinasabi ang dapat na ginawa o tamang asal.
When to Talk to Your Doctor:
- Kapag ang separation anxiety o tantrums ay madalas at mahirap kontrolin, lalo na sa mga pampublikong lugar at sa eskwela, ikunsulta ito sa doktor para mabigyan ng rekomendadong behaviour specialist, o developmental pediatrician.
Speech and Language Development
Ang iyong 23-buwang-gulang na anak ay may umuusbong na bokabularyo. Kaya nan iyang magkabit-kabit ng 4 na salita, o kaya ay isang buong pangungusap na diretso at tama. Naituturo niya ang mga bagay at litrato kung itatanong sa kaniya kung nasan ito, o kung ano ang pangalan ng mga ito.
At dahil mahilig siyang gumaya, uulit-ulitin niya ang mga salita at kataga na naririnig niya sa mga nakatatanda pati sa TV o pelikula. Dahil dito, kaya na niyang sumunod sa mga simpleng instructions. Masasabi na niya nang malinaw ang kailangan niya o gusto niya, tulad ng pagpunta sa toilet o kapag gusto niyang magpakarga o sumama kay Daddy. Kapag nagkukwento siya, tatawagin niya ang sarili sa pangalan, hindi sa panghalip.
Tips:
- Magbasa ng mga librong bagay sa 23-buwang-gulang na bata. Turuan siya ng mga salita, pag-usapan ang mga nasa larawan, at hikayatin siyang ulitin ang mga salita o pangalan.
- Pakitaan siya ng mga larawan ng mga pamilyar na tao tulad ng mga kamag-anak at sabihin ang mga pangalan nito (at kung nasaan sila).
- Ituro ang mga bahagi ng katawan at pangalanan ito.
- Gumamit ng “Ako”, “Aking”, “I,” “me,” at “ikaw”, “siya”, at “you” sa araw-araw na pakikipag-usap sa kaniya para matutunan ang tamang panghalip at gamit nito.
- Hikayatin siyang gumamit ng salita imbis na ituro lamang ito. Hal.: “Gusto mo ba ng libro?” kapag tinuturo ang libro.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hanggang ngayon ay hindi pa kayang bumigkas ng mga simpleng salita ang bata, o pangalanan ang mga kapamilya at kasama sa bahay, kahit paulit-ulit pa itong itinuturo sa kaniya, kumunsulta sa kaniyang paediatrician.
- Kung hindi pa nakakasunod sa mga simpleng instructions o nakakapagsabi ng mga nararamdaman niya o iniisip, o hindi man lang gumamagamit ng mga hand gestures, ikunsulta ito sa doktor.
Kalusugan at Nutrisyon
Mapili ang mga toddler sa edad na ito. Habaan ang pasensiya at patuloy na bigyan siya ng mga pagkain masustansiya at mayaman sa mga bitamina at mineral, tulad ng calcium para sa nagdedevelop na buto at ngipin niya. Ang normal na taas ng bata sa edad na ito ay nasa 80.5 cm hanggang 89.9 cm, at may timbang na 10.7 kg hanggang 13.4 kg.
Tips:
- Huwag pilitin ang bata na kumain, kung sinabi niyang hindi siya gutom.
- Bigyan ng healthy food choices tuwing kakain. Kahit ang mga maseselan at mapili sa pagkain ay natututo ding masanay sa mga pagkain kung paulit-ulit niya itong natitikman.
- Kung nagsisimula nang mag “toilet train” ang bata, turuan na siya ng tamang pag-aalaga sa sarili, kasama ang proper hygiene, tulad ng pagsisipilyo at paghuhugas ng kamay, at paliligo.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung walang gana ang bata palagi, at hindi bumibigat ang timbang, ikunsulta ito sa doktor ng bata.
Tandaan na kung hindi pa naaabot ng bata ang mga milestones, huwag mag-alala. Minsan ay may nauuna, minsan ay may nahuhuli ng kaunti, pero palagi naman silang humahabol.
Hindi naman lubusang “terrible” ang mga “tw0-year-olds”, basta’t handa ang mga magulang sa dapat asahan, at bukas ang isip sa pagtulong sa development ng bata para maging masaya ang kaniyang paglaki at pagkabata.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS VILLAR
Sources: WebMD, CDC.gov, Stanford University
Your toddler’s previous month: Toddler development and milestones: your 22 month old
Your toddler’s next month: Toddler development and milestones: your 24 month old