Development at paglaki ng batang 24 buwan (2 years old)

Ang development ng 2 years old: ano ang kaya na niyang gawin ngayong buwan? Alamin ang milestones na aabangan sa kaniyang paglaki.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Humihiyaw sa pag-iyak, nagwawala, at minsan pa ay naglulupasay sa sahig. Ngayon maiintindihan mo na kung bakit binansagang “Terrible Twos” ang stage na ito. Pero huwag mag-alala. Bukod sa tantrums at labis na frustration, maraming mga nakatutuwang milestones ang makikita sa ikalawang taon ni baby. Alamin ang  development ng 2 years old ngayong buwan. Pagmasdan at tandaan ang bawat minuto ng buwan na ito dahil minsan lang ito dadaan.

Huwag magulat sa mga tantrums ng iyong  24 buwang gulang.  | Image source: Shutterstock

Development ng 2 years old

Physical Development

Ang iyong  24-buwang-gulang na toddler ay napaka-aktibo, at siguradong pagkakaabalahan nin Mommy at Daddy bawat minuto, umaga at gabi. Bagamat may mga pagkakataon na parang aatakihin ka na sa puso sa likot niya—takbo dito, hila doon, akyat-baba, at pati ang puting dingding ay ginawa na niyang drowingan—ito ang mga bagay na dapat ding ikatuwa. Ito ang mga hudyat na normal ang development niya. 

Tipikal sa mga 2-taong-gulang ang pag-tingkayad, pag-squat o pag-timpuho, pag-akyat sa mga furniture, pag-akyat-baba sa hagdan, paglundag, pagtakbo, pagsipa ng bola at pagbato din nito. Nakakatalon na rin siya!

Paborito niya ang pagpatong-patong ng blocks para makagawa ng “tower”, paglagay ng kung anu-ano sa mga container, pagguhit ng linya o bilog, at iba-ibang scribbles. Ang mga bagay na ito ay nagpapakita ng mabilis na pag-unlad ng mga kakayahan niya, lalo sa fine at gross motor skills.

Tips:

  • Maglakad sa labas, kasam ang buong pamilya. 
  • Hayaang tumakbo sa parke o hardin ang bata. 
  • Dalhin ang bata sa playground para maglaro at makipaglaro sa ibang bata.
  • Hikayatin siyang magligpit at mag-sort ng mga laruan niya para masanay ang motor skills niya.
  • Bigyan siya ng drawing materials tulad ng papel, crayons, matabang lapis, para sa fine motor skill development.

Kailan dapat kumunsulta sa doktor:

Kung ang bata ay:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Parang nakakalimutan o hindi na nagagawa ang skills na dati ay alam na niya
  • Hindi nakakapaglakad ng diretso at walang akay
  • Hindi pa marunong humawak ng mga karaniwang gamit sa bahay tulad ng lapis at kubyertos.
  • Hindi nakakatakbo o lagi pa ring nakatingkayad sa paglalakad. 
  • Hindi ginagaya ang galaw o gawi ng iba
  • May nakikitang panghihina sa isang bahagi ng katawan.

Image source: Shutterstock

Development ng 2 years old: Cognitive

Ang utak ng iyong 24 buwan ay halos 75% na ng  adult size nito, at mabilis nang magiging 100% hanggang edad 18. Ang kaniyang memory at observation skills ay mabilis ding nahihinang.

Tanda nito ay ang gumagaling na pag-alala ng bata sa pagsasama ng mga magkakapareho, tulad ng  ang kamiseta at shorts ay damit, ang ibon at isda ay mga hayop, ang manyika at blocks ay mga laruan. Natatandaan na rin niya ang mga landmarks at kahit mga logo ng paborito niyang tindahan at kainan, lalo na kapag palagi niyang nakikita. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mapapansin din ng  iyong toddler ang mga pagbabago sa loob ng bahay, halimbawa kung may nawalang kasangkapan, o nailipat ng lugar ang silya o lamesa. 

Ginagamit niya ang kaniyang mga  senses para madiskubre ang mga bagay sa paligid niya, kaya’t kaya niyang mahinuha na ang kumot ay malambot, ang balbas ni Daddy ay magaspang o nakakakiliti. 

Kaya na rin niyang maintindihan ang magkasalungat, tulad ng taas at baba, ngayon at mamaya, at marami at kaunti.

Magugulat ka din kapag napapaalala pa niya sa inyo ang mga ginawa ninyo nung nakaraang linggo–nung dumalaw kayo kay Lolo at Lola, o nung nagkulay kayo ng “baby shark” gamit ang watercolour.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang  memory retention na ito ay may disadvantage din, dahil maaalala din niya ang takot niya sa pagpunta sa dentista at pag-bakuna ng pediatrician, at pati nga ang ayaw niyang pagpunta sa barbero, dahil alam niyang makati, o kaya ay nakakatakot ang gunting na hawak na malapit sa mukha niya.

Sa edad na ito, asahang maglalaro ang iyong toddler ng mga larong “make-believe” o kunwari-kunwarian, at nakikipag-usap pa nga minsan sa kaniyang mga laruang manyika o stuffed toy. 

Karaniwang kakayahan ng isang 24-buwang-gulang na bata ay ang pagturo sa mga bagay sa litrato o paligid, at papangalanan ang mga ito, sumusunod sa mga “two-step” na utos o pakiusap (Pulutin mo ang mga laruan mo at ilagay sa lalagyan”), nagsasama-sama ng mga pareho ng kulay o hugis, at pagtatayo ng “tower” gamit ang mga blocks niya.

Tips:

  • Samahan siya sa pagkanta. 
  • Kantahin o isa-isahin ang alphabet, at magbilang ng kung anu-ano sa paligid.
  • Hayaan siyang magturo ng mga bagay at pangalanan ang mga ito.
  • Tanungin siya ng iba’t ibang tanong tungkol sa iba’t ibang bagay. 
  • Ipaliwanag ang mga simpleng hakbang (“Itatali lang ni Mommy ang sintas mo, ha?”)
  • Bigyan siya ng mga pagpipilian at hayaan siyang magdesisyon at pumili, basta’t hindi makakasama sa kaniya (“Gusto mo ba ng pulang bola o asul na bola?”)
  • Bigyan siya ng maraming laro o laruan na naghihikayat ng pagkamalikhain at may problem solving.
  • Kapag wala ang mga taong kasama niyo sa bahay, pag-usapan kung nasan sila (“Si Daddy ay nasa trabaho”, “Nagpunta si Tita Angie sa supermarket”, “Umuwi na si Lola sa bahay niya sa Makati”).

Kailan dapat kumunsulta sa doktor:

Kung ang bata ay:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Hindi nakakasunod kahit sa mga simpleng utos
  • Hindi makabuo o hirap makabuo ng isang “tower” gamit ang mga blocks
  • Hindi mapangalanan ang mga karaniwang bagay sa paligid tulad ng aso, pusa, kahon, kotse, ibon

Image source: Shutterstock

Development ng 2 years old: Social at Emotional

Sa oras ng paglalaro, napakaraming pagkakataon ng pagkatuto ang maaaring makita at magamit para sa bata. Ang kakayahang makitungo sa ibang tao at makipag-usap ay ilan sa mga mahahalagang kakayahan na maituturo ng pakikipaglaro.

Natural ang pagiging makasarili ng bata sa kaniyang mga laruan. Hirap pa siyang magpahiram o mag-share lalo na’t paborito niya ang laruan. Kung ipapahiram man niya, mabilis niya itong babawiin, at kapag hindi nakuha agad, asahang magwawala ito at iiyak ng walang humpay. Dito na makikita ang mga  “mini conflict” o mga away-bata na tinatawag, at ang unang tikim ng pangangagat, panghahampas, paninipa at iba pang agresibong gawain. 

Ang iyong 2-taong-gulang na anak ay makikipaglaro sandali sa iba, pero madalas ay kuntento nang may katabing naglalaro pero hindi pa talaga nakikipaglaro o nakikipag-usap sa ibang bata. May mga batang mahilig ding manuod lang sa mga naglalaro, at minsan ay gagayahin ang paraan ng paglalaro ng ibang bata. Mas mapapansin ito sa mga batang may mas nakatatandang kapatid. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

At dahil may maikling  attention span ang iyong anak, asahang magpapaiba-iba siya ng laro o gustong laruin, at bihirang manatili sa isang tabi nang matagal. Gusto din niyang kalaro si Mommy at Daddy palagi, na isang magandang pagkakataon para maging modelo ang mga magulang sa kabutihang asal at iba pang values na gusto nilang ituro sa anak tulad ng pagliligpit ng kalat, at magalang na pakikipag-usap sa isa’t isa.

Asahan din ang masigasig at determinadong bata—na hindi titigil hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya. Nariyan pang hindi titigil sa pag-angal at pag-iyak pa minsan hanggang hindi ka bumibigay.

Huwag matakot sa iyak ng bata, at huwag mag-alinalangan na ituro ang dapat na asal. Huwag palaging pagbigyan ang gusto ng bata, lalo na kung dinadaan sa iyak at pagwawala. Turuan siyang sabihin kung ano ang gusto niya nang maayos at hindi pasigaw o paiyak. Huminga ng malalim bago makipag-usap sa batang nagwawala, para hindi sabayan ang galit nito, at maayos ang pakikipag-usap (kahit pa nanggigil ka na at nauubos na ang pasensiya mo). 

Mabuti rin ang paminsan-minsan ay hayaan ang batang ilabas ang frustration, galit, inis o lungkot niya. Ito kasi ang paraan niya para maintindihan at matutunan kung paano nga ba sasalubungin ang kaniyang mga dumadagsang emosyon. Gayunman, huwag patagalin ito at kausapin agad siya o tulungan siyan ng tamang paraan ng pagpapahupa ng damdamin. Kailangan pa rin ng bata ng yakap at mahalagang maramdaman niya na siya ay ligtas sa piling ng mga tagapag-alaga lalo na ng magulang.

Huwag magmadali sa pagpapatahan sa kaniya dahil 1) maaaring isipin niya na “ito lang pala ang gagawin ko para makuha ang atensiyon ni Mommy at Daddy; at 2) ang pagiging malungkot ay masama. Hayaang maranasan niya ang iba’t ibang emosiyon dahil susi ito sa development ng emotional skills ng isang toddler. 

Turuan siya ng tamang paraan ng paglabas ng emosiyon, lalo na ang mga negatibo. Ipaliwanag na ang pagsigaw at pananakit sa kapwa ay hindi dapat, at ang pag-iisa muna at paglayo sa sitwasyon ay mas makakabuti sa kaniya.

Mayron ding tinatawag na “regression” o pagbabalik sa mga ugaling nalagpasan na dapat niya, tulad ng paghawak ni Mommy sa kamay niya kapag naglalakad, na ayaw na niya kasi “big kid” na siya o “Malaki na ko”. Pero para bang biglang nakakapit na siya palagi sa iyo, at nagpapakarga pa na parang baby ulit.

Maraming dahilan kung bakit nangyayari ang regression:  

  1. epekto ng patuloy na pag-unlad ng memory ng toddler, habang naaalala niya ang mga masasayang alaala nuong baby pa siya at gusto niyang maramdaman ulit ito;
  2. bilang paraan para ipaalam sa mga magulang niya na ang pagiging “independent” at pagiging malaki na ay mahirap din para sa kaniya, at gusto niya lang iantala ito kahit sandali; o
  3. ang iyong toddler ay gusto lang ng atensiyon at pag-aaruga, lalo na kapag may mga nagbabago sa routine niya (hal. may bagong baby ang pamilya, lumipat kayo sa bagong bahay) o isang hindi komportableng sitwasyon (hal. nag-aaway ang mga magulang, may mga bagong mukha siyang nakita). 

Kung ang iyong toddler ay nagpapakita ng regressive behaviour, iwasan ang pananaway sa kaniya. Sa halip mag-focus sa positive reinforcement ng tamang asal at pag-uugali. Bigyan ng papuri ang bata kapag may ginawang tama sa edad, tulad ng kapag gumamit siya ng tasa o baso imbis na bote sa pag-inom ng gatas, o kung gumagamit ng potty imbis na sa salawal. 

Sa edad na ito, ang iyong toddler ay nagiging mas pamilyar na sa mga pagkakaiba ng gender o kasarian. Magsisimulang gayahin ng mga bata ang nakikita kay Mommy at Daddy, at madalas ay gagayahin ng anak na babae si Mommy, at ang anak na lalaki ay gagaya kay Daddy. Huwag mag-alala kung minsan ay gagayahin naman ng anak na lalaki ang mga kilos ni Mommy tulad ng pagbuhat ng bag, pagpaplantsa, o paglalagay ng make-up, o isusuot ng anak na babae ang sapatos ni Daddy. Lahat ito ay natural at walang kinalaman sa magiging sexual preference nila paglaki.

Iwasan ang paghikayat ng gender stereotypes, o ang pag-iisip na ang mga babae lang ang pwedeng maglaro ng manyika at kotse naman ay panlalaki lang. Paglaruin sila ng anumang laruan na magustuhan nila, trak man, tren, o stuffed toy, o gamit pang-kusina. Mas mabuti ang magiging pagkatuto ng bata kapag may iba’t ibang laruan na madidiskubre. 

Sa panahon ding ito matututunan ng bata na siya ay indibidwal, at hiwalay sa iba. Mababawasan na rin ang separation anxiety niya, bagamat may takot na siya sa mga malalakas na ingay at ilang hayop (o tao!). 

Image source: Shutterstock

Tips:

  • Mag-imbita ng mga kalaro o mag-set ng playdates.
  • Hayaang makisalamuha ang bata sa iba’t ibang tao, sa iba’t ibang edad. 
  • Pangalanang ang mga emosyon ng bata sa tuwing makikita ito, at tulungan siyang harapin ito. 
  • Bigyan ang bata ng laruan na makakahikayat sa imahinasyon nito, tulad ng pretend-play at make-believe, o dramatic play kung tawagin. Mainam ang mga laruang manyika, pang-kusina o luto-lutuan, o mga dollhouse at costumes.
  • Patulungin ang bata sa mga simpleng gawaing bahay tulad ng pagliligpit ng labada, laruan, o pagtulong sa pagluluto. 

Kailan dapat kumunsulta sa doktor o espesyalista:

Kung ang bata ay:

  • Madalas na nangangagat o nananakit ng iba
  • Sinasaktan ang sarili para makakuha ng atensiyon, hal. inuuntog ang ulo sa pader
  • Ayaw  makipaglaro sa ibang batang ka-edad niya
  • Walang eye contact o hindi tumitingin sa mata ng kausap
  • Hindi nagpapakita ng emosyon o tumutugon nang may tamang emosyon. 
  • Hindi naglalaro ng pretend play o kunwa-kunwarian
  • Hindi tumutugon o sumasagot sa tawag ng pangalan.
  • Naka-focus lamang sa iisang gawain o bagay, tulad ng paglilinya ng mga laruan, at hindi maistorbo sa gawain.

Development ng 2 years old: Speech at Language

Madaldal na ang iyong 24-buwang-gulang ngayon. Kaya na niyang bumuo ng pangungusap na may 2 hanggang 3 salita: “I want milk!” o “Karga mo ko.” Nakakasunod din siya sa mga simpleng pakiusap o utos.

May yumayabong na bokabularyo na ang iyong toddler: mula 50 hanggang 75 salita, at naiintindihan na siya ng mga taong kausap niya, kahit hindi siya kilala. Alam na rin niya ang mga pangalan ng mga tao na palagi niyang nakakasama, pati ang pangalan ng mga bahagi ng katawan niya. 

May mga paborito na rin siyang pagkain, at madalas ay hihilingin niya ito, tulad ng cookies, mansanas, gatas. At dahil naiintindihan na rin niya ang konsepto ng “more” at “less”, asahan na hihingi pa ito ng “more” o mas marami, kapag nakikita na konti na lang o ubos na ang pagkain niya.

Maaaring alam na rin niya ang mga kulay at kaya na niyang magbilang ng hanggang 10 pa. Habang binabasahan siya ng libro, mapapansin din na ituturo niya ang mga bagay at hayop sa litrato, at papangalanan ang mga ito.

At dahil na rin sa yumayabong na bokabularyo niya, magaling na rin siyang makipag-usap. 

Mahilig na siyang magtanong tungkol sa mga “bakit” at “paano” ng mga bagay sa paligid—pero huwag munang simulan ang mga mahahabang paliwanag dahil hindi niya ito pakikinggan. Maging maikli at direkta sa pagpapaliwanag, at gumamit ng mga simpleng salita lamang. 

Habang naglalaro, pakinggan kung paano kausapin ng iyong toddler ang kaniyang mga laruan at alagang hayop. Paniguradong ang pakikipag-usap niya ay ginaya niya sa pakikipag-usap mo sa kaniya, o kung ano ang karaniwang naririnig sa usapan ninyo sa bahay. 

Ang iyong toddler ay marunong na ring kumanta ng malinaw at humahaginit pa ng ilang tono. Gawing libangan ang sing-along o kantahan kasama si Daddy at Mommy, at sabayan pa ng kantahan. May mga bata pa ngang nakaka-memorya ng mga mahahabang kanta na naririnig palagi sa radyo sa kotse o sa playlist ng magulang. 

Kung gumagamit pa ng dummy ang bata, ngayon na ang panahon na dapat itong itigil o alisin sa kaniya. Makakaapekto kasi ito sa kaniyang pagsasalita at pakikipag-usap. 

Tips:

  • Iwasan ang pagtama sa grammar ng bata kapag nagsasalita siya. Simplehan lang siya para hindi mapahiya, at ulitin ang sinabi niya ng tama ang grammar at mga salita.
  • Kausapin siya ng may malinaw at direktang pananalita, at maging modelo ng malawak na bokabularyo. Imbis na sabihing “Okay” lang, sabihing, “Okay, tutulungan ka ni Mommy na itali ang sintas mo.” o “Okay, babasahan ka ni Daddy ng libro.”
  • Basahan siya ng picture books palagi. Habang nagbabasa, tanungin siya ng tungkol sa kuwento, o kung ano sa tingin niya ang mangyayari. Tanungin din siya ng tungkol sa mga nakikita sa larawan tulad ng “Nasaan ang pusa?” o “Ano’ng mga kulay ang nakikita mo?”
  • Patuloy na kumanta ng mga nursery rhymes at turuan ng mga bagong kanta ang iyong toddler. Mahilig siya sa mga rhymes at iba’t ibang tunog o saliw ng musika. 
  • Kung nasanay sa dummy ang iyong toddler, palitan ito ng “transitional love object” tulad ng manyika o  teddy bear.

Kailan dapat kumunsulta sa doktor:

Kung ang bata ay:

  • Hindi gumagamit ng mga katagang may 2 salita lamang (hal. inom gatas)
  • Hindi gumagaya ng mga salitang naririnig o tinuturo sa kaniya
  • Hindi pa alam pangalanan o ituro ang mga bahagi ng katawan tulad ng ilong o mata.

Image source: Shutterstock

Development ng 2 years old: Kalusugan at Nutrisyon

Ang torso at mga binti ng iyong toddler ay humahaba na, at nagsisimula nang makita ang hugis ng katawan ng isang bata, na malapit na sa tulad ng adult. Ang tipikal na tangkad ay mula 34 hanggang 34.5 inches. Ang average weight ay mula 10.5 kg hanggang 12.5 kg. 

Nirerekumenda ng The American Academy of Pediatrics ang  pagbabawas ng fat intake sa mga toddlers, ng mga 30% ng required daily calories. Pero huwag tuluyang tanggalin ang fat sa diet ng bata dahil kailangan pa rin ito ng kaniyang growing brain at katawan. Maraming mga produktong dairy ang may fats din at mabuting source ng calcium. Hanapin ang mga bersiyong low-fat ng keso, yogurt at ice cream.

May mga batang nagiging mapili rin s apagkain sa edad na 2 taon, kahit na dati ay hindi naman. Maingat na kasi ang ibang bata sa pagsubok ng anumang bago, pati sa pagkain. 

Sa edad na ito, maaaring susubukan din niya kung ano ang mga pwede at hindi pwede, at kasama dito ang pagtanggi na subukan hindi lang pagkain kundi pati mga gawain. Bigyan pa rin siya ng balanced diet kasama ang mga whole grains, lean meat, beans, prutas at gulay. 

Ang iyong 24-buwang gulang ay kailangan ng mga sumusunod:

  • Nasa 3 ounces ng grains, kalahati ay whole-grain (ang isang ounce ay katumbas ng isang slice ng tinapay, isang tasa ng ready-to-eat cereal, o kalahating tasa ng lutong kanin, lutong pasta, at lutong cereal.
  • Isang tasa ng gulay
  • Isang tasa ng prutas
  • 2 tasa ng gatas
  • 2 ounces ng karne, beans (ang isang ounce ay katumbas ng parehong dami ng karne, poultry o isda,  ¼ tasa ng lutong dry beans, o isang itlog.

Kung hindi pa nadadala sa dentista ang iyong toddler, ito na ang tamang panahon para ma-eksamin ang kaniyang mga ngipin. Kung umiinom pa ng gatas sa bote, nirerekumenda ng mga pediatrician na lumipat na sa paggamit ng “sippy cup”.

Ang mga bote ng gatas, kapagn naiwan ng matagal sa bibig ng bata (tulad kapag nakatulog ito) ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng ngipin dahil sa sugar na nasa gatas. 

Ang iyong anak ay maaaring makaranas din ng pagkagambala sa pagtulog tulad ng mga masamang panaginip, na normal sa edad na ito. 

Mapapadalas marahil ang mga masamang panaginip o nightmares, dahil ang cognitive ability niya ay hindi pa nakakaproseso ng pagkakaiba ng totoo at hindi totoo. Minsan naman ay takot sa dilim, o may sakit na sanhi ng tumutubong ngipin, kaya’t nasasaktan o nasestress. 

Walang bakuna sa buwan na ito. Mabuti pa ring kumunsulta sa  paediatrician para malaman ang mga dapat na bakuna, pati mga bagong dapat makuha ng bata, tulad ng flu shot.

Tips:

  • Palitan ng two percent mula sa whole milk, para mabawasan ang fat intake ng bata.
  • Bigyan ang bata ng maraming pagpipilian na pagkain,at maging mabuting halimbawa din ng pagkain ng masustansiyang pagkain. Kahit ayaw niya sa umpisa, kapag palagi niyang nakikita at nakikita niyang nasasarapan ang mga tao sa paligid niya, gugustuhin niya rin ito.
  • Hayaan siyang makatulog ng sapat na oras (ang bata sa edad na ito ay dapat natutulog ng 14 oras, bawat awar). Ang “downtime” ng pagtulog ay mabuting pahinga para sa aktibong bata, at nakakatulong sa pisikal na development niya. 
  • Tabihan ang bata sa pagtulog o pagpapahinga, kantahan siya, yakapin at kausapin ng mahina at mahinahon, para lang maramdaman niyang siya ay hindi nag-iisa at kasama palagi si Mommy o Daddy na magbibigay ng proteksiyon sa kaniya.

Kailan dapat kumunsulta sa doktor:

Kung ang bata ay:

  • Labis ang pagiging underweight at underheight para sa edad niya.
  • Tinatanggihan ang kaniyang mga pagkain. Ang mapili lang na bata ay kumakain pa rin ng kahit isa o 2 uri ng pagkain.
  • Nagsusuka, o kakaiba ang paglaki ng tiyan pagkatapos kumain.
  • May constipation o madalas na  diarrhea.
  • May itim o brown na patches o kitang-kitang cavities sa ngipin.

 

Tandaan na ang mga bata ay ay kani-kaniyang bilis ng pagkatuto at pag-unlad. Maging mapagmasid pero huwag mag-alala ng labis at nang walang payo ng doktor. 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS-VILLAR