Maraming kaabang-abang na milestones ang mangyayari sa iyong anak ngayong siya ay tatlong taon at apat na buwan na. Basahin at alamin ang development ng 40-buwan na bata sa article na ito.
Kumusta ang iyong anak?
Development ng 40-buwan na bata: Physical
Sa edad na ito, sanay na sanay nang maglakad ang iyong anak pati na din tumakbo at tumalon. Ang pag-akyat at baba sa hagdan ay isa din sa kaniyang paboritong gawin.
Kaya na din niyang magkulay o gumuhit ng mga simpleng hugis, pati na din ang pagpihit para mabuksan ang mga bagay tulad ng bote o kaya ay pinto.
Tips:
- Para mas mahasa ang kaniyang motor skills, turuan siyang magbisikleta upang ma-exercise ang kaniyang mga binti. Hikayatin din siyang tumakbo.
- Para naman sa kaniyang fine motor skills, turuan siyang magbukas ng mga garapon at pinto at gumamit ng gunting. Hikayatin din siyang ipagpatuloy ang pagguhit at pagbuo gamit ang mga blocks.
Kailan dapat pumunta sa Doctor?
- Kung ikaw ay may napapansin na delay sa iyong anak tulad ng hindi pa din niya kaya maglakad,tumakbo o umakyat ng hagdan nang walang tulong.
- Kung ang iyong anak ay hindi pa kayang humawak ng maliliit na bagay
Development ng 40-buwan na bata: Cognitive
Isa sa development ng 40-buwan na bata ay ang pagiging curious. Mas nagiging matanong din siya tungkol sa kanyang paligid tulad ng “Saan galing ang ulan?” at kung ano-ano pa.
Naiintindihan na din niya ang konsepto ng oras, pagkakaparehas at kabaligtaran. Pamilyar na din siya sa mga numero at kulay.
Nagiging matalas na din ang kanyang memorya at kaya na niyang magkwento ang ibang bahagi ng mga kwentong pambata. Kaya na din niyang sabihin kung ano ang title ng isang kwento kapag nabanggit ang mga characters nito.
Tips:
- Maging pasensyoso at sagutin ang tanong ng iyong anak. Ito ang pinakamagandang paraan para siya ay matuto.
- Paglaanan ng oras upang siya ay basahan ng mga kuwento. Hikayatin din siyang ulitin ang ilang mga salita o sitwasyon na nabanggit sa kwento.
- Para mas mahasa pa ang kaniyang cognitive skills, patuloy siyang bilhan ng mga puzzles o bigyan ng mga sorting activities.
Kailan dapat pumunta sa Doctor?
Kung ang iyong anak ay:
- Hindi pa kayang magbilang o kaya ay hindi pa din alam ang tawag sa iba’t ibang mga bagay.
- Walang interes sa kanyang paligid
Development ng 40-buwan na bata: Social at emotional
Sa edad na ito, mas independent na ang iyong anak at natututo na din siyang kontrolin ang kaniyang emosyon. Hindi pa din maiiwasan minsan ang pagliligalig, subalit mapapansin mo na ito ay unti-unti na ding nababawasan.
Kabilang sa mga development ng 40-buwan na bata ang kakayanang mag-solve ng mga simpleng problema, pakikisama sa iba, at pagpapakita ng pagmamahal at pagkalinga sa kaniyang pamilya at kaibigan sa kanyang sariling pamamaraan.
Mahilig din siyang makipaglaro sa ibang bata. Sa pamamagitan nito, mas natututo din siya ng konsepto ng sharing at paghihintay ng kaniyang turn.
Madalas din niyang gayahin ang mga nakatatanda sa kanya sa edad na ito.
Tips:
- Dahil sa malikhaing pag-iisip ng iyong anak sa edad na ito, mapapansin mo na madalas siyang mag-pretend play.
- Hikayatin siyang ipahiram ang kaniyang laruan sa kaniyang mga kalaro.
- Turuan din siya na maging habit ang pagliligpit ng mga laruan pati na din ang pag-ubos ng pagkain.
Kailan dapat pumunta sa Doctor?
- Kung ang iyong anak ay kulang sa self-control o kaya eye contact hanggang ngayon.
- Kapag nakakaranas siya ng extreme separation anxiety o kaya ay hindi interesado makipaglaro sa ibang bata
Development ng 40-buwan na bata: Speech at language
Sa edad na ito, madami ng salita ang alam ng iyong anak. Kaya na din niyang sabihin ang kanyang pangalan, pati na din kung ano ang nangyari sa kaniya maghapon.
Mas nagiging madali na din para sa kaniya na makinig at sumunod sa mga simpleng utos, pati na din sumagot sa mga tanong.
Tips:
- Kumustahin siya at hayaang magkwento ng nangyari sa kanya sa maghapon.
- Turuan siya kung paano ipakilala ang kanyang sarili.
- Hikayatin siyang makipaglaro sa ibang mga bata.
Kailan dapat pumunta sa Doctor?
- Kapag hindi pa din niya kayang bumuo ng isang pangungusap na may tatlong salita.
- Kapag hirap siyang intindihin ang mga simpleng utos o kaya ay madalas pa din maglaway.
Development ng 40-buwan na bata: Kalusugan at Nutrisyon
Ang isang 40-buwan na bata ay nangangailangan ng masustansya na diet upang masuportahan ang kanyang paglaki na makukuha sa: 2 oz ng protein (kasing laki ng 2 kahon ng posporo), 1 tasang prutas, 1 tasang gulay, 2 tasang gatas, at 3oz ng grains araw-araw ayon sa Academy of Nutrition and Dietetics.
Sa edad na ito, ang iyong anak ay may timbang na nasa 10.4-21.9 kg at 91.0 hanggang 110.3 cm na taas.
Siguraduhin din na siya ay may bakuna para sa: Hepatitis B, DPT, MMR, Varicella, Pneumococcal conjugate, Haemophilus influenzae type b, at inactivated poliovirus. Dalhin ang iyong anak sa pediatrician kung wala pa siya ng ganitong bakuna.
Tips:
- Karaniwang sakit sa edad na ito ang ubo, sipon, diarrhea, constipation, chickenpox pati na din ang food allergies. Dalhin siya sa doctor kapag nakaranas ng mga ito.
- Siguraduhin din na ang iyong anak ay may sapat na tulog sa gabi.
Kailan dapat pumunta sa Doctor?
- Kung ang iyong anak ay underweight o maliit para sa kanyang edad, mabuting dalhin siya sa doctor upang matingnan kung ito ay normal lamang.
- Mahina o walang gana sa pagkain pati na din hirap sa pagtulog
- Huwag kalimutan na ang bawat bata ay magkakaiba. Kung ikaw ay nababahala na ang development ng iyong 40-buwan na anak ay delayed, dalhin siya sa doctor at sabihin ang mga iyong mga napapapansin.
*Tandaan na ang mga development ng 38-buwan na bata na nailahad dito ay patnubay lamang. Hindi pare-pareho ang lahat ng bata. Kung ikaw ay nag-aalala sa kalagayan ng iyong anak, huwag mag-atubiling dalhin ito sa kanyang pediatrician.
Lead image courtesy: Shutterstock
Sources: WebMD, WHO, Livestrong, Mayo Clinic
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Marasigan.
Gabay sa nakaraang buwan: 39 months
Gabay sa susunod na buwan: 41 months