Ilang buwan na lang at apat na taon na ang iyong anak. Maaaring siya ay nasa preschool na ngayon o kaya ay iniisip mo na i-enroll na siya. Ano nga ba ang dapat asahan na development ng 44-buwan na bata?
Development ng 44-buwan na bata: Physical
Ang iyong anak ay mahilig nang tumakbo, tumalon, pati na din umikot-ikot. Kaya na din niyang umakyat ng hagdan, magbisikleta, sumipa ng bola at yumuko nang paharap at palikod na hindi natutumba. Dahil sa kaniyang mga physical activities, makakabuti na may nakabantay sa iyong anak upang maiwasan ang anumang aksidente.
Tips:
- Laging hikayatin ang iyong anak sa mga physical activity upang mas madevelop ang kaniyang motor skills.
- Makipaglaro sa iyong anak. Dalhin siya sa park o sa mga lugar na siya ay puwedeng tumakbo, tumalon, umakyat at maglaro.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Ang bawat bata ay magkakaiba at madaming mga bagay ang maaaring makaapekto sa kaniyang paglaki. Kung ang iyong anak ay hindi kasing-lakas o aktibo tulad ng ibang bata, makakabuti na dalhin mo siya sa doctor.
Development ng 44-buwan na bata: Cognitive
Bahagi ng development ng 44-buwan na bata ang pagiging matanong. Sa edad na ito, mapapansin mo na siya ay interesado sa kaniyang paligid. Mabuti na maging pasensyoso at handa upang sagutin ang kaniyang mga tanong.
Sa edad din na ito ay alam na niya ang iba’t ibang kulay at numero, pati na din ang konsepto ng pagkakaiba at pagkakapareho. Kaya na din niyang sumunod sa mga simpleng utos. Mas madali na din niyang maintindihan ang mga kuwento.
Kaya na din niyang pagsama-samahin ang mga bagay na magkapareho ang kulay o hugis. Mapapansin mo din ang kaniyang malikhaing imahinasyon sa kaniyang paglalaro.
Tips:
- Bigyan siya ng mga puzzles na angkop sa kaniyang edad upang ma-stimulate ang kaniyang utak.
- Tanungin siya o hayaan magkwento dahil ito ay nakakatulong sa kaniyang imahinasyon at pagiging malikhain.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hirap sumunod sa mga simpleng utos, kilalanin ang mga kulay at hugis, hindi nagbibigay pansin sa kaniyang kapaligiran, mabuti na dalhin siya sa pediatrician.
Development ng 44-buwan na bata: Social at Emotional
Bahagi din ng development ng 44-buwan na bata ang pagdalang ng kaniyang tantrums. Mas independent na din siya ngayon. Alam na niya ang konsepto ng “akin, kaniya at kanila”. Marunong na din siyang makisama sa kaniyang mga kaibigan. Nagsisimula na din ipakita ng iyong anak ang kaniyang problem-solving skills, pati na din ang iba’t ibang emosyon.
Tips:
- Hayaan ang iyong anak na makipaglaro sa ibang bata.
- Hikayatin siyang ipahiram sa iba ang kaniyang mga laruan at paaalahanan na maghintay ng kaniyang turn.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay ayaw makihalubilo sa ibang bata, makakabuti na dalhin siya sa doctor.
Development ng 44-buwan na bata: Speech at Language
Ang iyong 44-buwan na anak ay may kakayanan nang magsalita ng 250 hanggang 500 na salita. Kaya na niyang sumagot ng mga simpleng tanong at bumuo ng simpleng pangungusap. Nagsisimula na din siyang magkwento sa iyo.
Kaya na din niyang sumunod sa mga simpleng utos kaya puwede mo na siyang bigyan ng mga simpleng gawain sa bahay tulad ng pagliligpit ng laruan.
Tips:
- Basahan siya ng mga kwento upang matuto siya ng iba’t ibang salita.
- Maaari mo din siyang hayaan na magbasa upang maging pamilyar sa mga letra at numero.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hirap magsalita o naglalaway, dalhin siya sa doctor upang malaman kung mayroon ba siyang developmental problem.
Development ng 44-buwan na bata: Health at Nutrition
Ang isang 44-buwan na bata ay maaari nang kumain ng kahit anong pagkain na puwedeng kainin ng mga nakatatanda. Pero dahil sila ay bata, mayroon siyang sariling kagustuhan pagdating sa pagkain. Dahil dito, mahalaga ang balanced diet para sa kaniyang paglaki at development.
Ang iyong anak ay nangangailangan ng 1,200 hanggang 1,500 calories sa isang araw depende sa kaniyang laki at mga gawain. Kailangan niya ng 3-5 ounces ng protein, 1-1½ na tasa ng prutas, 1½ – 2½ na tasa ng gulay, 4-6 ounces ng grains at 2½ tasa ng gatas araw-araw.
Ang normal na timbang ng mga bata sa edad na ito ay 10.4 hanggang 21.9kg at may taas na 91 hanggang 110.3cm.
Huwag kalimutan na itanong sa doctor kung may kailangan bang bakuna sa edad na ito upang maiwasan ang mga sakit. Kadalasan ay inererekomenda nila na bigyan ng Hepatitis B, DPT, MMR, Varicella, Pneumococcal conjugate, Haemophilus influenzae type b, at inactivated poliovirus na bakuna ang mga bata.
Siguraduhin din na may flu vaccine ang iyong anak. Ang mga karaniwang sakit sa edad na ito ay chickenpox, beke, tigdas at trangkaso. Lumayo din sa mga lugar na pinamamahayan ng lamok upang makaiwas sa dengue.
Tips:
- Bigyan ng balanced meal ang iyong anak. Ipakilala sa kaniya ang iba’t ibang pagkain para masanay siya sa lasa at texture ng mga ito.
- Huwag mag-alala kung ang iyong anak ay mukhang maliit dahil ang laki ng isang bata ay nakadepende din sa genetics. Ang mahalaga ay malusog, aktibo at hindi sakitin ang iyong anak.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hindi kumakain masyado at mukhang malnourished, makakabuti na dalhin siya sa doctor upang malaman kung ano ang problema at mabigyan kayo ng payo sa dapat gawin.
Sources: WebMD, Extension.org
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Marasigan
Your child’s previous month: 43 months
Your child’s next month: 45 months