Ang iyong anak ay tatlong taon at siyam na buwan na kaya mas madami na siyang kayang gawin. Ang development ng 45-buwan na bata ay may kaugnayan sa pagiging independent at pakikihalubilo sa iba. Habang tumatagal, malalaman mo din kung ano ang magandang diskarte upang patuloy na matuto ang iyong anak sa ligtas na paraan.
Development ng 45-buwan na bata: Physical
Kaya na ng iyong anak na tumakbo, tumalon, at magbalanse gamit ang isang paa ng ilang segundo. Kaya na din niyang sumalo ng bola.
Mas sopistikado na din ang kaniyang fine motor skills. Kaya na niyang maggupit, magsalin ng tubig o kaya ay mag-mash ng pagkain. May kakayanan na din niyang magbihis mag-isa ngunit may mga pagkakataon pa din na mapapansin mo na baliktad ang kaniyang damit o kaya ay hindi pantay ang mga butones. Normal lamang ang mga ito.
Mga Activities Na Makakatulong Sa Physical Development
- Kaya na ng iyong anak magbisikleta na may tulong ng training wheels. Huwag kalimutan na pagsuotin ng helmet at saka knee at elbow pads ang iyong anak.
- Bigyan ang iyong anak ng mga crayons at papel upang mahasa ang kaniyang kakayahan sa pagguhit at pagkukulay.
- Hayaan ang iyong anak na maghugas ng kamay, magsuklay, magbihis at mag-toothbrush mag-isa. Ipaliwanag sa kaniya ang kahalagahan ng kalinisan.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Mahalagang tandaan na ang bawat bata ay magkakaiba ang bilis ng development. Kaya huwag masyadong mag-alala kung hindi mo pa nakikita sa iyong anak ang mga milestones na nabanggit. Gayunpaman, kung ang iyong anak ay hirap pa din kayang tumalon o magsulat, makakabuti na kumonsulta sa doctor.
Development ng 45-buwan na bata: Cognitive
Bahagi ng development ng 49-buwan na bata ang pagiging independent. Nae-enjoy na niya ang pagbuo ng mga puzzle at naiintindihan na din ang iba’t ibang konsepto tulad ng mga numero (na ang apat na kandila sa cake ay nangangahulugan na apat na taon na ang may kaarawan). Alam na din niya ang iba’t ibang kulay.
Unti-unti na din niyang naiintindihan ang ibig sabihin ng kahapon, ngayon at bukas pati na din ang “pareho” at “magkaiba.” Eto din ang panahon na madami siyang tanong. Habaan ang iyong pasensya at gamitin ang oportunidad na ito upang turuan siya.
Mas lalo din nagiging malikhain ang kaisipan ng iyong anak, na minsan ay hirap siyang paghiwalayin ang imahinasyon sa katotohanan. Isa sa mga halimbawa nito ay ang paniniwala na may halimaw sa ilalim ng kaniyang kama.
Mga Activities Na Makakatulong Sa Cognitive Development
- Ipaliwanag sa iyong anak kung paano gawin ang isang bagay bago mo siya tulungan.
- Bilihan siya ng flash cards pati na din board at card games. Maglaro din kayo na may kahalong pagbibilang o pagsasama-sama ng magkakapareho.
- Alamin ang interes ng iyong anak at suportahan ito. Kung mahilig siya sa mga handaan, hayaan siyang tumulong sa pagkakabit ng dekorasyon. Kung mahilig siya sa mga kwento, bilihan siya ng madaming libro at maglaan ng oras na samahan siyang magbasa.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Gaya ng nabanggit sa itaas, ang bawat bata ay magkakaiba ang bilis ng development. Pero kung napapansin mo na ang iyong anak ay hindi interesado sa pretend play o kaya ay hirap magkwento, makakabuti na sumangguni sa doctor.
Development ng 45-buwan na bata: Social at Emotional
Kahit pa independent na ang iyong 45-buwan na anak, makakabuti na maglaan pa din ng oras para makapag-bonding kayo araw-araw. Patuloy din na gagayahin ng iyong anak ang iyong ginagawa kaya siguruhin na ang iyong ikinikilos ay mabuting halimbawa.
Sa edad din na ito, gustong-gusto niyang makipaglaro sa ibang bata at subukan ang mga bagong bagay. Alam na din niya ang konsepto ng “take turns” subalit may mga pagkakataon na nahihirapan pa din siyang gawin ito.
Alam na din niya ang ibig sabihin ng “akin” at “kaniya” at marunong na din siyang magpahiram ng kaniyang mga gamit.
Mas naiintindihan na din niya ang mga simpleng utos.
Mas nagpapakita na din siya ng iba’t ibang emosyon at unti-unti din niya itong nakokontrol.
Mga Activities Na Makakatulong Sa Socio-Emotional Development
- Dahil maari kang gayahin ng iyong anak, ipaliwanag sa kaniya na ang mga kutsilyo at posporo ay mapanganib at hindi ito laruan.
- Bilihan ang iyong anak ng mga aklat na naaangkop sa kaniyang edad. Maglaan din ng oras para basahan siya ng mga kwento.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hindi namamansin o nakikisalamuha sa ibang bata, o kaya ay hindi sumasagot kapag kausap, mabuti na dalhin siya sa doctor.
Development ng 45-buwan na bata: Speech at Language
Ang bokabularyo ng iyong anak ay nasa 250 hanggang 500 na salita. Kaya na niyang sabihin ang kaniyang pangalan, edad at bumuo ng mga pangungusap. Nagagawa na din niyang magkwento.
Nagagamit na din niya ng tama ang mga panghalip. Saulado na din niya ang mga nursery rhymes at may kakayanang sagutin ang mga simpleng tanong.
Mga Activities Na Makakatulong Sa Speech at Language Development
Makipag-usap lagi sa iyong anak upang mahasa ang kaniyang pananalita. Huwag din kalimutan na maglaan ng oras upang basahan siya ng mga kwento.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hindi pa makapagsalita ng malinaw o kaya ay hirap sumunod sa tatlong magkakasunod na utos, makakabuti na sumangguni sa kaniyang doctor.
Development ng 45-buwan na bata: Health at Nutrition
Ang mga 45-buwan na bata ay may taas na 88.9 hanggang 112cm at 10.8 hanggang 23kg na timbang. Siguraduhin na ang iyong anak ay may tamang nutrisyon, sapat na tulog at ehersisyo.
Nangangailangan ang iyong anak ng 1,200 hanggang 1,400 na calories araw-araw. Kung ang iyong anak ay aktibo, maaring umabot sa 1,600 na calories ang kaniyang kakailanganin.
Kailangan niya ng 4-5 ounces ng grains, 1½ hanggang 2 na tasa ng gulay, 1 hanggang 1½ na tasa ng prutas, 2 hanggang 3 na tasa ng gatas, 3 hanggang 4 na ounces ng karne at beans, at 4 hanggang 5 na kutsarita ng mantika.
Siguraduhin din na ang iyong anak ay umiinom palagi ng tubig upang maiwasan ang dehydration. Maari mong dagdagan ng mga hiniwang prutas o cucumber ang tubig upang mas mahikayat ang iyong anak na uminom.
Karamihan sa mga bata sa edad na ito ay mapili sa pagkain. Kaya mahalaga na ipakilala sa kaniya ang iba’t ibang pagkain para magkaroon siya ng balanced diet. Maari ka din gumamit ng mga cookie cutters para ipanghiwa ng mga prutas at tinapay. Ang iba’t ibang hugis ng mga pagkain ay makakatulong upang mas ganahan siyang kumain.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Bisitahin ang doctor ng iyong anak kahit isang beses sa isang taon. Kung ang iyong anak ay hindi pa pumapasok ng preschool, siguraduhin na mayroon siyang mga bakuna bago siya pumasok sa paaralan.
Walang bakuna na nakatakda ngayong buwan, maliban kung sabihin ng pediatrician.
Kumonsulta din sa doctor kung ang timbang ng iyong anak ay biglang bumaba.
Kung mapapansin mo na ang iyong anak ay maliit kumpara sa ibang bata na kaniyang ka-edad, huwag kalimutan na ang paglaki ng bata ay nakadepende din sa genetics. Pero maaari ka din kumonsulta sa doctor para alamin kung normal nga ba ito.
Laging tandaan na ang bawat bata ay magkakaiba. Pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng iyong anak huwag mag-atubiling kumonsulta sa doctor kung kinakailangan.
Lead image courtesy: Dreamstime
Source: WebMD, Centers for Disease Control and Prevention, Lancaster General Health
Your child’s previous month: 44 months
Your child’s next month: 46 months
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Marasigan