Nagpaplano na ba ng Birthday Party ni baby? Doble na ang likot at doble na rin ang tuwa na dulot ni baby. Ano nga ba ang development ng baby ngayong 11 buwan na siya?
Development ng baby 11 buwan: Physical Development
Marami nang nararating si baby sa loob ng bahay. Naglalakad ito ng nakahawak kay Mommy o sa anumang kasangkapan na mahawakan niya, at masayang nagliliwaliw sa loob ng kuwarto.
Huwag aalisin ang tingin sa naglilikot nang bata, dahil lapitin na ito sa disgrasiya. Mabilis siyang makakaakyat ng silya o hagdan, madudulas at maaaring mauntog, at kung anu-ano pa.
Patuloy ang childproofing ng bahay para sa 11 buwang gulang na bata, kasama na ang mga pagsasara ng may lock ng mga drawer, pinto at cabinet. Itaas o ilayo ang mga mapanganib na kemikal tulad ng bleach at insect spray, dahil kayang mahanap ito ni baby kapag nasa ibaba lamang at madaling mahanap. Takpan din ang mga electrical sockets, o di kaya ay harangan ng mabibigat na cabinet.
Hayaang maglaro at tumuklas ang bata mg paligid niya. Siguraduhin lang na may nakabantay, at ligtas ang paligid sa anumang pwedeng makasakit sa kaniya. Ituro din lkung anong mga lugar ang hindi pwedeng puntahan, tulad ng laundry room, cleaning closet at banyo.
Development ng baby 11 buwan: Cognitive Development
Sa edad na ito, may sarili na siyang personalidad at ugali. Alam niya ang ayaw at gusto niya, at makakaranas siya ng iba’t ibang emosiyon na hindi pa niya nararamdaman dati.
Asahan ding susumpungin ito paminsan-minsan (o madalas) at mag-aalboroto lalo kapag di nasunod ang gusto niya, o may aagaw ng paborito niyang laruan, o kung ayaw niya ng pinapakain sa kaniya. Pag-iyak ang paraan niya ng pagsasabing ayaw niya ang nangyayari o may nararamdaman siyang hindi maganda. Importanteng turuan siya ng tamang disiplina at huwag ibigay ang lahat ng gusto niya dahil mawiwili ito. Hikayatin siyang gamitin ang salita at hindi iyak, kapag may gusto itong sabihin.
Development ng baby 11 buwan: Social at Emotional Development
Mas alam na niya ang nangyayari sa paligid niya. Mapagmasid siya sa kung ano ang ginagawa ng mga tao sa paligid niya, at madalas ay magaling na siyang manggaya ng mga galaw at salita. Mahihilig din siyang makipaglaro sa mga batang ka-edad niya, pero may ibang bata na mas gusto pa ring maglaro nang mag-isa.
Kapag nagbubuwisit si baby, kailangan niya ang disiplina, at huwag magulat kung kaya na niyang makaintindi ng paliwanag, simpleng utos at pakiusap. Turuan din siya ng maayos na social skills at rules na dapat sundin.
Bigyan siya ng mga makukulay na libro para sa kaniyang cognitive development.
Development ng baby 11 buwan: Speech at Language Development
Malamang ay alam na ngayon ng mga magulang kung ano ang “paboritong” salita ni baby—ang “no.” Lahat ay “no” para sa kaniya, lalo na pagdating sa kainan. Ito ang palagi nang maririnig sa kaniya ngayong natututo na itong magsalita nang tuwid at malinaw. Madadalas din ang pag-iyak at pag-hindi kapag oras nang matulog sa gabi o umidlip sa hapon.
Pagbabasa pa rin ang susi sa pagpapayabong ng bokabularyo at communication skills ni baby, kaya’t huwag mawawalan ng libro sa bahay at ugaliin ang pagbabasa sa bata araw man o gabi. Magiliw siyang turuan ng mga simpleng salita, o mga salitang gamit sa araw araw, pati na pangalan ng mga iba’t ibang bagay, tulad ng mga pangalan ng hayop at prutas. Mabilis ang development ng memory at thinking skills ni baby sa edad na ito kaya samantalahin.
Development ng baby 11 buwan: Kalusugan at Nutrisyon
Kaya na ni baby na humawak ng baso (na pang-baby) at uminom ng walang tulong, o kaunting pag-alalay lang. Pagdating sa pagkain, mas mapili siya at maraming tinatanggihan, kaya importanteng ang mahabang pasensiya sa pagpapakain sa kaniya. Huwag magsawang magpatikim sa kaniya ng iba’t ibang uri ng pagkain.
Sapat na nutrisyon ang mahalaga sa panahong ito, kaya’t busugin siya ng prutas at gulay, at iwasan ang asukal at anumang matatamis. Mas malaking problema kapag nasanay siya sa lasang matamis sa edad na ito, kaya iwasan ito hangga’t maaari. Ipagpatuloy ang breastfeeding, o kung ititigil man, ipagpatuloy pa rin ang pagpapainom sa kaniya ng gatas ng ina.
Mga Tips para sa Magulang
Tulungang mapagyaman ang development ni baby sa edad na ito sa pamamagitan ng paghikayat sa kaniya na madiskubre ang paligid niya at pagbibigay ng mga bagay o gawain na makakatulong sa brain development, at kabuuang development niya. Bigyan siya ng mga laruan at bagay na iba-iba ang texture, at makakatulong na matutunan niya ang iba’t ibang hugis ng mga bagay para patuloy niyang maintindihan ang mga konseptong ito.
Kausapin siya palagi at makipaglaro sa kaniya. Iwasan ang anumang screen tulad ng cell phone o tablet, at sa halip ay bigyan siya ng libro at laruan.
Hayaan siyang maglaro, maglakad at maging independent. Iwasan ang puro pagbabawal dahil takot lang ang ituturo nito sa bata. Paminsan-minsan ay hayaan siyang madapa (basta’t alam mong hindi ito malala o makakasakit sa kaniya), o abutin ang isang bagay ng walang tulong mula sa mga matatanda.
Mas mabuti pa ring hayaang nakapaa at walang sapatos o sandalyas si baby, para mas matutong maglakad. Minsan kasi ay mas makakapigil pa ang pagsusuot ng sapatos sa maayos na paglalakad ng bata.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/11-month-old