Nasaan na nga ba ang munting sanggol na hawak hawak dati? Isang taon na siya, at pagkatapos hipan ang birthday candles, ihanda na ang sarili para sa mga bagong milestones ni baby. Anu-ano nga ba ang mga ito?
Magiging abala si baby sa pagtuklas ng sarili niya at ng paligid na ginagalawan niya. Kung naglalakad na siya, mas mabilis pa ang pagtuklas na ito! Ito na ang simula ng isang nakatutuwang taon at mga darating pang mga taon.
Development ng baby, 12 buwan: Physical Development
Sa ika-12 buwan, tipikal na nasa 8 hanggang 10 kg ang magiging timbang ni baby, at nas 70 hanggang 77 cm ang haba o tangkad nito. Huwag mag-alala kung kulang o lagpas sa average na ito ang bigat at laki ng anak. Tandaan palagi na iba-iba pa rin ang bilis ng development ng bawat bata.
Ito rin ang edad kung saan karaniwang nagsisimulang maglakad si baby, kung di pa siya nagsimula bago dito. Kung di pa siya tuluyang naglalakad nang mag-isa, huwag mainip. Kung nagsisimula na siyang magbaybay ng nakahawak sa sofa, silya, lamesa, o kamay ni Mommy at Daddy, siguradong kukunin din niya ang unang hakbang paglaon.
Mapapansin na isa sa paboritong “laro” ni baby ay ang pagkuha ng mga kahon, basket, o anumang lalagyan, at pagkatapos ay pupunuin ito ng kung anu-anong bagay—pagkatapos ay itataob at pagmamasdan kung paano ito nawalan ng laman. Ingatan ang mga wallet o bag na naiwan sa ibabaw ng coffee table, dahil pagdidiskitahan niya ito. Huwag mag-alala dahil ito ay isang marka ng toddler development, lalo na ang cognitive skills.
Makikita na rin ang kamay na palaging ginagamit ng bata, o hand preference niya—kung kaliwete o kanan ang gamit. Makakaya na niyang humawak ng sariling baso, kumain ng gamit ang mga daliri o nagkakamay, at nagsusubok ding magsuot ng sariling tsinelas o sapatos.
Marami na siyang sinusubukan at nadidiskubreng mga laro dahil sa pagkatuto niyang tumayo at maglakad. Tuklas na rin niya ang kayang gawin ng mga kamay at braso kaya’t masaya siyang bumato ng bola, magpagulong ng mga laruang kotse, at umakyat sa sofa o hagdan. Makipagtawanan, kilitian at bigyan si baby ng laruang pwede niyang itulak-tulak, dahil ito ang ilan sa mga pinakaepektibong gawain o laro na makakatulong sa development ng bata.
Sa puntong ito, dapat ang median length at weight ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Length: 75.7 cm (29.8 inches)
– Weight: 9.6 kg (21.3lb) - Babae
– Length: 74.1 cm (29.2 inches)
– Weight: 9.2 kg (20.4lb)
At ang kanyang head circumference ay dapat:
- Lalaki: 46.1 cm (18.1 inches)
- Babae: 44.9 cm (17.7 inches)
Development ng baby, 12 buwan: Cognitive Development
Ang iyong isang taong gulang na anak ay patuloy na tutuklas ng mundong ginagalawan niya sa araw araw. Matututunan niyang mas malaki ang mundo kaysa sa akala niya, at mas maraming kapana-panabik na bagay at gawain na naghihintay sa kaniya. Higit sa lahat, may kakayahan na siyang gawin ang napakaraming bagay.
Kung dati ay ayaw mawalay kay Mommy o Daddy at palagi lang nakakarga, ngayon ay kakawala na ito nang madalas para magliwaliw.
Ito rin ang panahon na mabilis na ang development ng memory niya. Ipakilala na sa kaniya ang detalye ng mga bagay sa paligid tulad ng kulay, hugis at pangalan ng mga ito, at siguradong ikatutuwa niya ang larong ito.
Ang pagtuklas niya ng mundo ay kasama ng pagtuklas niya ng epekto niya at impluwensiyang taglay niya dito. Matututunan niya na ang bawat galaw niya ay may epekto sa paligid niya. Malalaman niya ang maraming bagay na kaya niyang gawin, tulad ng pagsasayaw, pagpalakpak, pagsipa, paglalaro ng kung anu-ano.
Ituturo niya ang mga bagay na nakikita niya at gusto niya, at ipapabatid sa mga nag-aalaga na gusto niya itong kunin. Ito ang simula ng makabuluhang komunikasyon.
Nakakatunaw din ng puso kapag natutunan na niyang kumaway sa iyo kapag nagpapaalam ka, lalo na kapag may kasama pang “flying kiss”.
Development ng baby, 12 buwan: Social at Emotional Development
Ang pagtuklas ni baby ng mundo niya ay exciting, pero nakakatakot din, para kay Mommy at Daddy. Bigyan ng seguridad si baby sa pamamagitan ng paghawak ng kamay, pag-alalay at patuloy na pakikipag-usap sa kaniya, habang tumutuklas siya ng iba’t ibang bagay.
May pagkakataon din na magiging mahiyain na siya at parang ayaw haharap sa tao. Paniguradong iiyak kapag iiwan siya sa mga taong di niya kilala, tulad ng bagong tagapag-alaga, o mga tao sa Day Care o Nursery, kung ipapasok na siya.
Normal ito sa stage na ito ng development niya. Huwag pilitin na makisalamuha sa ibang tao kung umiiyak ito at malinaw na ayaw niya.
Sa kabilang banda, magsisimula na ring makipag-bonding si baby sa mga taong palagi niyang nakikita, maliban kay Mommy at Daddy. Mainam na bigyan siya ng pagkakataon na makipaglaro sa mga batang kasing-edad niya. Kahit parallel play lang o naglalaro lang ng magkatabi, mapapansin na nagsisimula na silang makipagtinginan at magkaron ng eye contact sa ibang bata. Minsan ay iaabot pa niya sa kalaro ang laruan, na parang binabalik para iligpit. Dito na nagsisimula ang pagkakaibigan.
Higit sa lahat, mahilig na siyang humalik at yumakap. Hikayatin siyang maglambing at magpakita ng saya at pagmamahal sa mga tao sa paligid niya.
Habang patuloy ang paglaki, kailangan ni baby ang mga magulang sa kaniyang tabi sa edad na ito. Mas magiging masaya at makabuluhan ang pagkatuto niya kung alam niyang may nakaalalay sa kaniya at hindi siya masasaktan.
Ang sense of independence ng isang bata sa edad na ito ay patuloy na yumayabong na, kaya naman minsan ay asahan ding iiyak kapag di nasusunod ang gusto, at makikita nang nagagalit at nag-aalboroto. Gusto niyang gawin ang mga bagay nang walang tulong, tulad ng kumain mag-isa, humawak ng crayon mag-isa, at kung anu-ano pa.
Hayaan siya, at hintaying lumapit sa iyo o magpatulong, dahil siguradong hihingin niya ang tulong mo paglaon. Tandaan na hindi na siya baby, pero hindi pa rin siya isang malaking bata. Nagsisimula pa lang siyang matuto tungkol sa sarili at sa mundo niya, kaya’t palaging kakailanganin ang paggabay ni Mommy at Daddy.
Natural lang din ang pakikipagtalo at minsan ay pananakit (may mga nangangagat pa nga) ng kapwa batang kalaro, dahil ayaw niyang magpahiram ng laruan o anumang hawak niya. Bahagi ito ng development ng isang toddler.
Sawayin siya at malumanay na kausapin para maisaisip niya na hindi mabuti ang pananakit, at turuan siyang mag-share.
Development ng baby, 12 buwan: Speech at Language Development
Ang memory development ay kailangan sa pagkatutong magsalita. Bagamat walang kakikitaan (o kariringgan) na salita, natututo na ang bata sa isip niya, at malapit na din niya itong gamitin. Pero kahit wala pang nasasabi, tumatatak na ang lahat ng natututunang salita at pangalan ng mga bagay at tao sa murang isip niya. Kasama na dito ang mga gawain at kilos, kaya’t ngayon pa lang ay turuan na rin siya ng tamang asal at mga salitang may paggalang, pati mga simpleng rules at instructions.
Kausapin na siya at pakiusapang tumulong, tulad ng “Pakiabot ang laruang iyon, at ililipit natin” “Pakibalik nga ito sa kahon” o “Paabot ng bola”. Siguraduhing nakatingin sa kaniya at direkta sa mata kapag kinakausap siya. Maraming nakapansin kay Princess Kate Middleton na tuwing kakausapin ang mga anak niyang toddler ay umuupo ito (kung siya ay nakatayo) at ipinapantay ang ulo sa ulo ng bata, mata sa mata. Ganito ang epektibong pakikipag-usap sa mga bata, para mas maintindihan niya ang sinasabi at makita niya ng direkta ang mga mata ng kausap, na dapat niyang kaugalian.
Marami nang nabibigkas na pantig at salita si baby, na may kahulugan sa kaniya tulad ng “mama”, “daddy” o “ball”. Isang masayang gawin para kay baby ngayon ay ang pagsasabi ng mga animal sounds, kaya’t gawin itong laro kasama niya.
May tono na rin ang pagsasalita niya, at nakukuha na niya ang tonong patanong o malingkot o pagulat. Patuloy itong i-modelo sa kaniya.
Gumagaling na ang big muscle movements niya kaya’t makakapaglakad na siya nang hindi natutumba.
Development ng baby, 12 buwan: Kalusugan at Nutrisyon
Labindalawang buwan na siya—isang taon na! Huwag kalimutan ang first dose ng bakunang MMR (measles, mumps at rubella) at booster para sa pneumococcal disease ni baby. Ang mga bakuna para sa measles at diphtheria ay nasa batas.
Simula na ito ng pagiging mapili sa pagkain, at dahil nga naglilikot na siya, bihira siyang mapapaupo sa isang tabi lalo para kumain.
Huwag mag-alala dahil lahat ito ay bahagi ng toddler development. Kakain siya kapag gutom na, kaya’t iwasang magbigay ng ibang pagkain sa gitna ng almusal, tanghalian at hapunan. Huwag pilitin dahil lalo siyang aayaw.
Puwede na ring bigyan siya ng cow’s milk ngayong edad na ito. Pagmasdan lang kung may sintomas ng lactose intolerance. May mga temporary lang na sintomas, pero hinay hinay lang din sa pagpapakilala ng dairy products. Ang keso at yoghurt ang pinakaligtas na ibigay sa kaniya sa edad na ito.
Ang pinakaimportanteng tip sa stage na ito ng toddler development ay ang paghahanda ng phone o camera para makuhanan ang mga milestones ni baby.
Ang kadalasang calorie intake ng mga bata sa ganitong edad ay:
- Lalaki: 776.4 Kcal/day
- Babae: 740.8 Kcal/day
Ang kanilang nutrition intake ay dapat na mahati sa:
- Fruits: 1 serving for boys and girls
- Vegetables: 1/4 cups for boys and girls
- Grains: up to 3 ounces for boys and girls
- Proteins: 25g for boys and girls
- Milk: 20-35 ounces of breast milk or 24 ounces of formula for boys and girls
- Water: 1200 ml for boys and girls
Vaccinations and Common Illnesses
Ang iyong 12 month old child ay dapat may mga vaccine na:
- BCG
- Hepatitis B (1st, 2nd and 3rd dose)
- DTaP (1st, 2nd and 3rd dose)
- IPV (1st, 2nd and 3rd dose)
- Hib (1st, 2nd and 3rd dose)
- Pneumococcal Conjugate (1st and 2nd dose)
- Chickenpox (1st dose)
- MMR – 1st dose: Immunisation against Measles, Mumps & Rubella
- Pneumococcal Conjugate – 1st booster: Immunisation against Pneumococcal Disease
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/toddler-development-12-months