Handa ka na bang pawalan sa mundo ang iyong baby? Ngayon na ang panahon na wala siyang iniindang takot. Ito ang development ng bata na 15 buwan. Tila ngayong buwan, kailangan na ni Mommy at Daddy ng mga mata sa likod ng ulo, at todong pagbabantay sa kanilang little explorer.
15 buwan
Tingnan kung gaano ka-cute si baby, habang siya ay naglalakad—palabas ng pinto! Sino ba ang hindi aatakihin sa puso, habang pinapanood ang parang daredevil na toddler?
Abala si baby sa pagtuklas ng mundo, kaya’t wala siyang sense of danger. Sa isang banda, magandang balita ito, dahil ang ibig sabihin ng kawalan niya ng takot, ay dahil hindi pa siya nakakadama ng pain o matinding sakit.
Maglagay ng mga soft mats at carpet na malambot, o mga foam tiles, para maiwasan ang aksidente. Kailangan mo rin ng ilang calming essential oils para sa sarili.
Development ng bata na 15 buwan: Physical Development
Sa yugtong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Boys
– Length: 79.2 cm (31.2 inches)
– Weight: 10.3 kg (22.7 lb) - Girls
– Length: 77.7 cm (30.6 inches)
– Weight: 9.9 kg (22 lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Boys: 46.81 cm (18.4 inches)
- Girls: 45.66 cm (18 inches)
Kung ang iyong busy explorer ay masayang naglalakad na ngayon, ang lahat ay tungkol sa pagtakas na at kagustuhang tuklasin ang mundo niya.
Ihanda ang sarili (at ang bahay) sa likot at bilis ng bata. Kahit pa naka-strap siya sa stroller o high chair ay makakagawa ito ng paraan na makawala. Kasama na rin ang pagsubok niyang maglakad ng patalikod at pagsampa sa kung saan-saan, kaya may panganib na madapa o matumba palagi. Nariyan din ang pagsampa palabas ng crib, pagtalon sa sofa, at pagtatago sa loob ng cupboards at shelf. Kaya nga dapat nang ipako ang mga shelf sa pader.
Maging abala sa childproofing dahil ito ang importante sa panahong ito.
Wala pa rin siyang sense of direction, kaya’t kung saan-saan babagsak ang mga bolang itatapon niya. Mag-ipon ng maraming pasensiya, dahil kakailanganin ito.
May mga batang bumabalik sa pag-gapang sa edad na ito, dahil lang gusto nila. Walang masama dito, kaya’t huwag mag-alala. Paminsan-minsan lang ito, dahil nakakapagod para sa kaniya ang paglalakad.
Para sa fine motor skills niya, malapit na rin niyang mapaghusay ang pincer grasp. Kapag pinahaak ng crayon, masaya itong magdo-drawing. Bantayan din ito dahil kapag napansin niya ang puting dingding ng sala ninyo, pagkamulat mo ay may “artwork” na siyang naiguhit dito. Turuan siyang mag-drawing sa papel at ipaliwanag (nang paulit-ulit) na hindi dapat mag-drawing sa sahig at dingding.
Mga gawain para sa physical development:
- Maglaro sa labas para sa kailangang vitamin D at sariwang hangin. Maglaro ng bola, tumakbo, maglakad at mag-bike kasama si baby.
- Bigyan siya ng mga malaking crayon para sa pagsasanay ng pincer grip niya. Hindi man Picasso at BenCab ang artwork niya, ang importante ay natututo siyang lumikha at ipakita niya ang naiisip niya, at mahinang din ang mga hand muscles niya.
- Magpatugtog ng mga masasayang musika at makisayaw sa anak. Bonding moment na, nakakapagsanay pa sa balance at gross motor skills ng bata.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi pa naglalakad si baby
- Kung palaging natutumba o nadadapa, at wala pang balanse
Development ng bata na 15 buwan: Cognitive Development
Ang mundo ay isang wonderland of discovery para kay bunso.
Nakakatuwa ang edad na ito dahil dito na magsisimulang mag-identify ng body parts si baby. Susubukan niyang sabihin ang pangalang ng mga ito at ituturo ng may galak kapag alam niyang tama!
Kumanta ng “Head, shoulders, knees and toes” ng magkasama, at magbasa ng mga librong tulad ng “From Head to Toe” ni Eric Carle.
Isa itong oras ng pagtuklas sa kaniya, kaya pangalanan ang lahat ng bagay sa paligid at gawing teaching moment ang bawat oras kasama siya.
Mahilig na rin siyang tumuklas sa pamamagitan ng pagtikim. Sensitibo ang panlasa niya kaya naghahanap siya ng maisusubo palagi.
Mga gawain para sa cognitive development:
- Isang masaya at makabuluhang gawain sa stage na ito ay ang pagdama at paghawak ng iba’t ibang texture at surfaces—malambot, basa, magaspang, malamig, mabalahibo. Bigyan siya ng mga tactile books para tuklasin. Mangolekta din ng mga bagay na meron kayo sa bahay tulad ng steel wool, sponge, mga tela, at kung anu-anong may mga iba’t ibang texture.
- Magbilang ng mga bagay tulad ng libro, baso, kubyertos, mga prutas at kung anu-ano pa.
- Gumawa ng sariling playdough gamit lang ang arina, konting asin, konting cooking oil at tubig, lagyan ng food colour at mayron nang non-toxic at safe na playdough. Maglaro gamit ang ilang action words tulad ng twist, poke, pull, squish, pinch, habang naglalaro ng playdough.
- Patuloy na maglaro ng “Mirror me” at tumuro sa iba’t ibang bahagi ng mukha at katawan para sumunod siya.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi pa rin natututo ang bata na ituro ang mga bahagi ng katawan niya
- Kung hindi napapansin ng bata ang mga pagbabago sa routine at paligid niya
- Hindi nakakagaya ng mga simpleng galaw na ipinapakita sa kaniya
Development ng bata na 15 buwan: Social at Emotional Development
Ikinatutuwa ni baby ang atensiyon na nakukuha niya palagi. Isa sa developmental milestone niya sa ika-15 buwan ay nakikilala na niya ang sarili sa harap ng salamin. Nakakatuwa din para sa kaniya ang pagtingin sa mga litrato, lalo na kung mga pamilyar na tao ang naruon, at ang sarili niyang mukha.
May mga batang nakakalma kapag nakikita ang mga magulang sa litrato, kaya’t makakabuti kung mag-iiwan ng litrato ni Mommy at Daddy, kung papasok sa trabaho o aalis ng bahay.
Hindi pa sanay sa maraming tao ang bata, kaya asahan na kakawala ito kapag kinakarga ng di kilalang tao. Matututo na rin itong manulak at gumapang sa ibabaw ng mga kalarong bata, dahil hindi pa niya tuluyang naiintindihan na nakakasakit na siya. Sawayin siya at pagsabihan pero huwag nang mag-aksaya ng galit.
Ang paglalaro para sa kaniya ay paglalaro ng may katabi lang, pero hindi “nakikipaglaro.” Di magtatagal ay matututo din siyang makipaglaro sa iba.
Mag-ingat sa mga sinasabi at ikinikilos dahil lahat ay gagayahin niya ngayon. Ipakilala din sa kaniya ang mariing “Hindi” o “No” kapag may ginagawa siyang hindi dapat.
Mga gawain para sa socio-emotional development:
Kapag may playdate si baby, hayaan lang ang mga batang maglaro. Mas makakatulong kung hindi makikialam sa gusto nilang laro—dahil nga may bagong tuklas silang independence at self-confidence.
Gawing regular ang mga playdates para mahikayat ang bata na maging sociable.
Huwag asahan na malugod siyang magpapagamit ng mga laruan niya, o matututong mag-share ng walang problema sa edad na ito. Kahit pa isang minuto ay masaya sila ng kalaro, maaaring susunod na minuto ay nag-aagawan na sila ng laruan at nag-aaway. Maging moderator at pag-usapin ang mga batang paslit, pero huwag pagalitan. Ito ang tamang panahon ng pagtuturo na “sharing is caring” na paglaon ay matututunan din nila.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung ang toddler ay hindi gumagawa ng paraan para makuha ang atensiyon ng magulang
- Kung labis ang pag-iyak kapag hindi nasusunod ang gawaing nakatakda, o kapag sinabihang tapos na ang oras para sa isang gawain at dapat nang lumipat sa kabila.
Development ng bata na 15 buwan: Speech at Language Development
Sino ang makakatanggi kapag nagpapakarga ang napa-cute na bunso, na may pinakamatims na ngiti?
Madalas ay gagamit si baby ng mga gestures tulad ng bukas na mga kamay kapag nagpapakarga, o pagtuturo sa ref o pantry, kung gusto niyang kumain.
Hihilahin niya din ang binti ni Mommy kung gusto niya ng atensiyon, itutulak ang mga laruan, o bowl ng pagkain kung ayaw niya nito. Tumugon sa mga “pakikipag-usap” ni baby, at gumamit ng mga salita para matutunan niya ang paggamit ng angkop na pananalita.
Mapapansin ang mga bagong salita na kaya nang bigkasin ni baby. Nakakasunod na rin siya sa mga simpleng instructions. Asahan ang mga pakiusap niyang “Mommy, karga!”
Mga gawain para sa language and speech development:
- Para mahikayat ang pagkatuto niyang magsalita at makipag-usap, kausapin siya palagi. Ayon sa mga pagsasaliksik, gumamit ng pakantang boses at tono para sa mas epektibong pakikipag-usap, dahil mas makikinig at maaalala ito ng bata.
- Kausapin si baby gamit ang buong pangungusap para ito rin ang matutunan ng bata na paraan ng pakikipag-usap. Iparinig din sa kaniya ang mga salitang may paggalang tulad ng “Please” at “Thank you”. Kahit hindi pa niya kayang sabihin ito, matututunan din niya ito.
- Patuloy siyang basahan ng mga libro at makipagkwentuhan pagkatapos para mapagyaman pa ang language at reading skills niya. Dito niya matututunan ang mga bagong salita at gamit nito sa pakikipag-usap.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi pa nakakabigkas ng mga katinig tulad ng “ba, da, ga” o iba pang bokalisasyon para sabihin ang nararamdaman o iniisip niya.
- Kung hindi niya ginagamit ang sariling pangalan, o sumusunod sa simpleng utos o pakiusap.
Development ng bata na 15 buwan: Kalusugan at Nutrisyon
Ang inaasahang timbang na niya sa edad na ito ay nasa 9.2 hanggang 11.5 kg at may tangkad na mula 72.0 hanggang 81.7 cm.
May mga toddlers na kaya nang kumain gamit ang kutsara, nang walang tulong mula kay Mommy o Daddy. Minsan ay kakamayin, at madalas ay makalat, pero sa kabuuan, kaya pa rin niyang kumain mag-isa.
Mag-ingat sa paggamit ng spices at asin, nuts at sesame seeds. Patikimin siya ng mga pagkaing kinakain ninyong mag-asawa, nang paunti-unti lang.
Kung napatikim na siya ng dairy, painumin lang ng full-fat milk at dairy products, hindi skimmed milk. Kailangan niya ng madaming calories para sa likot niya ngayon.
Maghanda ng bote ng tubig palagi. Limitahan ang gatas at fruit juice, at damihan ang tubig na iniinom. Bigyan siya ng mga healthy snacks dahil ang tiyan niya ay maliit pa at kailangan nang patuloy na pagpupuno.
Pakainin siya ng whole grains, protein at prutas at gulay: 3 servings ng whole grain bread, 1 malaking saging, isang tasa ng tinadtad na gulay, 2 kutsara ng nut butter o 2 servings ng karne (1/3 ng sukat ng iyong palad) at 2 servings ng gatas.
Alamin ang mga bakuna niya ngayong buwan na ito, tulad ng pangalawang dose ng MMR (measles, mumps and rubella) at Diphtheria.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
Tandaan na ang development milestones ay nag-iiba-iba sa bawat bata. Kung may mga napapansing delay, huwag mag-atubiling kumunsulta sa doktor.
- Kung walang interes sa pagkain
- Kung ang bata ay laging walang gana, tahimik, lethargic at hindi nagdadagdag ng timbang.
Source: WebMD
Isinalin sa Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/toddler-development-15-months