Siguro ay nabasa niyo sa internet o kaya napanood sa TV ang tungkol sa gluten. Ang gluten ay isang uri ng protein na natatagpuan sa mga pagkain na gawa sa harina. Para sa karamihan ng mga tao, safe kainin ang gluten. Pero tulad ng ibang mga pagkain, may mga taong nagkakaroon din ng allergy sa gluten. Ngunit ayon sa isang bagong pag-aaral, ang pagkain daw ng gluten ay posibleng maging sanhi ng diabetes sa bata.
Paano kaya ito mangyayari? At safe kaya ang pagkain ng gluten kapag nagbubuntis? Ating alamin.
Diabetes sa bata, epekto nga ba ng pagkain ng gluten?
Kung iyong titingnan, halos araw-araw ay kumakain tayo ng gluten. Mula sa pan de sal sa umaga, sandwich sa merienda, pati na ang mga instant noodles na kinakain natin. Lahat yan ay mayroong gluten.
Ang gluten ang nagbibigay ng chewy na texture sa mga pagkain, lalo na ng mga tinapay. Ito rin ay nabibigay ng elasticity sa mga noodles at iba pang pagkain na mayroong harina.
Para sa karamihan ng mga tao, hindi naman masama ang pagkain ng gluten. Madalas ang kailangan lang umiwas dito ay ang mayroong mga gluten allergy, o kaya ang mga may kondisyon na celiac disease.
Ngunit base sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga researcher mula sa US, Denmark, at Iceland, posibleng may kinalaman ang pagkain ng gluten sa pagkakaroon ng Type 1 diabetes sa bata.
Ano ang koneksyon ng gluten sa Type 1 diabetes?
Pinag-aralan nila ang 63,500 na mga ina, at inalam kung gaano karaming gluten ang kinakain nila habang nagbubuntis. Natagpuan nila na mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng diabetes ang anak ng mga madalas kumain ng gluten habang nagbubuntis.
Sinabi ng mga researcher na hindi pa sila sigurado kung epekto nga ba ito ng gluten, ngunit may posibilidad na may kinalaman ang gluten dito.
Kung totoo nga ito, malaking tulong ito para sa kalusugan at sa research tungkol sa Type 1 diabetes.
Ito ay dahil kumpara sa Type 2 diabetes, ang Type 1 diabetes ay hindi nagagamot, at panghabangbuhay itong kondisyon. Kung ang pag-iwas sa pagkain ng gluten sa pagbubuntis ay may epekto sa pagkakaroon ng Type 1 diabetes, malaking tulong ito para sa pagpigil ng Type 1 diabetes.
Dati ay inaakala ng mga eksperto na walang paraan upang makaiwas sa Type 1 diabetes. Pero dahil sa resulta ng pag-aaral na ito, puwedeng alamin kung ano ang papel ng gluten sa pagkakaroon ng Type 1 diabetes.
Ano ba ang Type 1 diabetes?
Ang Type 1 diabetes ay isang uri ng kondisyon kung saan sobrang kulang ang nagagawang insulin ng katawan. Ibig sabihin nito, mahalagang umiwas sa mga pagkain na mayroong mataas na sugar content, at importante sa mga may Type 1 diabetes ang pagturok ng insulin sa kanilang katawan.
Nakakamatay ang Type 1 diabetes kapag napabayaan dahil posibleng sumobra ang sugar sa katawan, o kaya naman ay posibleng bumagsak ito at maging sanhi ng diabetic coma.
Madalas tinuturuan ang mga batang mayroong type 1 diabetes na kumuha ng sarili nilang dugo para sa blood sugar testing, o kaya ay mag-ineksyon ng insulin sa kanilang katawan. Hindi katulad ng Type 2 diabetes na isang lifestyle disorder, walang siguradong paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng Type 1 diabetes.
Source: Daily Mail
Basahin: Mga Food Allergies ng mga Babies