Mula Enero hanggang Setyembre ng taong 2019, 167 na ang naitalang kaso ng diphtheria sa bansa. Sa bilang na ito, 40 na ang namatay. Ito ay makukumpara sa 122 naitalang kaso at 30 namatay nuong nakaraang taon.
Ngunit, ano nga ba ang diphtheria? Alamin sa article na ito ang mga sanhi, sintomas, gamot at paraan para maiwasan ito.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Diphtheria
Ang diphtheria ay ang impeksiyon na naidudulot ng bacteria na Corynebacterium diphtheria. Naaapektuhan nito ang lalamunan at itaas na bahagi ng daanan ng hangin. Dahil sa impeksiyon, nagdudulot ito ng toxins na nakaka-apekto sa iba’t ibang organs sa katawan.
Ang toxins ay nagiging sanhi ng paninigas ng mga dead tissue sa lalamunan at tonsils. Ito ay ang nagiging dahilan para ang may sakit nito ay mahirapang huminga o lumunok.
Sanhi
Ang Corynebacterium diphtheria ay maaaring makuha sa iba’t ibang paraan. Naipapasa ito mula sa:
- Hangin. Kapag ang isang tao ay nagdadala ng nasabing bacteria, maaari itong makahawa sa pag-ubo o pag-hatsing. Kapag ang droplets mula sa ubo o hatsing nito ay mahinga ng ibang tao, ang bacteria ay nakakapasok sa katawan ng iba.
- Mga gamit. Maaari rin makuha ang bacteria sa paggamit ng mga kontaminadong kagamitan. Kadalasan, ang mga ito ay tissue, basong hindi pa nahugasam o bagay na nadapuan ng bacteria mula sa mayroong impeksiyon na ito.
- Kagamitan sa bahay. Bihira mang mangyari, maaari paring maipasa ang bacteria sa mga karaniwang kagamitan sa bahay. Napapabilang dito ang mga tuwalya at mga laruan.
Ang mga nasa panganib na mahawa nito ay mga hindi nakatanggap ng bakuna, mga nakatira sa mataong lugar, at mga nagpupunta sa mga lugar na nagkalat ang nasabing sakit.
Maaari rin itong mapasa sa pamamagitan ng paghawak sa sugat. Ito uri ng diphtheria na nakaka-apekto sa balat. Kinikilala itong skin (cutaneous) diphtheria.
Sintomas
Kung ikaw ay nahawa, makakaramdam ng sintomas 2 hanggang 5 araw matapos makuha ang bacteria. Ang mga sintomas na ito ay:
- Makapal na membrane na kulay grey sa lalamunan at tonsils
- Sore throat
- Pamamaga ng lymph nodes sa leeg
- Hirap o mabilis na paghinga
- Pagkakaroon ng discharge mula sa ilong
- Lagnat at panginginig
Para sa diphtheria na nakaka-apekto sa balat (cutaneous) diphtheria, ang mga sintomas ay:
- Pananakit ng bahagi ng impeksiyon
- Pamumula at pamamaga
- Grey membrane na bumabalot sa mga sugat
May ilan na maaaring makaranas lamang ng kaunting karamdaman kahit pa kapitan ng bacteria. Subalit, hindi man makitaan ng mga sintomas, nakakahawa parin ang mga ito.
Gamot
Ang mga may diphtheria ay kadalasang na-admit para sa paggamot ng sakit. May ilang kaso pa na kinakailangan silang ilagay sa intensive care unit (ICU). Ito ay dahil sa dali ng pagkalat ng naturang bacteria.
Dahil sa panganib na maaaring idulot ng diphtheria, agaran itong ginagamot kapag nasigurado na ang sakit. Maaari itong gamutin sa 2 paraan:
- Antitoxin. Ito ay ini-inject sa ugat o muscles ng mga may impeksiyon. Sa pagtutulungan ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO), mayroon nito sa bansa. Ito ang gamot na pumapatay sa toxins na maaaring kumalat sa mga organs dahil sa impeksiyon.
- Antibiotics. Ang mga antibiotics para sa paggamot ng diphtheria ay maaaring mabili sa mga butika. Ang mga ito ay penicillin, erythromycin, clarithromycin, at azithromycin. Magpasuri muna sa inyong duktor upang malaman ang tamang dosage na iinumin at mabigyan ng reseta para sa mga gamot na ito.
Para sa iba na may tumigas na sa lalamunan o tonsils, maaaring magpatulong sa duktor para tanggalin ito. Kadalasan itong isinasagawa kapag ang mga matigas na membrane ay nakaka-apekto na sa paghinga ng pasyente.
Paraan ng pag-iwas
Tulad ng sa ibang sakit na madaling makahawa ng bata, mayroon ding bakuna para sa diphtheria. Kadalasan, kasama itong ibinibigay sa mga bata sa mga bakuna ng tetanus at tuyong ubo. Para sa mga bata, kinikilala ang bakuna bilang DTap o diphtheria, tetanus and pertussis vaccine. Para naman sa mga masmatatanda, ang bakunang ginagamit ay tinatawag na Tdap.
Sa rekumendasyon ng WHO, 3 beses tinatanggap ang bakunang ito. Ang unang pagtanggap ng bakuna ay dapat maibigay sa sanggol na 6 linggong gulang. Susundan ito ng pangalawang bakuna nang hindi bababa sa 1 buwan mula sa pagtanggap ng nauna.
Matapos ng unang 3 beses, makakabuti ang pagtanggap ng mga susunod na 3 booster shots para masigurado ang proteksiyon ng katawan. Ang unang booster shot ay maaaring ibigay mula 1 hanggang 2 taong gulang. Susundan ito ng pangalawang beses sa pagitan ng 4 hanggang 7 taong gulang. Ang pangatlo ay sa ika-9 hanggang ika-15 taong gulang. Panatilihin ang 4 na taong pagitan sa pagtanggap ng mga booster shots.
Kung naghihinala na nakakuha ng bacteria, makakabuting magpasuri sa inyong duktor. Maaari ka nitong payuhan na uminom ng antibiotics o kaya ay tumanggap ng booster shots ayon sa pagsusuri.
Basahin din: 2-taong gulang namatay sa diphtheria dahil hindi nabakunahan
Sources: WHO, DOH, Mayoclinic