Ospital, gumamit ng water bottles bilang oxygen hood, dahil sa kakulangan ng supply

Narito ang kahanga-hangang paraan na naisip ng isang ospital sa Laguna para masolusyonan ang kakulangan ng supply ng oxygen hoods. Alamin din ang mga tips kung paano makakaiwas sa pagkakaospital dahil sa sakit na pneumonia.

Dahil sa kakulangan ng supply, gumawa ng alternatibong paraan ang Dr. Jose Rizal Memorial Hospital sa Calamba, Laguna para maibigay ang pangangailangan ng kanilang pasyente. Mga water bottles ginawa nilang improvised oxygen hoods para sa mga sanggol na nakaconfine sa ospital.

Ang sistema, disposable water bottles hinati sa gitna saka kinabitan ng oxygen host at saka itinakip sa mukha ng sanggol.

Image from GMA News

Dr. Jose Rizal Memorial Hospital sa Calamba, Laguna

Bagamat tumanggap ng pagbabatikos sa mga netizens ang paggamit ng ospital sa mga water bottles bilang oxygen hoods, nakatulong naman daw ito at nakasagip ng mga buhay.

Sa isang news report sa GMA 24Oras, makikita ang tatlong sanggol na gumagamit ng nasabing improvised breathing status. Ang mga ito daw ay nakaconfine sa ospital dulot ng pneumonia, multiple congenital anomaly at severe dehydration.

Paliwanag ng ospital, napilitan silang gamitin ang mga water bottles bilang oxygen hoods dahil naubusan na sila ng supply. At ito lang ang naisip nilang paraan para mailagtas at maibigay ang pangangailangan ng kanilang pasyenteng sanggol.

Paggamit ng water bottles bilang improvised oxygen apparatus

“Yung time na pong ‘yun kasi po dumagsa po ‘yung pasyente so ‘yung stock po natin na available eh naubos po, so kinailangan po namin mag-decide po na gumawa po tayo ng improvised oxygen hood para po maibigay natin ‘yung tama pong oxygen doon sa mga bata.”

Ito ang pahayag sa isang interview ni Dr.Arnold Cruz, pediatrician on duty sa Dr. Jose Rizal Memorial Hospital.

Pinuri at pinasalamatan naman ng mga magulang ng mga pasyenteng sanggol ang naisip na paraan ng ospital. Dahil kahit daw kulang sa supplies ay ginagawa ng mga hospital staff ang trabaho nila. At ginagawan nila ng paraan para masagip ang buhay ng kanilang mga pasyente.

“Kasi dito sa ospital na ito ma’am kahit sabihin na natin kulang sa mga oxygen kagaya ng oxygen na yan nagagawan pa rin nila ng paraan”. Ito ang pahayag ni Tina Tolentino, ina ng isa tatlong sanggol na gumagamit ng water bottles bilang oxygen hood.

Para naman kay Marjorie Canaco, nakakatulong na improvised oxygen apparatus para hindi mangitim ang kaniyang anak.

Dahil sa kakulangan ng supplies

Ayon naman sa Local Government Unit ng Calamba, ang kakulangan ng medical supplies na nararanasan ng Dr. Jose Rizal Memorial Hospital ay dahil sa dengue outbreak na kinahaharap ng bansa.

Samantala, ayon naman sa head ng Dr. Jose Rizal Memorial Hospital, ito rin daw ay epekto ng pagkakadelay ng delivery ng mga medical supplies sa kanilang ospital.

“Syempre nauubusan po tayo ng mga supply… tulad po sa ngayon medyo nasa alanganing oras tayo kasi nasa 3rd and 4th quarter na po tayo so ang iba pong mga supply ay pag minsan ay hindi pa dumarating.”

Ito ang pahayag sa isang interview ni Dr. Ignacia Flores, head ng Dr. Jose Rizal Memorial Hospital.

Noong nakaraang taon, isang district hospital sa Pampanga din ang gumamit ng parehong improvised breathing apparatus sa isang sanggol matapos masira ang incubator na gamit niya.

Ang kakulangan sa supplies at equipment na nararanasan ng Dr. Jose Rizal Memorial Hospital sa Calamba, Laguna ay isa lang sa marami pang problemang kinakaharap ng mga primary hospitals sa bansa.

Samantala, para maiwasan ang pagkakaospital ng iyong anak dahil sa pneumonia. Narito ang mga paraan para makaiwas sa nakakahawang sakit.

Ano ang sakit na pneumonia?

Ang pneumonia ay ang impeksyon sa isa o parehong lungs ng isang tao. Dahil sa sakit ay nagkakaroon ng inflammation sa air sacs ng lungs na kung tawagin ay alveoli. Kapag may pneumonia ay napupuno ng liquid o pus ang alveoli na nagiging dahilan para mahirapang huminga ang taong may taglay ng sakit.

Madalas ang pneumonia ay dulot ng mga bacteria at virus na maaring dahil din sa fungi na nakukuha sa kapaligiran.

Ang viral at bacterial pneumonia ay nakakahawa. Ito ay maaring maikalat sa pamamagitan ng inhalation ng airborne droplets mula sa atsing o ubo ng isang taong mayroon nito. Ngunit, kung ang pneumonia ay dulot ng fungi na nakuha sa kapaligiran, hindi ito maililipat o maihahawa ng taong mayroon nito sa iba.

Sintomas ng pneumonia

Ang mga sintomas ng pneumonia ay maaring maging life-threatening o mild lang. Ang common symptoms ng pneumonia ay ang sumusunod:

  • Pag-ubo na may kasamang plema o mucus
  • Lagnat, pagpapawis at panginginig ng katawan
  • Hirap sa paghinga
  • Pananakit ng dibdib

Samantala ang iba pang sintomas ng pneumonia ay maaring mag-iba depende sa sanhi at severity ng infection. Naiiba din ang sintomas ng pneumonia depende sa edad o general health ng taong makakaranas nito.

Para sa mga batang 5 taong gulang pababa ay maaring makaranas ng mabilis na paghinga kapag may sakit na pneumonia.

Ang mga baby naman ay maaring makaranas ng pagsusuka, kawalan ng energy at hirap sa pagdede o pagkain. Habang ang mga matatanda naman ay maaring magkaroon ng mas mababang body temperature kumpara sa normal.

Paano makakaiwas sa pneumonia

Para naman makaiwas sa sakit na pneumonia ay tandaan ang mga sumusunod:

  • Kung naninigarilyo ay itigil na ito dahil mas nagpapataas ito ng tiyansa ng pagkakaroon ng pneumonia
  • Maghugas ng kamay ng regular gamit ang tubig at sabon
  • Takpan ang bibig sa tuwing uubo o babahing, at itapon agad ang mga tissues na gamit.
  • Umiwas sa mga lugar na maaring makunan ng virus tulad sa ospital. Iwasan narin muna ang mga taong may sakit na maaring makahawa.
  • Mag-maintain ng healthy lifestyle para mapalakas ang iyong immune system. Magpahinga o matulog ng sapat na oras, kumain ng healthy diet at mag-exercise.

Samantala, ang pneumonia ay malulunasan sa pamamagitan ng antibiotic, antiviral at antifungal drugs na inireresta ng doktor. Maari rin itong magdagdag ng cough medicine para maalis ang plema sa iyong baga.

 

Source: Healthline, GMA News

Basahin: Baby na walang bisita sa ospital sa loob ng 5 buwan, inampon ng isang nurse