Ehersisyo para sa bata, alamin ang mga ehersisyong makatutulong para lumaking matalino ang iyong anak.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Kahalagahan ng ehersisyo para sa bata – ang bagong pag-aaral.
- Iba pang benepisyo ng pag-eehersisyo sa mga bata.
Talaan ng Nilalaman
Kahalagahan ng ehersisyo para sa bata – ang bagong pag-aaral
Alam mo ba ng ang pag-eexercise ay nakakatulong para tumalino ang iyong anak? Alamin dito ang kahalagahan ng ehersisyo sa mga bata.
Bilang magulang, nais nating lumaking malakas, malusog at matalino ang ating anak.
Binibigyan natin sila ng masusustansyang pagkain, mga bitamina, at maging mga laruan at libro para masigurong napapalakas natin ang kanilang katawan at isipan.
Subalit mayroong isang bagay na madalas nating makaligtaan na makakatulong sa ating anak, lalo na sa panahon ngayon – ang pag-eehersisyo.
Ano ang maitutulong ng pag-eehersisyo sa iyong anak?
Maraming naitutulong sa mabilis at maayos na paglaki ng ating anak ang regular na pag-eehersisyo, hindi lang sa kanilang pangangatawan kundi pati na rin sa kanilang pag-iisip.
Marami nang mga pag-aaral na lumabas noon na nag-uugnay sa pag-eehersisyo sa brain development o pagiging matalino ng isang bata. Pero karamihan sa mga naunang pag-aaral na iyon ay patungkol sa mga batang may edad na 6 pataas.
Subalit kamakailan lang ay may lumabas na bagong pag-aaral na nagpapatibay ng kahalagahan ng ehersisyo para sa bata.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakasentro ang pag-aaral na ito sa mga batang may edad na 4 hanggang 6.
Paano isinagawa ang pag-aaral na ito?
Ang mga bata ay sumailalim sa isang timed test kung saan sila ay gumagawa ng isang cardio respiratory fitness activity, pagkatapos ay binigyan ng mga kasunod na pagsusulit na sumusukat sa kanilang brain function.
Napansin sa resulta na ang mga bata na mas matagal ang nagawang exercise ay nakakuha ng mas matataas na marka sa mga pagsusulit na may kinalaman sa kanilang cognitive function o kakayahang umintindi.
“Preschool children with higher estimated cardiorespiratory fitness had higher scores on academic ability tasks related to general intellectual abilities as well as their use of expressive language,” ayon kay Shelby Keye, na siyang nanguna ng pag-aaral na ito.
Pinatibay nito ang mga dating pag-aaral na nag-uugnay sa ehersisyo sa brain development ng isang bata, at ipinakita na totoo ito maging sa mga maliliit na batang nasa preschool age.
Iba pang benepisyo ng pag-eehersisyo sa mga bata
Bata man o matanda ay pinapayuhan na mag-exercise. Ito ay dahil marami itong magandang maidudulot sa ating katawan.
Ito ay lalo pang nakatutulong sa mga bata, na nagde-develop pa lang ang katawan at isipan.
Ayon sa mga pag-aaral, narito ang ilang mabubuting epekto ng ehersisyo sa mga bata:
-
Lumalakas ang pangangatawan
Ang regular exercise ay makakatulong sa paglakas ng buto, baga at puso ng mga bata. Pinagaganda rin nito ang ating blood flow na kailangan para gumana ng maayos ang lahat ng bahagi ng ating katawan, lalong lalo na ang ating utak.
Ang pag-eehersisyo habang bata ay makakatulong din para maiwasan nila ang mga sakit tulad ng high blood, sakit sa puso at diabetes sa kanilang pagtanda.
-
Mas mataas na attention span
Lagi bang nakatulala at parang lumilipad ang isip ng iyong anak? Subukang dagdagan ang kanyang ehersisyo at makikita mo na mas magiging alerto siya at makakapag-focus sa kaniyang mga gawain.
-
Mas magandang mood
Kapag ang isang tao ay nag-e-exercise, naglalabas ang utak ng cortisol, isang chemical na lumalaban sa stress at nakakasamang epekto nito. Dahil rito, nagiging mas masigla at masayahin ang isang bata kapag siya ay nag-eehersisyo.
-
Mas mahimbing na tulog
Nagtataka ka ba kung bakit pinapagod sa laro ang isang bata para makatulog?
Ang regular na pag-e-exercise ay nakakatulong din para mas mabilis makatulog ang mga bata. Gayundin, mas mahimbing ang tulog ng mga batang nag-eehersisyo.
Isang epekto ng magandang tulog at sapat na pahinga ay pagkakaroon ng mas mataas na memorya.
-
Tumitibay ang kaniyang buto
Ang pag-eehersiyo ng iyong anak ay makakatulong upang lumakas at tumibay ang kaniyang mga buto.
-
Nakakatulong ito sa kaniyang heart at lungs
Makakatulong din ang pag-eehersisyo sa pagkakaroon ng malusog na puso at baga. Sa ganitong paraan, makakaiwas ang iyong anak sa mga sakit dahil healthy ang kaniyang heart at lungs.
-
Makakaiwas sa obesity
Ang pagkakaroon ng regular na ehersiyo para sa mga bata ay makakatulong upang makaiwas siya na maging obese or overweight. Kapag kasi overweight ang isang bata ay maaaring magdulot ito ng iba’t ibang sakit katulad na lamang ng type 2 diabetes.
Ehersisyo para sa bata – gaano kadalas?
Para sa matatanda at mga batang may edad 6 pataas, kailangan ng hindi bababa sa 60 minuto ng physical activity sa isang araw.
Para naman sa mga batang may edad na 2 hanggang 6, kailangan ng hindi bababa sa 30 minuto ng exercise sa isang araw, at 60 minuto ng free-play kung saan malaya silang maglaro at magkikikilos.
Ang anak mo ba ang hindi mapakali na parang kitikiti? Hayaan mo lang. Importante ang paggalaw sa mga bata. Hindi dapat sila maging sedentary ng higit sa isang oras puwera na lang kapag natutulog.
Kaya kung isang oras nang nakatitig sa gadget ang iyong anak, kailangan mo na siyang hikayatin na tumayo at gumalaw-galaw. Hikayatin siyang gumawa ng mga activities sa bahay. Maaring ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniya ng mga gawaing-bahay. Tulad ng pagwawalis, paglalampaso ng sahig at paglilinis ng bintana o kaniyang mga laruan. Ang mga activities na ito makakatulong para maigalaw-galaw niya ang kaniyang katawan.
Mga ehersisyong maaari niyong gawin
Ayon sa pag-aaral, ang paggawa ng cardiorespiratory activities ay nakakatulong na maging matalino ang iyong anak.
Ang cardiorespiratory exercises ay mga uri ng ehersisyo na nagpapabilis ng tibok ng puso at pagdaloy ng dugo sa ating katawan.
Narito ang ilan sa mga cardiorespiratory activities na pwedeng gawin ng mga bata:
- Pagsasayaw
- Walking o pagtakbo
- Pag-akyat ng hagdan
- Paglalaro sa playground (kung may malapit at ligtas na palaruan)
- Mga sports tulad ng basketball o soccer (pag-dribble, pagsipa o pagsalo ng bola)
- Jumping rope o jumping jacks
- Pagbibisikleta
- Swimming
Sa panahon ngayon, isa sa mga hamon sa ating mga magulang ay kung paano natin maeengganyo ang ating anak na mag-ehersisyo sa kabila ng mga limitasyon (sa lugar) at sa kanilang pagkahumaling sa gadgets.
Ang solusyon – gawin itong masaya para sa kanila. Huwag silang pilitin at sa halip, gawin itong parang laro.
Pwede namang mag-exercise sa loob ng bahay. Pwede maglaro ng habulan sa inyong bakuran, o sumunod sa isang dance tutorial sa YouTube. Siguruhin lang na walang mga balakid sa inyong paglalaro para makaiwas sa mga aksidente.
Samahan mo rin ang iyong anak sa pag-eehersisyo. Hindi mo lang siya matutulungang maging malakas at matalino, makakapag-bonding pa ang buong pamilya. Sa ganitong paraan ay mas nagiging malapit kayo sa isa’t-isa. Kaya naman hindi lang ang katawan nila ang nagiging healthy. Kung hindi nagiging healthy rin ang relasyon ng inyong pamilya.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.