Para sa karamihan ng mga ina, mas gugustuhin pa nila ang pagkakaroon ng natural birth kumpara sa C-section. Ito ay dahil mas mabilis ang recovery sa natural birth, at hindi na kinakailangan pa ng mga dagdag na gamot at procedures. Ngunit may mga pagkakataon na inirerekomenda ang C-section, lalo na kung kailangan ng emergency C-section upang masagip ang buhay ng sanggol at ng ina.
Kaya gayun na lamang ang panlulumo ng mag-asawang Alison at Justin Clark, mula sa UK. Ito ay dahil pinaabot pa ng sobrang tagal ang labor ni Alison, na naging dahilan upang magkaroon ng nakamamatay na impeksyon ang kanilang sanggol na si Sebastian.
Nakakasagip ng buhay ang emergency C-section
Ayon kay Alison, namatay raw ang kanilang sanggol dahil sa isang infection, na naiwasan sana kung agad na nailabas si Sebastian sa kaniyang sinapupunan. Aniya, nang malapit na raw siyang manganak ay binigyan siya ng tinatawag na “sweep” o isang procedure para bumuka ang kaniyang cervix. Normal na itong bahagi ng panganganak, at nakakatulong ito para bumilis ang labor.
Matapos ang isang araw, bumalik ulit sila sa ospital, at napag-alaman na mayroong excretions raw ang sanggol na nahalo sa amniotic fluid ni Alison. Ibig sabihin raw nito ay in distress ang sanggol. Ngunit binalewala lamang ito ng ospital. Tinanong raw ng mag-asawa kung kinakailangan ng C-section, ngunit sabi ng ospital na hindi raw.
Nagtiwala sila sa ospital, dahil siyempre, sila ang mga eksperto sa pagpapaanak. Ngunit kinagabihan, binigyan ulit ng isang sweep si Alison, at doon na nagsimulang magkaroon ng problema. Nilagnat raw si Alison, at tumaas ang heart rate ni Sebastian. Ngunit nagpatuloy lang ang ospital, at hindi pa binibigyan ng C-section si Alison.
Nang umabot na sa mahigit 24 oras ang labor ni Alison, ay nagsimula na siyang mag-alala. Ito ay dahil napag-aralan niya sa prenatal classes na posibleng magkaroon ng impeksyon ang sanggol kapag ganitong katagal na ang labor. Nagtanong ulit si Alison sa ospital kung kinakailangan na niyang sumailalim sa C-section, ngunit sinabi ng ospital na hindi raw kinakailangan.
Kahit raw may impeksyon na si Alison at Sebastian ay tumanggi pa rin magbigay ng C-section ang ospital. Ngunit pagtagal ay nanganak rin si Alison. Ngunit sa puntong ito, malala na ang impekson ni Sebastian. Bukod dito, nagkaroon na rin ng sepsis si Alison dahil sa nangyari.
Nagkaroon pa sila ng kaunting pag-asa
Buhay pa si Sebastian noong siya ay naipinanganak. Agad-agad siyang dinala sa isa pang ospital upang matingnan ng mga espesyalista. Ngunit sa kasamaang palad, kahit na ginawa ng ospital ang lahat ng kanilang makakaya, namatay rin si Sebastian pagkatapos ng apat na araw.
Umasa pa raw ang mag-asawa, dahil nakita nilang maraming kung anu-anong mga equipment ang nakakabit sa kanilang anak. Inakala nilang sapat na ang mga ito upang masagip si Sebastian, ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana.
Dahil sa nangyari, nagsama ang mag-asawa ng reklamo laban sa ospital. Ito ay dahil sa paulit-ulit na pagtanggi sa request nilang magkaroon ng emergency C-section. Ayon sa mga medical report, ang napakahabang labor ni Alison ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng impeksyon ang sanggol. Kung mas maaga lang sana siyang naipanganak ay baka buhay pa si Sebastian.
Matapos ang pagkamatay ng kanilang anak, inuudyok nila ang mga magulang na huwag balewalain ang kaligtasan ng kanilang mga sanggol. Kung sa tingin nila ay makakatulong ang pagkakaroon ng emergency C-section, ay ipilit raw nila ito sa mga doktor. Mas mabuti nang maging maingat kaysa ilagay sa panganib ang buhay ng mga sanggol.
Source: Daily Mail
Basahin: Neri Naig opens up about her emergency C-section
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!