Emergency kit list na dapat ihanda sa COVID-19 community quarantine.
Kabi-kabila ang lockdown o community quarantine na isinasagawa hindi lang dito sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa ibang bansa. Dahil ito lamang ang isa sa mga paraan upang makontrol ang pagkalat ng sakit. Bagama’t may mga parte ng bansa na hindi pa nagpapatupad ng community quarantine mabuting maging handa na rin sa oras na mangyari na ito.
At ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng emergency kit na hindi lang magagamit laban sa banta ng COVID-19, kundi pati na rin sa iba pang uri ng kalamidad at sakuna.
Emergency kit list laban sa COVID-19
Ang mga dapat na laman ng iyong emergency kit list laban sa COVID-19 ay ang mga sumusunod:
1. Tubig
Isa sa paraan upang makaiwas sa sakit ay ang pagpapanatiling well-hydrated sa ating katawan. Kaya naman mahalagang mag-imbak tayo ng malinis na inuming tubig.
Mabuti ring mag-imbak ng tubig na maaring gamiting panligo o panghugas ng plato. Maari itong magamit sa oras na biglang maputol o mawalan ng koneksyon ng tubig sa inyong lugar.
Para sa inuming tubig, mabuting maglaan ng 2 litro ng tubig sa kada miyembro ng inyong pamilya.
2. Pagkain
Dapat ding mag-imbak na ng pagkain sa ref tulad ng karne, isda, prutas at gulay. Ito ay upang hindi na kailangang magpunta pa sa palengke kung saan mataas ang tiyansang mahawa ka sa virus.
Mag-imbak na rin ng mga hindi agad napapanis o nabubulok na pagkain tulad ng pasta, rice cereal, canned goods, crackers, dried fruit at dry goods tulad ng tsaa, asukal at kape. Lalo na ang bigas na isasaing na hindi dapat nawawala sa bawat meal o pagkain ng mga Pinoy. Pati na ang mga pampalasa ng pagkain tulad ng suka, toyo at asin.
Dapat ding siguraduhin na ang i-iimbak na pagkain ay sapat para sa bawat miyembro ng pamilya. Mainam ding magtabi ng canned juice o sweet candies para sa hypoglycemia.
Para sa may mga alagang hayop, dapat ding magtabi na ng pet food na tatagal ng ilang linggo o hanggang matapos ang community quarantine.
3. Basic medical supplies
Dapat ding maghanda ng basic medical supplies na dapat gamitin sa oras na makaramdam ng sintomas ng COVID-19. Tulad ng over-the-counter na mga gamot para sa lagnat, sipon at ubo. Kung may sakit ay dapat na maghanda ng isang buwang supply ng prescription medicine. Upang hindi na kailanganin pang bumili sa pharmacy na maaring maging dahilan upang ma-expose sa virus.
Para naman sa may kasamang bata o anak na nagbe-breastfeed pa, mabuti ring mag-stock na ng gatas o infant formula. Ganoon din ang pagtatabi o paghahanda ng equipment para sa person with disabilities.
Mahalaga rin na mayroon kang first aid kit na nagtataglay ng benda, gasa, antiseptic swabs, disposable scissors, gloves at iba pa.
4. Cleaning at hygiene supplies
Ayon sa mga health experts, ang pangunahing paraan upang makaiwas sa coronavirus ay sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay. Kaya naman mahalaga na may sapat na stock ng sabon at iba pang cleaning at hygiene supplies ang iyong COVID-19 emergency kit list.
Ang iba pa ngang dapat ihanda na cleaning at hygiene supplies ay ang sumusunod:
- Antibacterial soap
- Toothbrushes
- Toothpaste
- Alcohol-based hand sanitizer o alcohol
- Sanitary napkins para sa mga babae
- Diapers para sa mga baby
- Tissue o alcohol-based wipes
- Disinfectants tulad ng Lysol at Chlorox
- Detergent powder
5. Emergency na kagamitan
Mabuti ring maghanda ng mga gamit na kakailanganin kung sakaling magkaroon ng emergency tulad ng mga sumusunod:
- Flashlight
- Pito o whistle
- Mga posporo, lighter, o kandila magagamit ito sa oras na magka-brownout. (Huwag gumamit ng posporo o kandila kung may posibilidad na may gas leak. Mayroon ding mabibiling waterproof matches sa iba’t ibang tindahan.)
- Radio transistor na may ekstrang baterya o kaya self-powered (Ito ay para ma-monitor ang balita)
Dapat ding may listahan ka ng numero na dapat tawagan sa oras na may malaman kang maaring positibo sa coronavirus disease sa inyong lugar. O ang tamang ahensya o opisina na dapat hingan ng tulong sa oras na makaramdam ka ng sintomas ng virus. Ang mga sintomas ng COVID-19 ay lagnat, sipon, ubo at hirap sa paghinga.
6. Mga importanteng dokumento
Mainam rin kung ihahanda na ang mga importanteng dokumento na maari mong gamitin sa oras ng emergency. Tulad nalang ng passport, birth certificates, marriage contract, insurance certificates, land titles at iba pa.
Ihanda narin ang lista ng mga importanteng impormasyon na iyong kakailanganin tulad nalang ng iyong SSS at Phihealth number. Mahalaga ang iyong Philhealth number at ID para makakuha ng mga benepisyong pangkalusugan sa panahong ito.
Para sa mga baby at bata, mabuti ring ihanda ang kanilang vaccination records. Itabi narin ang mga medical records at reseta para sa may mga iniinom na maintenance medicine.
Pagsama-samahin ito sa isang lalagyan upang mas madaling kunin kung kakailanganin.
7. Cash, ATM at prepaid cards
Higit sa lahat ay dapat may nakatabi kang pera na iyong magagamit kung may kailangang bilhin. Makakabuti ang pagtatabi ng cash upang hindi mo na kailangan pang pumunta sa bangko at ma-expose sa virus. Ngunit siguraduhin rin na madaling makita o makuha ang iyong ATM cards sa oras na kailangang mag-withdraw ng pera. Magtabi narin ng prepaid cards na iyong magagamit sa pagloload ng iyong cellphone. Upang masigurong mayroon kang means of communication anuman ang biglang mangyari sayo o sa iyong pamilya.
Sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease sa bansa ay mabuti ng mag-doble ingat. Maging handa at sumunod sa mga ipinatutupad ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng sakit. I-praktis ang social distancing at iwasang lumabas ng inyong bahay hangga’t maari. Sa ganitong paraan ay mapoprotektahan mo ang iyong sarili pati ang iyong pamilya.
SOURCE: TheAsianparentPhilippines, TricityNews
BASAHIN: Code red sublevel 2 at iba pang alert levels, anong ibig sabihin?