Mga mommy, huwag agad maniniwala sa mga viral post lalo na kung maaapektuhan nito ang kalusugan niyo. Basahin dito kung may epekto ba ang COVID-19 vaccine sa breast milk.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanggol na namatay matapos magpabakuna ng COVID-19 vaccine ang nanay, totoo ba?
- Mayroon bang epekto ang COVID-19 vaccine sa breast milk?
- Mga breastfeeding moms, ligtas bang magpabakuna?
Ngayong dumating na ang mga bakuna laban sa COVID-19 sa bansa, hinihikayat na ang mga mamamayan na magparehistro at magpabakuna. Malaki ang maitutulong ng COVID-19 vaccine para maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang sakit at mga komplikasyon mula sa virus na ito.
Subalit sa kasamaang palad, mayroong mga taong natatakot pa ring magpabakuna dahil sa mga balitang nakikita o nababasa nila sa social media. Tulad na lang ng balita tungkol sa isang sanggol na namatay matapos magpabakuna ng kaniyang ina.
Baby na namatay matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang nanay – fake news
Noong Marso, umikot sa internet ang balita na mayroon umanong namatay na sanggol matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang kaniyang ina. Dahil rito, maraming haka-haka ang nabuo na nagsasabing hindi pa napag-aralan ng maigi ang mga bakuna at hindi ito ligtas.
Sa Facebook, mayroong isang user (hindi ipinakita ang pangalan) na nagpakita ng larawan ng isang batang puno ng rashes ang tiyan.
Kasabay ng larawan na ito ay katanungan ng isang lola na nagsasabing ito umano ang nangyari sa kaniyang apo makalipas ang isang araw na mabakunahan ang nanay.
Isa namang Facebook user na nagngangalang Caitlyn RN ang nag-comment sa post na ito at sinabing nangyari ito sa isang babaeng nagngangalang “Lyndsi”, at namatay nga umano ang sanggol nito.
“Lyndsi received her second dose last Wednesday. Thursday her breastfed baby was covered in a head to toe rash. By that night he was inconsolable and declining so they went to the ER. Baby was diagnosed with thrombotic thrombocytopenic purpura and elevated liver enzymes. He was hospitalized and began various treatments but continued to decline. He passed away last night.”
(Translation: Natanggap ni Lyndsi ang kaniyang second dose ng bakuna noong Miyerkules. Kinabukasan, Huwebes ang kaniyang baby na breast fed ay nagkaroon ng rash sa buong katawan. Kinagabihan na ng baby ang gatas ng ina kaya naman pumunta sila sa ER. Na-diagnose ang baby na mayroong thrombotic thrombocytopenic purpura at tumaas ang liver enzymes nito. Na-ospital ang baby at nagsimulang magkaroon ng treatment pero tinatanggihan ng bata ang gamot niya. Namatay ito kagabi.)
Subalit ayon sa Snopes.com, isang fact-checking website na naglalayong pabulaanan ang mga kumakalat na fake news sa internet, hindi napatunayan na totoo ang balitang ito.
Ayon sa ulat, kulang ang mga detalye sa post na ito at hindi rin ibinigay ang buong pangalan ng ina at kung saang ospital ito nangyari. Wala ring ipinakitang death certificate ang poster at iba pang impormasyon tungkol sa bata at sa kaniyang sakit.
Inalam rin ng Snopes mula sa Food and Drug Administration (FDA) ng U.S. kung may katotohanan ang balitang ito. Sapagkat sila ang nagtatala ng mga kaso ng adverse effects sa Covid-19 vaccine. Ayon sa FDA at Centers for Disease Control and Prevention (CDC), walang naitalang anumang record ng sanggol na namatay dahil sa pagtanggap ng bakuna ng kaniyang ina noong Marso.
Epekto ng COVID-19 vaccine sa breast milk
Dahil sa mga maling balita, nadadagdagan ang mga taong takot magpabakuna. Subalit, mayroon nga bang basehan ang kanilang paniniwala? Mayroon bang epekto ang COVID-19 vaccine sa gatas ng isang ina?
Sa pinakahuling data mula sa CDC at FDA, napag-alamang walang dapat alalahanin ang mga buntis at kanilang mga sanggol kaugnay sa COVID-19 vaccine.
Gayunpaman, sinabi ng CDC na limitado ang data na nagpapakita ng epekto ng COVID-19 sa breast milk. Sapagkat hindi sila kabilang sa mga populasyon na sumali sa clinical trials ng mga naunang vaccine.
Bagama’t kulang ang impormasyon tungkol sa kaligtasan ng breast milk kaugnay sa COVID-19 vaccine. Ayon pa rin sa CDC, kung pagbabasehan kung paano dumadaloy ang gamot sa ating katawan. Wala namang nakikitang risk dito para sa mga breastfeeding moms at sa kanilang mga sanggol.
Sa katunayan, mayroon pag-aaral na nagsasabing naipapasa raw sa sanggol ang mga antibodies mula sa Covid-19 vaccine sa pamamagitan ng breast milk.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Journal of the American Medical Association noong April 2021, mayroong antibodies na lumalaban sa COVID-19 ang nakita sa gatas ng ina. Matapos ang dalawang linggo nang sila’y makatanggap ng COVID-19 vaccine.
BASAHIN:
STUDY: Breast milk of vaccinated lactating mothers contains protective COVID-19 antibodies
Breastfeeding habang may COVID-19: Wash your breast and wear mask
Ligtas bang magpabakuna ang breastfeeding moms?
Sa mga nanay na kabilang sa nasabing pag-aaral, wala namang nakitang seryosong reaksyon mula sa bakun. Maging sa kanilang mga sanggol.
Sa katunayan, nakita na posibleng makatulong pa ang bakunang natanggap ng nagpapadedeng ina sa proteksyon ng kanilang anak laban sa COVID-19.
Paninindigan ng CDC, ang mga breastfeeding moms ay maaring tumanggap ng COVID-19 vaccine.
Ayon rin sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), maaaring tumanggap ng bakuna ang mga buntis at mga nagpapadede ina. Bagama’t hindi naman ito requirement, pinapayo rin ng grupo na kumonsulta muna ang ina sa kaniyang doktor bago magpabakuna.
Paalala naman namin rito sa TAP, huwag basta-bastang maniniwala sa mga balita sa social media. Lalo na kung mayroon itong kinalaman sa iyong kaligtasan at kalusugan. Siguruhin munang mapagkakatiwalaan ang source ng balita bago ka maniwala at bago mo i-share ito.
Maraming pag-aaral ang isinagawa na nagpapakita ng benepisyo ng pagpapabakuna. Kung mayroon kang alinlangan tungkol sa pagtanggap ng COVID-19 vaccine. O kahit anong isyu sa iyong kalusugan, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Source: