Epekto ng beer sa bata kinatatakutang mangyari sa dalawang taong gulang na batang lalaking nakunang umiinom ng beer sa isang viral video.
Batang umiinom ng beer sa viral video
Ang viral video ng batang umiinom ng beer ay nangyari umano sa Iskandar Puteri, Johor Bahru, sa bansang Malaysia. Agad na nakuha ng viral video ang atensyon ng mga netizens na naging daan para mai-report ito sa mga pulis sa takot na maaring ang batang lalaki ay nakakaranas ng pang-aabuso.
Nagbigay naman agad ng pahayag ang ina ng bata ukol sa viral video ng anak. Ayon sa report ni Senior Assistant Commissioner Yusof Ahmad, head ng Johor’s Criminal Investigation Department, sinabi umano ng ina ng bata na ang kinilos ng kaniyang anak ay hindi niya kontrolado dahil sa mismong ang anak niya ang may gusto nito. Hindi niya daw ito tinuruan o hinayaang uminom ng beer, dahil ito daw ang kumuha ng alak saka ininom ito.
Ngunit, iba ang maririnig na usapan sa recorded video:
Voice 1: Kinuha ng bata yung beer.
Voice 2: Hindi binigay iyon sa kaniyang ng tatay niya.
Voice of the person filming: Yung tatay ang nagbigay.
Maririnig pa sa video ng may kumuha ng beer can sa bata at sinabi ng may hawak ng camera na ibalik ito sa kaniya.
At hindi lang pala ito ang unang lata ng beer na ininom ng 2-anyos na bata. Mula sa video ay maririnig pa ang isang boses na nagsabing nakainom narin ang bata ng isang lata ng beer, umaga ng araw ding iyon. Sinabi rin ng boses na mula sa isang babae na ang bata ay lumalaki raw na tulad ng kaniyang ama. Ito ang kaniyang naging sagot ng tanungin ng kumukuha ng video kung manginginom ba talaga ng alak ang 2-anyos na batang lalaki.
Matapos ang usapan ay saka makikita ang babae na pinaniniwalaang ina ng bata na inaabot muli ang alak sa bata at sinasabihang ubusin na ito. Kahit nagkakagulo sa paligid niya ay makikita ang bata na nilalaklak ang alak hanggang sa maubos ito.
Isa sa pangunahing pinag-alala ng mga netizens sa viral video ay ang epekto ng beer sa bata. Lalo pa’t kamakailan lang ay napabalita ang isang sanggol na namatay sa Beijing matapos painumin ng alak ng kaniyang lolo.
Ayon sa dagdag na report ni Senior Assistant Commissioner Yusof, ay wala naman daw naranasang health issues ang bata. Pero patuloy parin naman nilang iniimbestigahan kung sino ang mga nasa likod ng viral video.
Epekto ng beer sa bata: Alcohol poisoning
Ayon sa Poision Control Organization, ang epekto ng alak sa mga baby o bata ay napakadelikado kumpara sa mga matatanda. Nagdudulot daw ito ng depression sa kanilang central nervous system at nagpapababa ng kanilang blood glucose o sugar sa katawan. Ito ay maaring mauwi sa seizures, coma o kaya naman ay pagkamatay.
Kapag nakainom ng alak ang isang bata ay malalasing ito ng tulad ng epekto ng alak sa matatanda. Susuray-suray maglakad at magsasalita ng kung ano-ano. Maari rin silang magsuka dahil maiirita ang kanilang tiyan sa alcohol. Mahihirapan rin silang huminga at babagal ang tibok ng kanilang puso. Bababa din ang kanilang blood pressure na maaring bumaba hanggang sa pinakadelikadong level. Kaya ang resulta nito ay maaring mahimatay o tuluyang mawalan ng buhay ang isang sanggol o bata.
Republished and translated with permission from Channel News Asia
Source: