Lalaki, nabulag dahil sa kakagamit ng cellphone sa dilim
Narito ang ilang tips para mabawasan ang cellphone addiction mo.
Epekto ng cellphone sa mata ang itinuturong dahilan ng pansamantalang pagkabulag ng isang lalaki sa China. Babala ng eksperto kung hindi ito agad na nalunasan, lalaki maaring mabulag ng tuluyan.
Epekto ng cellphone sa mata
Naiistroke din ang mata kaya kailangan itong alagaan at ingatan. Ito ang babala ng isang doktor matapos pansamantalang mabulag ang isang lalaki sa China. Eye stroke, ito umano ang naranasan ng lalaki na kilala rin sa medical term na retinal artery occlusion. Ito ay dulot ng isang clot o pagkitid ng blood vessels sa retina ng mata na nag-sesend ng signal sa ating utak.
Ayon sa pahayag ng lalaking kinilalang si Wang mula sa Shaanxi Province, China ay bigla nalang nawala ang paningin niya matapos maglaro sa kaniyang cellphone na patay ang ilaw sa kwarto nila. Lagi daw itong ginagawa ni Wang bagamat ayaw at naiinis ang asawa niya sa maliwanag na ilaw mula sa kaniyang cellphone.
Paliwanag ng doktor
Base naman sa pahayag ni Lei Tao, ang doktor na tumingin kay Wang, hindi si Wang ang unang pasyente na nagpunta sa kaniya na nakaranas ng masamang epekto ng cellphone sa mata. Halos 20 pasyente daw buwan-buwan ang nagpupunta sa kaniya na nawawalan ng paningin dahil sa kalalaro ng cellphone. At karamihan nga daw sa mga ito ay mga kabataan. Ang kondisyon daw na ito na tinatawag nilang eye stroke ay pansamantala lang. Ngunit kung ito ay pinabayaan at hindi nalunasan maari itong mauwi sa permanenteng pagkawala ng paningin.
“Blockage of the arteries in the retina is sudden, serious and the primary manifestation of eye disease that leads to blindness.”
Ito ang paliwanag ni Lei tungkol sa sakit.
Kaya naman paalala niya, hangga’t maari limitahan ang paggamit ng mga cellphone at iba pang electronic items. Dahil ang sobrang paggamit ng mga ito ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng eye stroke.
“Preventive strategies are very important. Work and rest in a regular pattern, avoid staying up late at night and looking at phones, televisions and computers for a long time – these will all make a difference.”
Ito ang dagdag na paalala ni Lei para makaiwas sa masamang epekto ng cellphone sa mata.
Iba pang epekto ng paggamit ng cellphone
Maliban sa eye stroke, napatunayan rin ng ilang pag-aaral na ang paggamit ng cellphone ay nagpapataas ng level ng anxiousness ng isang tao. Habang pinabababa rin nito ang ability ng isang tao na mag-focus sa isang bagay. Nakakasama rin ito sa mental health at may malaking epekto sa ating mood araw-araw.
Kaya payo ng mga eksperto unti-unting bawasan ang adiksyon sa paggamit ng cellphone. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
Tips para mabawasan ang cellphone addiction
1. Maglaan ng schedule o oras sa kung kailan mo lang titingnan ang iyong cellphone.
Magagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng alarm. Simulan muna ito kada 15 minuto, saka unti-untiin ng 30 minuto hanggang sa gawing oras-oras nalang. Kapag nag-alarm na ang iyong cellphone para sa iyong schedule na tingnan ito ay maglaan lang ng isang minuto para i-check ang iyong mga notifications. Makakatulong sa disiplinang ito kung sasabihan ang mga taong malapit sayo na sinusubukan mong bawasan ang paggamit mo ng cellphone at male-late ang sagot mo sa mga text o tawag nila.
2. I-turn off ang mga notifications sa iyong cellphone lalo na sa social media.
Makakatulong rin ito para hindi ka masyadong tingin ng tingin sa iyong cellphone. Iwan lang bukas ang mga notifications sa messages, email at call app na importanteng paraan para makontak ka.
3. Tanggalin ang mga hindi kailangang app sa iyong home screen.
Madalas ay puno ng social media apps ang ating homescreen. Mabuting tanggalin ng mga ito para tuluyan ng hindi ma-distract sa mga notifications mula rito.
4. Huwag dalhin sa iyong kwarto ang iyong cellphone.
Para hindi ma-engganyong gamitin ang iyong cellphone bago matulog ay mas mabuting huwag na itong ipasok sa iyong kwarto o ilagay sa lugar na malayo sayo.
5. Gamitin ang smart speaker ng cellphone mo.
Para hindi mo na kailangan pang maya-mayang tumingin sa iyong cellphone ay gamitin ang smart speaker nito. Ito ay para ang cellphone mo na mismo ang magbabasa o mag-uupdate sayo ng activities o notifications mula rito.
6. I-grayscale ang display ng cellphone mo.
Para hindi narin ma-engganyong tingnan ang iyong cellphone ay i-set sa grayscale ang display nito. Dahil kapag colored at mas malinaw tayo ay mas nagkakaroon ng interes na ito ay tingnan.
Simulan ng limitahan at bawasan ang cellphone addiction gamit ang mga nabanggit na tips. Ito ay para maiwasan ang mga masamang epekto nito sa iyong kalusugan.
Photo: Freepik
Basahin: Masama sa mata ang pag-gamit ng cellphone sa dilim, ayon sa eksperto