Para sa karamihan sa atin sa panahon na ito, hindi maaaring hindi natin katabi ang ating mga cellphone. Gamit natin ito simula paggising hanggang sa bago matulog. Ngunit, dapat din tayong matuto mula sa naranasan ng isang babae mula China nang hindi natin maranasan ang sintomas ng glaucoma.
Hindi mai-dilat ang mga mata
Maraming magagandang mobile games ang nilalaro ngayon ng mga tao. Dahil pa sa internet, maaari nang makipaglaro sa mga kaibigan at mga tao mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Isama pa natin ang convenience na maaari nating dalhin ang laro saan man magpunta. Ito marahil ang mga dahilan kung bakit maraming gamers ngayon ang nakakaranas ng iba’t ibang prublema sa mata.
Ganito ang nangyari sa isang 29 taong gulang na babae mula China. Nakaugalian kasi nito na maglaro ng mobile games kahit pa gabi na at nakapatay na ang lahat ng ilaw sa kapaligiran. May mga panahon pa na inaabot ito ng umaga sa paglalaro sa cellphone. Tuloy-tuloy na nakukuha ng kanyang mata ang ilaw mula sa cellphone sa loob ng madilim na kwarto buong gabi. Subalit, may hangganan din ang ating mga katawan.
Ayon sa ulat, matapos ang isang gabi ng paglalaro sa cellphone sa madilim na kwarto, sumakit ang kanyang mga mata. Hindi niya madilat ang mga ito dahil sa pakiramdam na tila may tumutusok dito. Ito ang naging dahilan upang pansamantala niyang itigil ang paglalaro ng mobile games. Pinahinga niya ang kanyang mga mata at ginamitan ng steam eye patches para pabutihin ang nararamdaman. Nang mawala na ang nararamdamang sakit, nagpatuloy siya sa kanyang nakagawian. Maya-maya napansin niya ang labis na pamumula ng kanyang kanang mata. Ito pala ay sintomas na ng glaucoma.
Glaucoma
Ayon kay Dr. Zhu, ang direktor ng ophtalmology sa pinuntahang ospital ng babae, ang paggamit ng cellphone sa dilim ang naging dahilan ng karamdaman. Nagdulot ng panunuyo, pamamaga at kapaguran sa mata ang nakasanayan na paggamit ng cellphone sa dilim. Paulit-ulit na napipilit mag-contract ang ciliary muscles ng babae. Dahil dito, may nagaganap na pagpigil sa supply ng dugo sa mata na nagdulot ng glaucoma.
Ang glaucoma ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkabulag. Ito ang ibinibigay na panggalan sa grupo ng mga konsidyon na nagdudulot ng pinsala sa mata. Maraming uri nito ang hindi nagbibigay ng senyales, unti-unti lamang na mararanasan ang mga sintomas hanggang sa huli na bago mapansin.
Sintomas ng glaucoma
Ang mga sintomas ng glaucoma ay kadalasang nag-iiba depende sa uri at kondisyon nito. Ilang halimbawa ay ang sumusunod:
Open-angle glaucoma
- Mga patse ng blindspots sa paligid o gitna ng paningin
- Tunnel vision
Acute angle-closure glaucoma
- Matinding sakit ng ulo
- Masakit na mata
- Pagkahilo at pagsusuka
- Malabong paningin
- Halo sa paligid ng mga ilaw
- Pamumula ng mata
Kung hindi maagapan agad, maaari itong magdulot ng pagkabulag. Kahit pa gamutin, tinatayang 15% ng mga mayroon nito ay nabubulag sa isang mata.
Source: Asia One, Mayo Clinic
Basahin: Toddler, patay matapos isubo ang nakasaksak na phone charger
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!