Isang bata ang di umano nagkaroon ng focal seizure dahil sa labis na paggamit ng gadgets. Ano nga ba ang nagiging epekto ng cellphone at iba pang devices sa ating mga chikiting?
Focal seizures
Lubos na nakababahala ang video post ni Edgar Lising. Ipinapakita nito ang kanyang 6-taon gulang na anak na si John Nathan na nagkakaroon ng seizure. Ang seizure ay ang biglaang pangingisay na tila parang may epilepsy. Makikita na matapos kumurap-kurap at tumirik ang mata ng bata, aksidenteng naka-ihi ito sa kama.
Agad na dinala ng pamilya ang bata sa Nueva Ecija Doctors Hospital. Nang mapatignan, sumailalim ang bata sa CT scan at electroencephalogram (EEG). Naging normal naman ang resulta ng mga tests nito. Ngunit, nagpatuloy pa rin ang pagkakaroon ng seizures ng bata.
Epekto ng sobrang paggamit ng cellphone o gadgets
Nang tanungin nila Daddy Edgar ang doktor kung posible bang epekto ng seizures ang labis na paggamit ng gadgets. Sinabihan daw sila na mainam na huwag munang bigyan ng screen time si John Nathan. Maaari raw kasi na ang ilaw mula sa gadgets ang nagiging sanhi ng seizures.
Dalawang araw inobserbahan si John Nathan bago ito naiuwi ng kanyang mga magulang. Pag-uwi sa kanilang bahay, patuloy pa rin ang pagkakaroon ng seizures ni John Nathan every 15-20 na minuto.
Hindi ito ang unang kaso ng pagkakaroon ng seizure ng bata na epekto ng cellphone at iba pang gadgets. Noong nakaraang taon, may isang nanay din ang nagsabing nagkaroon ng focal seizure ang anak dahil sa sobrang screen time.
Ayon sa mommy na si Maricon Molvizar Collamar, ang kanyang anak ay nakaranas ng parehong pangyayari. Nakaranas pa nga raw ang kanyang anak ng temporary paralysis. Ayon sa mga doktor na tumingin sa bata, ito ay dahil din sa excessive use of gadgets.
Ano nga ba ang focal seizure?
Ang focal seizure ay ang biglaan at hindi mapigilan na “electrical disturbance” sa utak. Nagiging sanhi ito ng pagbabago sa ugali, paggalaw, pakiramdam o malay. Ang karaniwang nagiging dahilan nito ay ang mataas na lagnat. Maaari ring kulang sa tulog at mababa ang blood sodium. Puwede ring dahil sa head trauma, stroke, brain tumor. Kadalasan ding nakararanas nito ang mga may bisyo.
May dalawang klase ng focal seizure—ang focal seizures with impaired awareness. Kung saan mawawalan ng malay ang tao habang may seizure. At ang focal seizures without loss of consciousness. Kung saan gising naman ang tao pero hindi kontrolado ang paggalaw habang may seizure.
Ang sintomas na kailangang tignan sa inyong anak:
- Temporary na pagkalito.
- Pagkatulala
- Hindi mapigilang paggalaw ng kamay at paa.
- Pagkawala ng malay.
- Labis na pagbabago sa ugali o pag-intindi.
Kailan dapat pumunta sa doktor:
- Kapag tumagal ng mahigit sa limang minuto ang seizure.
- Kung hindi agad bumalik sa normal ang paghinga o ang malay.
- Kung masundan agad ng isa pang seizure.
- Pag may mataas na lagnat.
- Kung makaranas ng pagkabalisa dahil sa init.
- Dapat ding umaksyon agad kung ikaw ay buntis.
- Ang mga may diabetes ay delikado ring makaranas ng seizure.
- Kapag nagkaroon ng injury habang nag-seizure.
SOURCE: Mayo Clinic