Epekto ng climate change sa mundo magdudulot ng matinding problema, gulo at pagbabago, ayon sa isang bagong pag-aaral.
Epekto ng climate change
Isa sa epekto ng climate change sa mundo ay ang patuloy na pagtaas ng level ng tubig sa dagat. Kung ito ay hindi mapipigilan at mapaghahandaan tinatayang may 340 milyon na tao ang maaring maapektuhan sa pagdating ng taong 2050. Ito ay sa pamamagitan ng taon-taong pagbaha na magiging dahilan upang lumubog na sa tubig at posibleng mawala na ng tuluyan sa mapa ang lugar na kanilang tinitirhan at pinagtratrabahuan.
Ito ang natuklasan ng isang bagong pag-aaral na isinagawa ng science organization na Climate Central.
Ang nakakalungkot na balitang, kabilang sa 340 milyon na mga tao na maaring makaranas ng epekto ng climate change na ito ay ang mga Pilipino. Dahil ayon sa pag-aaral na inilathala sa journal na Nature Communications, isa ang Pilipinas sa walong Asian countries na nanganganib sa epekto ng rising sea levels sa mundo. Kasama ang mga bansa ng China, Bangladesh, India, Vietnam, Indonesia, Thailand at Japan.
Ilan nga sa maaring malubog na sa tubig at tuluyang mawala sa mapa ay ilang lungsod sa Metro Manila kabilang na ang Valenzuela, Manila, Pasay, Malabon at ilang bahagi ng Makati, Mandaluyong at Parañaque.
Ito ay base sa online coastal risk screening tool ng Climate Central, ang organisasyong nagsagawa ng bagong pag-aaral.
Nauna narin itong naibabala ng isa pang pag-aaral na nailathala sa Proceeding of the National Academy of Sciences, Marso ngayong taon. Ayon sa pag-aaral, lumulubog sa tubig ang Metro Manila ng tinatayang 10 centimetro taon-taon na maaring mas mapabilis pa. Habang ito ay nagpapatuloy, ito ay maaring magdulot ng kawalan ng lupa ng halos 1.79 million square kilometers sa taong 2100. Dahil dito ay maaring mawalan naman ng pook-tirahan ang 187 million na Pilipino at lubos na maapektuhan ang mga food production ng mga apektadong lugar.
Iba pang epekto ng climate change
Ayon naman kay Ms. Loretta Hiebel, isang opisyal ng risk reduction mula sa United Nations, hindi lang ito ang maaring maging epekto ng rising sea level sa mundo dulot ng climate change at global warming. Kung patuloy at magiging madalas ang pagbaha ay mapipilitan rin ang mga magsasakang iwan ang kanilang lupaing sinasaka at magpunta sa mga lungsod upang maghanap ng pagkakakitaan.
Para naman kay John Castellaw, isang retired Marine Corps lieutenant-general ng US Central Command noong Iraq war, ang kawalan ng lupa at patuloy na pagtaas ng tubig ay maari ring maging dahilan para tumaas ang insidente ng terorismo sa ilang apektadong lugar sa mundo.
“So this is far more than an environmental problem. It’s a humanitarian, security and possibly military problem too.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Castellaw.
Solusyon at paraan para maiwasan
Pero ayon naman kay Dr Benjamin Strauss, chief scientist ng Climate Central, ang mga epekto ng climate change na mga ito ay maaring maiwasan at mapaghandaan sa tulong ng paggawa ng mga protective measures sa mga apektadong lugar tulad ng seawalls at iba pang uri ng barriers.
“If our findings stand, coastal communities worldwide must prepare themselves for much more difficult futures than may be currently anticipated.”
Ito ang babala sa buong mundo ng ginawang pag-aaral nila Dr. Strauss.
“We’ve been trying to ring the alarm bells. We know that it’s coming.”
Ito naman ang naging pahayag ni Dina Ionesco ng International Organization Migration patungkol sa ginawang pag-aaral. Dagdag pa niya dapat daw ay magsilbi narin itong go signal sa mga bansang apektado ng natural phenomena na i-relocate na ang mga taong nakatira sa mga high risk areas.
Kaya naman para maiwasan ang mga nakakatakot na epekto ng climate change na ito. Mabuting simulan at patuloy nating protektahan ang mundo mula sa global warming at climate change. Maging handa sa mga maaring maging epekto nito. At higit sa lahat ipahatid sa iba pa ang impormasyon at maging ehemplo ng mabuting gawi. Upang kahit papaano ay mabawasan ang nakakatakot na mga delubyong gawa rin nating mga tao.
Source: The Straits Time, Climate Central, Inquirer News
Photo: Official Gazette of the Philippines
Basahin: 5 Cute Eco-friendly DIY projects to try with your kids this weekend!