Epekto ng gadgets sa mga bata may kaugnayan sa kanilang brain development. Ito ang nakasaaad sa isang pag-aaral na nailathala sa journal ng JAMA Pediatrics kamakailan lang.
Epekto ng gadgets sa mga bata
Ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto mula sa Cincinnati Children’s Hospital, ang paglagpas ng isang batang may edad 3-5 taong gulang sa recommended one hour a day na screen time ay nakakapagpabagal ng kanilang brain development. Lalo na kung sa mga oras na bumabad sila sa TV o gumagamit ng gadget ay walang involvement ang kanilang magulang.
Napakahalaga nito sapagkat ayon sa mga eksperto ang unang limang taon ng mga bata ang mga panahon kung saan mabilis na nagdedevelop ang kanilang utak. At ito ang magsisilbi nilang pundasyon hanggang sa sila ay tumanda.
Ang epekto ng gadgets sa mga bata na ito ay natuklasan ng mga researcher ng ginawang pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng MRI scan upang makita ang magiging reaksyon ng white matter ng utak. Ang white matter ng utak ay ang nagsisilbing koneksyon sa pagitan ng mga brain cells at nervous system. Kung walang reaksyon o development mula sa white matter na ito ay bumabagal ang brain processing ng isang tao. At bumabagal rin ang kakayahan niyang matuto ng language, literacy at cognitive skills.
“Think of white matter as cables, sort of like the telephone lines that are connecting the various parts of the brain so they can talk to each other.”
Ito ang pahayag ng lead researcher ng ginawang pag-aaral na si Dr. John Hutton. Siya ay isang pediatrician at clinical researcher mula sa Cincinnati Children’s Hospital.
Pagsasagawa ng pag-aaral
Sa tulong ng special na uri ng MRI ay napag-aralan ng mga researcher ang reaskyon ng white matter ng utak ng 27 batang babae at 20 batang lalaki. Ang mga batang ito ay may edad 3-5 limang taong gulang at magsisimula pa lang mag-aral sa kindergarten.
Base sa ginawang pag-aaral ng mga researcher, kapag ang isang bata ay lumagpas sa recommended 1hour screen time sa isang araw ay nagiging disorganized at underdeveloped ang white matter ng utak nito. Lalo na kung walang interaction o involvement ang kaniyang magulang habang siya ay nanonood. Ang resulta nito ay mas bumagal ang literacy skills ng mga bata. Hindi rin nila mai-express ng maayos ang gusto nilang sabihin. At bumaba ang kanilang score sa cognitive test na isinagawa bago at matapos silang ma-expose sa excessive screen time.
Paraan para mabawasan ang epekto ng gadgets sa mga bata
1. Pagbibigay limit sa screen time ng mga bata.
Kaya naman dahil sa nakitang epekto ng gadgets sa mga bata na ito ay ipinapayo ng mga researcher ng ginawang pag-aaral ang paglilimita ng mga magulang sa screen time ng kanilang anak. Ang ipinapayong screen time limit ng American Academy of Pediatrics o AAP ay isang oras lang sa isang araw na nakadepende pa sa edad ng isang bata.
Kung ang bata ay 18 buwan pababa, hindi pa dapat itong nai-expose sa screen media. Maliban nalang sa video chatting sa kapamilya o kaibigan na nakakatulong sa development ng social at language skills niya.
Sa mga batang edad 2 taong gulang naman ay maari na silang magsimulang manood ng mga baby videos. Ngunit ito dapat ay may involvement ng kaniyang mga magulang.
Para sa mga batang 3-5 taong gulang ay makakatulong sa kanilang development ang panonood ng mga educational TVs shows tulad ng Sesame Street. Ngunit muli ito dapat ay may involvement o gabay ng mga magulang.
2. Pagsisilbing magandang halimbawa .
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga batang nahihilig sa mas mahabang oras ng screen time ay lumaki sa mga magulang na nagbababad rin sa panonood ng TV o paggamit ng gadget. Kaya naman para matuto ang iyong anak na magkaroon ng limitasyon sa kaniyang screentime use ay magpakita ng magandang halimbawa sa kaniya. Gawin ito sa pamamagitan ng pagbabawas ng paggamit ng cellphone o gadget. At sa halip ay mag-spend ng quality time sa iyong anak sa pamamagitan ng paggawa ng mga activities na magkasama.
“It’s known that kids that use more screen time tend to grow up in families that use more screen time. Kids who report five hours of screen time could have parents who use 10 hours of screen time. Put that together and there’s almost no time for them to interact with each other.”
Ito ay pahayag ni Dr. Hutton, lead researcher ng ginawang pag-aaral tungkol sa epekto ng gadget sa mga bata.
“There are parent-child activities we know help children’s development: reading, singing, connecting emotionally, being creative, or even just taking a walk or dedicating some time in our busy days to laugh together.”
Ito naman ang pahayag ni Dr. Jenny Radesky. Siya ay isang pediatrician at lead researcher ng 2016 American Academy of Pediatrics screen use guideline para sa adolescents at mga bata.
3. Pagtatago sa mga gadgets sa mga lugar na hindi makikita o maabot ng mga bata.
Para tuluyang mabawasan o maiwasan ang paggamit at epekto ng gadget sa mga bata ay mabuting itago o ilagay sa lugar na hindi makikita o maabot ng bata ang mga gadget sa inyong bahay. Ito ay upang hindi siya ma-enganyo sa paggamit nito. At sa halip ay makaisip at gumawa ng mga activity bilang pampalipas oras na makakatulong rin sa kaniyang development.
Ang maayos na development at paglaki ng iyong anak ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Iiwas siya sa mga epekto ng gadgets sa mga bata. Gawin ito sa pamamagitan ng tamang paggabay at pag-alalay sa mga ginagawa niyang activities araw-araw.
Source: CNN Edition, JAMA Network
Photo: Freepik
Basahin: Study: Parents spend as much time on their phones as with their kids