Para sa mga mahihilig uminom nito, iba-iba ang naririnig na balita para tungkol sa epekto ng kape. Sinasabi ng iba na ang pag-inom ng kape ay makakabuti sa kalusugan, habang ang iba naman ay nagsasabi ng taliwas dito.
Ayon pa sa dating pag-aaral, ang masamang epekto ng kape ay nagpapatigas daw ito ng mga ugat sa puso na maaaring maging sanhi ng stroke o atake sa puso.
Ngayon, isang bagong pagsusuri ang pinondohan ng British Heart Foundation ang nagsasabing walang pinagkaiba ang pag-inom ng limang tasang kape sa pag-inom ng wala pang isang tasa. Pati ang mga uminom ng mahigit 25 tasa ng kape sa isang araw ay walang pinag-kaiba sa mga nabanggit.
Mga lumahok
Sa bagong pag-aaral, ang mga scientist sa Queen Mary University of London ay sinuri ang 8,412 na lumahok. Hinati sila sa tatlong grupo na may iba’t ibang dami ng iinuming kape sa isang araw.
Ang unang grupo ay ang mga umiinom ng wala pang isang tasang kape sa isang araw. Ang ikalawang grupo naman ay ang mga umiinom ng nasa isa hanggang tatlong tasang kape sa isang araw. Habang ang ikatlong grupo ay binubuo ng mga umiinom ng lagpas tatlong tasang kape sa isang araw. May ilan din sa ikatlong grupo na umaabot pa ng 25 na tasa ng kape sa isang araw.
Lahat ng mga lumahok sa pag-aaral ay sumailalim sa MRI heart scan at infrared pulse wave test. Inayon ng mga sumusuri ang iba pang impormasyon ng mga lumahok. Tinignan dito ang edad, kasarian, lahi, paninigarilyo, timbang, presyon ng dugo, diyeta at pag-inom ng nakakalasing na inumin.
Epekto ng kape ayon sa pagsusuri
Sa pamumuno ni Kenneth Fung, inaral ang mga nakolektang datos. Nakita na wala masyadong pagbabago sa tigas ng mga ugat sa puso ang pag-inom ng mahigit tatlong tasang kape kumpara sa pag-inom ng isang tasa ng kape.
Ibig nitong sabihin na ang pag-inom ng kape ay maaaring maging parte ng isang malusog na pamumuhay. Wala rin dapat ika-bahala ang mga mahihilig uminom ng kape pagdating sa paninigas ng mga ugat sa puso.
Idinagdag din ni Kenneth Fung na hindi nila sinasabihan ang mga tao na uminom nang 25 tasang ng kape sa isang araw. Ngunit, walang makikitang pagbabago sa tigas ng mga ugat sa pagsunod sa inirekumendang bilang.
Nakita rin sa pagsusuri na ang mga malalakas uminom ng kape ay karaniwang mga lalaki, mga naninigarilyo at madalas na umiinom ng alak.
Ayon kay Professor Metin Avkiran, associate medical director ng British Heart Foundation, nalilinaw ng pag-aaral na ito ang paniniwala ng marami sa masamang epekto ng kape sa mga ugat.
Source: CNN
Photo by SnapbyThree MY on Unsplash
Basahin: Pag-inom ng kape, hindi mabuti para sa mga nagbubuntis