Gamit ang pag-aalala ng bagong ina sa kanilang supply, nagiging mabenta ang mga lactation cookies sa merkado. Hindi na bago sa panahon ngayon ang mag-alala kung sapat ba ang breast milk na nabibigay sa bata. Dagdag pa dito ang makikita sa social media na ibang ina na kaya pang mag-donate ng breast milk sa iba. Ngunit, kamusta nga ba ang epekto ng lactation cookies? Totoo bang nakakapagpalakas ito ng supply ng breast milk?
Bakit kailangan ng lactation cookies?
Bawat kultura, iba-iba ang ibinibigay sa mga ina upang maparami ang supply ng breast milk. Dito sa Pilipinas, ang mga kilalang pagkain na ganito ay malunggay, mani, oatmeal, broccoli, at halaan.
Bukod sa halaan, ang ibang mga nasabi ay kinikilala rin ng siyensiya bilang pampalakas ng supply ng breast milk. Ito ay dahil kinikilala ang mga pagkain na ito na galactagogue. Ang galactagogue ay mga pagkain na nagpapatibay ng breast milk supply. Marami ang mga ito, mula gulay hanggang sa gamot.
Subalit, iminumungkahi ng clinical practice na huwag basta umasa dito. Importante na alamin muna kung mayroong iba pang dahilan sa mahinang supply ng breast milk bago ito tutukan. Hangga’t maaari, gawin itong bahagi ng mga kinakain araw-araw ngunit huwag dito i-asa ang lahat. Kailangang suriin kung tama ang pagpapa-latch at ang dalas ng pagpapa-breast feed sa anak.
Ano ang epekto ng lactation cookies?
Kalat na sa merkado ang mga lactation cookies. Makikita ang mga ito sa tindahan at sa mga online stores. Makakabili nito sa halagang P300-P350 bawat 15 piraso. Subalit, ligtas man sa kalusugan ng mga ina, walang sapat na pag-aaral upang patunayan ang sinasabing epekto ng lactation cookies.
Ang karaniwang mga sangkap ng lactation cookies ay:
- Enriched wheat flour
- Butter
- Itlog
- Asukal
- Chocolate chips
- Fenugreek seed extract
- Blessed thistle extract
Sa mga sangkap na ito, lahat ay karaniwan talagang sangkap ng cookies bukod sa dalawa. Ang sinasabi ng mga nagbebenta ng lactation cookies ay ang fenugreek seed extract at blessed thistle extract ang nagbibigay ng epekto.
Fenugreek seed extract at blessed thistle extract ay nakakatulong raw
Ayon sa pag-aaral ng LactMed database, ligtas ang fenugreek seed extract para sa kalusugan ng mga ina. Ito ay sikat na pampalasa ng pagkain sa India at sa Middle East. Subalit, wala itong nadudulot na epekto sa supply ng breast milk. Dahil dito, nasabi ng LactMed na ang nakikitang dagdag sa breast milk ay dulot lamang ng kumpiyansa na lalakas ang supply. Sa ibang salita, sa isip lamang ang epekto nito.
Ayon naman sa American Academy of Pediatrics, walang sapat na pag-aaral sa epekto ng fenugreek sa mga nagpapa-breast feed. Ayon sa nakasanayan, ligtas ito sa kalusugan ngunit wala pang sapat na pag-aaral kung ligtas itong mapasa ng ina sa pinapa-breast feed na baby.
Ang blessed thistle extract, ayon sa LactMed, ay walang valid na pag-aaral na naisagawa upang masabing epektibo ito. Dagdag pa ng Natural Medicines Database, dahil sa kawalan ng pag-aaral dito, iminumungkahi na huwag itong subukan. Pagdating sa kaligtasan sa kalusugan, sinasabi lang ng dalawa na walang sapat na pag-aaral para mapatunayan ito.
Ano ang sabi ng lactation experts?
Wala mang naidudulot na prublema sa kalusugan, maaari parin kumain ng lactation cookies. Makakatulong ito kung ang ina ay naniniwala na epektibo ito sa pagpapalakas ng supply ng breast milk. Ganunpaman, kung mayroon talagang prublema, makakabuting lumapit at magpakonsulta sa lactation experts.
Ayon sa lactation experts, ang pinakamabisang paraan upang lumakas ang supply ay ang dalas ng pagpapakain. Ang katawan ng mga ina ay umaayon sa nakikita nitong pangangailangan sa pagpapadami ng supply. Ngunit, kung may iba pang prublema, masusuri ng mga lactation experts ang tamang hakbang para mabusog si baby.
Source: The Conversation, Science Based Medicine
Basahin: How does sugar affect my kids?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!