Epekto ng malnutrisyon at pang-aabuso ang naging dahilan kung bakit maagang nasawi ang isang 5-anyos na batang babae sa Japan.
Ina ng bata sising-sisi at hindi umano mapapatawad ang sarili sa nangyari sa anak.
Epekto ng malnutrisyon at pang-aabuso
Umiiyak at hindi makapagsalita si Yuri Funato, 27-anyos sa pagdinig ng kaso ng kaniyang nasawing anak na si Yua Funato, 5-anyos.
Ang kaniyang anak na si Yua ay nasawi noong nakaraang taon, March 2018 sa Meguro Ward, Tokyo.
Ayon sa imbestigasyon ang naging sanhi ng pagkamatay ng bata ay dahil sa epekto ng malnutrisyon at pang-aabuso.
Napag-alaman na mula noong Enero 2018 ay tanging sopas lang ang pinapakain sa bata isa o dalawang beses sa isang araw. Hindi rin ito nadala sa ospital ng magkasakit dahil sa labis na pang-aabuso ng kaniyang ama noong Pebrero 2018.
At ng sumunod na buwan, Marso 2018 ay nagkaroon ng pulmonya ang bata dahil sa malnutrisyon. Hindi ito agad na nadala sa ospital na naging dahilan upang lumala ang kaniyang sakit at mauwi sa sepsis na kaniyang ikinamatay.
Nasawi ang bata na may timbang na 12 kilos. Malayo sa 20 kilos na rekumendadong timbang para sa kaniyang edad.
Pang-aabuso ng ama
Bago masawi ang bata ay nag-iwan ito ng sulat para sa kaniyang mga magulang. Ayon sa sulat na iniwan ng bata ay humihingi siya ng tawad sa kaniyang mga magulang at humihiling na sana ay tigilan na ang pagmamaltrato sa kaniya.
Dahil umano sa report ng pang-aabuso ay dalawang beses nalagay sa protective custody ng isang child welfare center si Yua. Ngunit nitong Pebrero ng siya ay balikan ng center, ay hindi daw pumayag ang ina na makita ng mga center officers ang kaniyang anak.
Ayon sa abugado ng ina ng bata ay sinubukan umano nito na patigilin ang asawa sa pang-aabuso ng anak. Ngunit sa tuwing ginagawa niya ito ay siya naman ang pinagdidiskitahan ng asawa. Ayon sa abugado ng ina ng bata, siya ay nakakaranas rin ng psychological violence mula sa kaniyang asawa.
Nang sumalang sa court hearing ng kaniyang kaso ay hindi nga matigil sa pag-iyak ang ina na sising-sisi umano sa nangyari sa kaniyang anak.
“I blame myself and will never forgive myself. I’m mortified and full of regret. I want to die. I want to go to a place where I can be with Yua.”
Ito lang ang mga katagang nabanggit niya sa tuwing tatanungin tungkol sa anak.
Humarap rin sa pandinig bilang witness ang lolo ng bata na ama ni Yuri Funato. Siya ay tumira sa bahay ng mag-ina sa loob ng isang buwan bago umano lumipat ang mga ito sa Tokyo noong Enero 2018.
Nagsisisi rin siya sa kinahinatnan ng kaniyang apo at sinabing hindi niya napansin ang pang-aabusong nararanasan nito.
Samantala, ang asawa ni Yuri Funato at ama ni Yua na si Yudai Funato, 34-anyos, ay naaresto narin dahil sa pang-aabuso at pagpapabaya sa kaniyang anak. Magsisimula ang paglilitis sa kaniya nitong darating na October 1.
Pagpapaigting ng batas laban sa pang-aabuso ng mga bata
Dahil sa nangyari ay isinusulong sa Japan na pagbawalan ang mga magulang at guardians sa pananakit bilang parusa at paraan ng pagdidisiplina sa mga bata.
Isinusulong rin na mabigyan ng dagdag na karapatan ang mga child welfare centers na makialam sa mga reported abuse cases sa mga bata.
Ito ay para hindi na maulit sa ibang bata ang nangyari kay Yua na namatay dahil sa epekto ng malnutrisyon at pang-aabuso ng mismong mga magulang niya.
Penalty sa pang-aabuso ng bata
Kung sakaling mapatunayang guilty sa pang-aabuso ng kaniyang anak ay maaring makulong ng 11 taon si Yuri Funato.
Samantala, dito sa Pilipinas ang sinumang mapatunayang lumabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act o ang batas na pumoprotekta sa mga bata mula sa pang-aabuso ay maaring makulong ng hanggang 12 taon at magmulta ng hanggang sa P500,000.00.
Source: Japan Times, Japan Times, AsiaOne, PCW
Basahin: Child abuse at preschool: What should parents do?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!