Epekto ng pagiging mataba o pagiging obese nakakahawa, ayon sa isang pag-aaral.
Nakakagulat mang pakinggan pero maaring pinapataba ka na ng iyong mga kaibigan!
Iyan ang napag-alaman ng mga researchers mula sa University of Southern California matapos tukuyin ang iba pang maaring dahilan ng obesity.
Maliban nga sa genetics at shared environment, nalaman nilang ito ay nakakahawa o maaring makaimpluwensya na kung tawagin ay social contagion.
Paano naging nakakahawa ang pagiging mataba o obese?
Ayon sa pag-aaral, kapag ang isang tao daw ay lumipat sa isang komunidad na may mataas na rate ng obesity, tumataas din ang tiyansa nitong maging obese o mataba.
Ang findings na ito ay lumabas matapos pag-aralan ng mga researchers ang daan-daang bilang ng military families sa buong US na hindi maaring piliin kung saan sila puwedeng manirahan o piliin ang lugar na susunod silang mai-aassign.
Sa kabuuan ay mayroong 1,314 na mga magulang at 1, 111 na bilang ng kanilang mga anak mula sa 38 different locations sa US ang nakibahagi sa ginawang pag-aaral.
Bagamat isinaalang-alang din ang mga environmental factors gaya ng pagkakaroon ng maraming gyms at fast food restaurants ng isang lugar na maari nilang malipatan, napag-alaman ng mga researchers na may iba pang factors na nagboboost ng epekto ng pagiging mataba o obese sa mga nasabing pamilya.
Isa na nga raw rito ay ang social contagion.
Pagiging acceptable na maging mataba
Ang social contagion sa obesity ay nangangahulugang kapag maraming obese ang nakapaligid sa isang tao mas tumataas rin ang tiyansa nitong maging mataba o obese gaya ng mga nakapaligid sa kaniya.
Dahil ito sa pagiging common ng sedentary lifestyles, unhealthy eating at pagiging acceptable ng obesity o pagiging overweight sa mga komunidad na ito.
Ayon iyan kay Dr. Ashlesha Datar, isa sa mga authors ng ginawang pag-aaral na sinabing ito daw ay dahil na-adopt ng isang tao ang behaviors ng mga taong nakapaligid sa kaniya nang hindi nito namamalayan.
Lumabas din sa ginawang pag-aaral na sa bawat isang porsyentong pagtaas ng obesity rate sa isang lugar na nililipatan ng mga military families, tumataas rin ng hanggang six percent ang tiyansa ng mga teenagers mula sa mga nasabing pamilya na maging obese.
Samantalang, tumataas naman ng hanggang five percent ang tiyansa ng mga magulang nila na maranasan ang epekto ng pagiging mataba o obese sa bawat pagtaas ng obesity rate.
At habang mas tumatagal manirahan ang mga pamilyang ito sa nasabing lugar mas tumataas pa ang tiyansa na mas maging mataba sila sa pagdaan ng panahon.
Pagiging mataba o obese ng kaibigan, nakakahawa na parang isang sakit
Maliban sa naunang pag-aaral na nailathala sa journal ng JAMA Pediatrics, isa pang pag-aaral na inilathala naman sa Journal of Medicine sa New England noong 2007 ang nag-suggest rin na ang obesity ay maaring maihawa sa isang komunidad na parang isang sakit.
Ang findings naman ng nasabing pag-aaral ay lumabas matapos pag-aralan ang interconnected social network ng 12 thousand na tao.
Para nga matukoy kung ang weight gain ng isang tao ay may koneksyon sa weight gain ng kaniyang kaibigan at kapamilya, ay sinundan ng mga researchers ng nasabing pag-aaral ang buhay ng 12,000 participants ng higit sa 30 years.
Habang mino-monitor ang weight fluctuations ng isang tao sa pagdaan ng nasabing panahon lumabas na tumataas ang tiyansa ng isang tao na maging obese ng hanggang 57% kung magiging obese rin ang kaniyang kaibigan.
Kung napaka-close naman ng kanilang friendship ang 57% na tiyansa na ito ay maaring matriple pa.
Ang epekto ng pagiging mataba na ito ay hindi nakita sa mga magkapit-bahay ngunit nakita sa mga magkakapatid na mas mababa ang tiyansa na mahawa sa obesity kumpara sa mga magkakaibigan.
Mula nga resulta ng dalawang pag-aaral masasabi na ang obesity ay maaring maihawa sa pamamagitan ng social influence sa isang komunidad o social network.
Epekto ng pagiging mataba o obese
Ang obesity ay isang kondisyon na kung saan ang isang tao ay may excessive fat sa kaniyang katawan. Ito ay natutukoy sa pamamagitan ng pagkakaroon ng body mass index o BMI na higit sa 30.
Ang BMI ng isang malusog na tao ay makukuha sa pamamagitan ng pagdi-divide ng weight (kilograms) ng isang tao sa kaniyang height (meters).
Ang disorder na ito sa katawan ng isang tao ay maaring magdulot ng mga sakit gaya ng heart disease, diabetes at high blood pressure.
Ang pagiging obese din ay nakitang may kaugnayan sa labing-dalawang uri ng cancer. Isa na nga rito ay ang breast cancer na tumatama sa isa sa walong kababaihan.
Samantala, ang epekto naman ng pagiging mataba o obese sa mga bata ay maaring magdulot rin sa kanila ng mataas na blood pressure o pagtaas ng kanilang cholesterol na maaring magdulot ng heart disease.
Ang mga bata na obese ay may mataas na tiyansa ding maging obese sa pagtanda nila.
Ang epekto ng pagiging mataba o obese ay maaring maiwasan sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain at regular na pag-eexercise.
Sources: Daily Mail, New Atlas, Mayo Clinic
Basahin: Bumibigat ang timbang naming mag-asawa habang tumatagal—at hindi kami nag-aalala