Mga mag-aaral nakuhanan sa video na binubugbog ang kanilang kaklase

Isa nanamang viral na video ng bullying ang kumalat sa social media. Ano nga ba ang epekto ng pambubully, at ano ang magagawa tungkol dito?

Tila hindi yata natatapos ang mga kaso ng pambu-bully na kumakalat sa social media. Ngayon, nag-viral naman ang video ng isang grupo ng mga babaeng mag-aaral na tinatakot at binubugbog ang kapwa nila estudyante. Bakit nga ba ito nangyayari, at ano ang epekto ng pambubully sa mga bata?

Napagbintangan siya na nag-angas sa group chat nila

Napahiga pa sa semento ang biktima nang siya ay sinabunutan ng mga mag-aaral.

Sa video, makikitang dinuduro-duro ng mga mag-aaral ang isang walang kalaban-laban na estudyante. Nakapalibot pa sila sa babae nang bigla na lang nilang pinagsasampal ang biktima.

Sunod ay sinabunutan nila ang batang babae, at napahiga pa ito sa semento. Ayon sa biktima, napagbintangan daw siyang nag-aangas sa group chat nilang magbabarkada.

Ayon sa mga ulat, nadampot pa raw ng barangay ang mga nanakit sa biktima, dahil lumalabag raw sila sa curfew.

Paglaon ay pinatawag ng barangay ang biktima pati na ang mga nambully sa kaniya. Ngunit ayon sa biktima, pinagbantaan pa raw siya ng kaniyang mga bully matapos ang pag-uusap.

Dahil sa nangyari, lubos na naalarma ang barangay. Hindi nila inakalang ang mga minor de edad pa mismo ang magiging dahilan ng pambu-bully sa kanilang lugar.

Sa kasalukyan, nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang DepEd tungkol sa nangyaring insidente. Kasalukuyang nasa Bahay Aruga ang mga nambully sa batang babae, at plano ng kaniyang pamilya na magsampa ng kasong assault at physical injuries laban sa mga suspek.

Ano ang epekto ng pambubully sa mga bata?

Hindi biro ang epekto ng pambubully sa mga bata. Madalas, nagiging dahilan ito upang magkaroon ng psychological problems ang mga biktima, at nagiging dahilan upang magkaroon sila ng anxiety, depression, atbp.

Kaya’t mahalaga sa mga magulang na huwag balewalain ang isyu ng bullying. Heto ang ilang mga tips para sa mga magulang.

  • Kausapin ang iyong anak. Mahalaga ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon upang hindi matakot o mahiya ang iyong anak na magsabi kung biktima sila ng bullying.
  • Turuan silang maging matapang at huwag matakot sa kanilang bully.
  • Ipaalam sa iyong anak na palagi kang nariyan na handa silang tulungan at suportahan kung mayroong mang-bully sa kanila.
  • Kausapin ang kanilang teacher at sabihin na biktima ng bullying ang iyong anak.
  • Turuan mo ang iyong anak na wag mahiyang humingi ng tulong kung sila ay binu-bully ng kanilang kaklase.

 

Source: ABS-CBN

Basahin: Ito ang nagiging epekto ng pambu-bully sa utak ng iyong anak

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara