Epekto ng stress sa relasyon, maaaring makasama sa pagsasama ninyong mag-asawa, ayon sa mga pag-aaral at eksperto.
Epekto ng stress sa relasyon ng mag-asawa
Ayon kay Amie M. Gordon, isang psychologist, hindi lang ang ating sarili ang naapektuhan ng stress na ating nararanasan. Kung hindi natin ito susubukang iwasan o lunasan ay maaari rin itong makaapekto sa relasyon natin sa ibang tao. Partikular na sa mga taong malalapit sa atin tulad ng ating mga partner o asawa.
Ilan nga sa maaaring maging epekto ng stress sa relasyon natin sa ating asawa, ayon sa mga pag-aaral ay ang sumusunod:
1. Ang sobrang stress ay nagiging dahilan upang maging malayo ang loob mo sa iyong asawa
Ito’y dahil kaysa mag-spend ng oras kasama ang iyong asawa ay nauubos ang oras mo o nadi-distract ka sa kakaisip ng iyong problema. Ang resulta, lumalayo ang loob sa ‘yo ng iyong asawa at ang level of affection ninyong dalawa.
2. Inilalabas ng sobrang stress ang negatibong ugali mo
Ang labis na stress ay nagiging dahilan upang maging mainitin ang ulo ng isang tao. Ang resulta mas madaling magkaroon ng conflict sa pagitan ninyong mag-asawa at dumadalas ang pag-aaway o hindi pagkakaintindihan ninyo.
3. Mas umiikli ang pasensiya mo sa iyong asawa dahil sa stress
Kasabay ng pagiging mainitin ng ulo, nagiging maikli rin ang pasensiya ng isang stress na tao. Kaya naman ang mga maliliit na isyu ay lumalaki o ang mga maliliit na pagkakamali ng iyong asawa ay nagiging big deal na sa ‘yo.
4. Mas nagiging irritable o mapanakit ang taong nakakaranas ng stress
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong stress ay mas nagiging aggressive at irritable. Mataas din ang tiyansa na mawala sila ng kontrol sa kanilang sarili at maging mapanakit sa kanilang kapwa. Ito ang madalas na nagiging tagpo sa away mag-asawa.
5. Ang sobrang stress ay nakakaapekto sa paraan ng komunikasyon ng isang tao
Sa labis na pag-iisip dulot ng stress, ang isang tao ay nahihirapang makipagkomunikasyon. Gusto niya, siya lang ang laging tama at pinapakinggan. Nawawalan siya ng interest o empathy sa nararamdaman ng iba. Ito’y asama sa isang relasyon. Sapagkat imbis na magkaroon ng mutual understanding ay nagiging self-centered ang isa sa magkarelasyon. Hindi napag-uusapan ng maayos ang problema at may posibilidad na mas lumala ito kung patatagalin pa.
6. Mas lumala ang tensiyon sa pagitan ng mag-partner o mag-asawa
Ang mga nabanggit na epekto ng stress sa relasyon ay mas pinapalala ang tensyon o conflict sa pagitan ng mag-asawa. Sa pagdaan ng panahon kung ito ay hahayaan nila, ito ay magdudulot ng lamat sa kanilang pagsasama. Ang mga pagtatampo ay maaaring maging sama na ng loob na kapag naipon ay nauuwi sa pagkagalit sa isa’t isa. Kinalaunan unti-unting mawawala ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa at maaaring mauwi ito sa hiwalayan.
Upang maiwasan ito, mahalagang malaman ng mag-asawa kung paano haharapin ang stress o problema na kanilang nararanasan. Ang mga ito ay ang sumusunod na paraan.
Paano maiiwasang maapektuhan ng stress ang relasyon ninyong mag-asawa
- Maging open sa isa’t isa. Huwag mahiyang ibahagi sa iyong asawa ang problema o bagay na nakakapag-stress sa ‘yo. Upang maintindihan niya ang nararamdaman mo at makatulong siya upang mapagaan ang loob mo.
- Kung stress ang iyong asawa, iparamdam sa kaniya na nandyan ka lang sa tabi niya at maasahan ka niya anumang oras. Ang isang taong stress ay mas lumalakas ang loob o nababalewala ang problema sa oras na nararamdaman niyang hindi siya nag-iisa.
- Kung may nagawa o nasabing masama sa iyo ang iyong asawa o partner, i-open up ito sa kaniya sa kalmadong paraan. Upang maiwasan na mag-react siya sa agresibong paraan na mas makakapagpalala pa sa inyong problema.
- Tulungan ang iyong asawa o partner na ma-overcome ang stress sa pamamagitan ng pag-o-offer sa kaniya ng mga pampakalma o pamparelaks. Tulad ng pagluluto ng paborito niyang pagkain o pag-aaya sa kaniya sa isang activity na paborito o alam mong magugustuhan niya.
- Tulungan din siyang manatiling healthy. Gawin ito sa pamamagitan ng paghahanda sa kaniya ng masusustansyang pagkain. Bigyan siya ng oras o i-encourage siyang matulog ng sapat. Akayin din siyang mag-exercise o gumawa ng activity para maging fit at active ang kaniyang katawan. Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-e-exercise ang isa sa effective na paraan para maibsan ang stress na nararanasan.
- Iparamdam sa iyong partner ang iyong pagmamahal at suporta sa lahat ng oras. Iparamdam sa kaniya na sa saya at problema ay handa mo siyang samahan at hinding-hindi iiwan. Sa ganitong paraan, ay mas gumagaan at nanatiling positibo ang pananaw niya sa buhay.
- Huwag ninyong hayaang balutin ng stress ang inyong relasyon. Panatilihin ang pagmamalasakit at pagmamahal sa isa’t isa sa lahat ng oras.
Source:
UNR, Psychology Today
BASAHIN:
10 na maaari mong gawin upang mabawasan ang stress mo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!