Estudyante na may cleft palate nagtapos ng senior high school with honors. Siya ay ang batang si Rizal Gutierrez na nagmula sa Apalit, Pampanga.
Estudyante na may cleft palate
Nito lamang nakaraang araw ay nag-trending sa social media ang post ni Rizal Gutierrez. Siya ang batang may cleft palate na masaya at proud na naka-graduate sa senior high school na may honors at special awards pa.
Ang accomplishment na ito ay ibinahagi ni Rizal sa kaniyang Facebook account na may kalakip na mensahe ng pasasalamat sa mga taong naniwala sa kakayahan niya.
“Thank You God! Sa mga challenges na binigay mo sakin para patatagin ako sa mga failures and inability to achieve something. Pero proven na kung ano ang pinag dasal mo at kung ano ang deserve mo yun ang makukuha mo. The rest yun yung mga bagay ninanais mo pero ayaw pa ni God makuha mo ika nga nila.”
“Kapag para sayo makukuha mo pero kung hindi naman tanggapin mo. Matuto maghintay dahil may mga bagay na para sayo na pero oras lang mali.”
“Maraming Salamat sa mga sumoporta’t naniwala at nagtulak sakin pataas.. Friends, Teachers, Scouting, Family.”
Ito ang mensahe ni Rizal.
Ang nakaka-inspire na buhay ni Rizal Gutierrez
Si Rizal ay nagtapos ng senior high school sa La Consolacion University Philippines sa pamamagitan ng virtual ceremony nito lamang June 13.
Ipinanganak mang kakaiba kung titingnan, si Rizal ay namuhay ng normal at naging inspirasyon sa mga taong nakakakilala sa kaniya.
“Si Rizal po kasi though siya yung estudyante ko ang dating siya yung teacher ko e. Marami po akong natutunan sa kaniya.”
Ito ang pahayag ni Brian Magat Manansala, dating guro ni Rizal.
Kuwento naman ng ina ni Rizal, hindi niya alam kung anong naging dahilan ng kondisyon niya. Dahil sa kanilang limang magkakapatid, siya lang ang ipinanganak na tila kakaiba. Noong ipinanganak nga daw ito, ay agad ng sinabihan siya ng doktor na hindi ito tatagal.
“Sabi noong una sa ospital hindi raw tatagal. Kaya after 3 days sa ospital deretso ko sa simbahan pina-blessing ko na pinabinyag ko na. Para kahit anumang mangyari nabinyagan na. Dahil siguro hindi siya makakain at makakadede sa kondisyon niya.”
Ito ang pahayag ng ina ni Rizal na si Gina Gutierrez.
Ngunit kakaiba ang determinasyon ng kaniyang anak na kahit sa mura nitong edad ay ipinamalas niya na.
Ayon nga kay Rizal, ito ang mga dahilan kung bakit ganoon lamang ang ipinapakita niya.
“Kailangan maging matapang ako. kailangan malakas ang loob ko. kailangan matuto akong makisalamuha sa iba.”
“Kailangang makapag-aral ako. Kailangan makapagtapo ako ng pag-aaral, Hindi puwede ng ganito na lang ang mangyari sa akin e na walang pinag-aralan, walang kinabukasan. Gusto ko kahit ganito ako may marating ako sa buhay. Nagkaroon ako ng pag-asa.”
Ito ang mga pahayag ni Rizal, ang estudyante na may cleft palate na minsan naring natampok sa isang dokumentaryo sa GMA.
Dahilan ng pagkabingot ng bata sa sinapupunan
Ang cleft lip at cleft palate o bingot ang isa sa birth defects na nararanasan ng mga sanggol. Karamihan ng mga batang nakakaranas nito ay nagmula sa mahihirap na bansa. Kaya naman isa sa tinitingnang dahilan ng pagkabingot ng bata sa sinapupunan ay ang kakulangan sa sapat na sustansya at bitamina ng isang babae habang nagbubuntis. Pinaniniwalaan ring dahil ito sa genetic conditions o syndrome na namamana.
Ang mga batang may cleft lip o cleft palate ay matutukoy sa pamamagitan ng pagkakaroon ng opening o biyak sa kanilang upper lip. Paliwanag ng mga eksperto nangyayari ito kapag ang facial structures ng isang nag-dedevelop na sanggol ay hindi nagsara o nabuo ng maayos.
May mga pagkakataon naman na may mga bingot na sanggol ang hindi makikitaan ng biyak sa kanilang nguso. Ito ay dahil natatago ito sa likod ng kanilang bibig o natatakpan ng lining ng bibig. Ito ay tinatawag na submucous cleft palate na maaring matukoy kung magpapakita ng mga sumusunod na sintomas ang isang sanggol.
- Hirap sa pag-dede o pag-suso.
- Hirap lumunok na kung saan lumalabas din ang gatas o pagkain na isinusubo sa kaniyang ilong.
- May nasal speaking voice o may pagka-ngongo.
- Mayroong chronic ear infections.
Risk factors ng pagkakaroon ng bingot na sanggol
Ang mga risk factors naman na nagpapataas ng tiyansa na maging bingot ang ipinagbubuntis na sanggol ay ang sumusunod:
- May magulang o mayroong isang kamag-anak ang mga cleft lip o cleft palate.
- Paninigarilyo, pag-inom ng alak o pag-inom ng ilang gamot lalo na ang mga ipinagbabawal habang nagbubuntis.
- Buntis na nakakaranas ng diabetes.
- Pagiging obese o sobrang katabaan habang nagbubuntis.
Paano maiiwasan
May mga kaso ng mga cleft lip at cleft palate ang maari namang maisaayos ng operasyon. Bagamat ito ay nangangailangan ng malaking halaga. Kaya payo ng mga doktor mas mabuting iwasan ito kung maari. At ang mga paraan na maaring gawin ng isang babae ay ang sumusunod:
- Sumailalim sa genetic counseling bago magbuntis upang malaman kung ikaw ba ay may chance o risk na magkaroon ng anak na bingot.
- Uminom ng prenatal vitamins para masigurong makakakuha ka ng sapat na sustansya at bitamina sa iyong pagbubuntis.
- Huwag uminom ng alak at manigarilyo. Dahil ang mga ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng birth defects ang isang sanggol.
Source:
GMA News, Mayo Clinic
Basahin:
The inspiring story of Norman King—the first Aeta U.P. Graduate
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!