Para sa maraming bata, normal lang ang magkaroon ng minsang pagluluha ng mata. Siguro ay nakamot lang nila ito, o kaya ay natamaan habang naglalaro. Pero paano kung malaman mo na ang pagluluha ng mata ng iyong anak ay isang uri ng kanser na tinatawag na Ewing Sarcoma?
Ganito ang nangyari sa isang ina, nang ang inakala niyang pagluluha dahil sa sore eyes o kaya sa sipon, ay sintomas na pala ng malalang sakit.
Ewing Sarcoma, inakalang simpleng pagluluha lang
Akala ng ina ng 4 na taong gulang na si Harri Cooke na simpleng sore eyes mula sa sipon ang sanhi ng pagluluha ng kaniyang anak.
Pinatingin rin daw ng ina ang kaniyang anak sa doktor, at sinabi ng mga doktor na posibleng sipon daw ang sanhi ng pagluluha. Madalas din daw sipunin ang bata, kaya hindi nila gaanong prinoblema ang pagluluha niya. Hindi rin naman daw naaapektuhan ang bata, at wala silang napapansing kakaiba sa kaniya.
Ngunit di nagtagal at lalong lumala ang kundisyon ni Harri, at nagsimula nang mamaga ang kaniyang mukha. Dahil dito, dinala na siya sa isang eksperto upang masuri ang kaniyang karamdaman.
Nag-alala daw ang mga doktor sa kaniyang kundisyon
Nang siya ay dalhin sa espesyalista, 6 na doktor ang tumingin sa bata, at nag-alala sila sa kundisyon ni Harri. Ito ay dahil ang pamamaga pala ay epekto ng Ewing Sarcoma, isang uri ng kanser na nakakaapekto sa mga buto.
Kaya pala nagluluha si Harri ay dahil sa kanser na tumutubo sa ilalim ng kaniyang mata. At namamaga ang kaniyang mukha dahil sa kanser na ito.
Dagdag pa ng mga doktor na napaka bihira daw ng kaso ni Harri, at hindi sila makapaniwalang nangyari ito sa bata. Anim na araw matapos siya madiagnose, dinala si Harri sa Florida, USA, upang magpagamot.
Upang magamot si Harri, gumamit ng tinatawag na proton beam therapy sa halip na tradisyonal na x-ray therapy. Bukod dito, dumaan din daw sa 14 na ulit ng chemotherapy si Harri upang magamot ang kaniyang kanser.
Hindi raw ito naging madali para kay Harri, ngunit palagi pa rin daw itong nakangiti, at laging positibo ang kaniyang pag-iisip. Sa kabutihang palad, nasa remission na ang kanser ni Harri, at lumalakas na ulit ang kaniyang katawan.
Ngunit dahil sa kaniyang pinagdaanan sa murang edad, posible raw na magkaroon siya ng problema sa paglaki, sa pagtubo ng ngipin, at mas posibleng magkaroon ulet ng kanser kapag siya at tumanda na.
Pero umaasa pa rin ang mga magulang ni Harri na magiging maayos ang kaniyang paglaki.
Mahalagang alamin ang sintomas ng kanser
Dahil sa nangyari sa anak, gusto ng mga magulang ni Harri na mas magkaroon ng kamalayan ang ibang magulang tungkol sa Ewing Sarcoma.
Sabi nila na mahalagang alamin kaagad ang mga sintomas dahil kung ito ay balewalain, posibleng malala na ang kanser bago ito matagpuan.
Kahit daw mga maliit na sintomas ay dapat palaging patingnan ng mga magulang sa doktor. Ito ay upang makasigurado sila na walang malalang sakit ang kanilang mga anak.
Heto ang ilan sa mga posibleng sintomas ng kanser sa bata:
- Kakaibang bukol o pamamaga.
- Biglang panghihina, o kawalan ng gana.
- Madaling magkaroon ng pasa.
- Pananakit sa isang bahagi ng katawan.
- Mataas na lagnat na hindi agad nawawala.
- Pagkahilo na may kasamang pagsusuka.
- Pagbabago sa paningin o sa mata.
- Biglaang pagbaba ng timbang.
Kung mayroong ganitong sintomas ang iyong anak at hindi mo maipaliwanag ang posibleng dahilan, mabuting magpakonsulta na agad sa doktor upang masigurado mo na hindi kanser ang karamdaman ng iyong anak.
Ang maagang pagkadiagnose ng mga ganitong sakit ay mahalaga sa kanilang paggaling.
Source: Daily Mail
Basahin: Anu-ano nga ba ang mga bagay na nagiging sanhi ng kanser?