May mga dagdag benepisyo na para sa mga solo parents. Salamat sa Expanded Solo Parents Welfare Act na naglalayong tulungan ang mga solong nag-aalaga sa kanilang mga anak.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang Expanded Solo Parents Welfare Act
- Mga dagdag benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act
- Sino ang mga qualified para sa mga benefits
- Paano makuha ang naturang benepisyo
Ano ang Expanded Solo Parents Welfare Act?
Ganap nang batas ang Expanded Solo Parents Welfare Act ngayong June 2022. Ito ay matapos na malampasan na nito ang period para maging isang batas kahit hindi pinirmahan ng Presidente.
Ang naturang panukalang batas ay magbibigay ng dagdag tulong para sa mga single parent. Kilala bilang Republic Act 11861, makatatanggap ng P1,000 na cash subsidy kada buwan ang mga solo parent na kumikita lamang ng minimum na sahod.
Samantala, natuwa naman si Senadora Risa Hontiveros, isa sa proponent ng batas para sa mga solo parents.
“I am elated that the Expanded Solo Parents Welfare Act has been passed into law. I share this victory with the millions of solo parents in our country. Sa mga kapwa ko solo parents, tagumpay natin ito.
Bilang isang solo mom ng apat na anak, pinersonal ko talaga ang pagtulak na magkaroon ng karagdagang benepisyo ang mga solo parents. I’m intimately familiar with the feeling of not being sure how to pay for my children’s tuition, not knowing who can accompany me if one of them gets sick.”
Mga dagdag benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act
Bukod pa sa monthly cash subsidy, ang mga single parent din na hindi pa umaabot sa P250,000 ang kita kada taon ay magkakaroon ng discount. Ang 10 percent discount ay mailalagay sa pagbili ng mga gatas para sa bata, pagkain, diapers, gamot, bakuna at iba pang medical supplement.
Dagdag din dito na exempted na rin sila sa value-added tax para sa mga naturang produkto. Ang discount ay magagamit ng mga solo parent hanggang anim na taong gulang ang kanilang anak.
Awtomatikong kasama na rin ang coverage ng mga solo parent sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP). Ito ay pinamumunuan ng PhilHealth. Babayaran ang premium contributions ng national government.
Kasama pa rin sa Expanded Solo Parents Welfare Act ang parental leave. Seven working days with pay kada taon ang ipagkakaloob sa mga solo parents. Dapat ay nakapagsilbi ang empleyado ng at least anim na buwan sa kaniyang pinagtatrabahuhan.
Para naman sa mga educational benefits, ang Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority ay magbibigay ng scholarship para sa mga solo parents. Isa ring full scholarship ang igagawad sa isang anak ng magulang.
Magiging priority rin ang mga solo parent, partikular ang mga single mother at kanilang mga anak, para sa mga livelihood training at apprenticeship.
Sino ang mga qualified para sa mga benefits?
Para makuha ang mga naturang benepisyo sa bagong batas, may itinakdang kategorya ang mga mambabatas.
Ito ang mga maaaring makakuha ng benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act:
- Isang magulang na nagbibigay ng solong parental care sa kaniyang anak
- Ang pagbubuntis ay resulta ng rape, kahit wala pang final conviction mula sa korte
- Pagkamatay ng asawa
- Nakulong ang asawa ng abot sa tatlong buwan sa kaniyang sentensya dahil sa kasong kriminal
- Physical o mental incapacity ng asawa
- Legal separation o de facto separation sa asawa ng at least anim na buwan
- Inabandona ng asawa ng abot anim na buwan
- Asawa ng isang overseas Filipino worker (OFW), kung saang ang OFW ay kasama sa low/semi-skilled worker category. Dapat din ay wala ito sa Pilipinas ng abot 12 months.
- Unmarried na tatay o nanay na nasa kaniyang pangangalaga ang bata
- Legal guardian, adoptive o foster parent na solong nag-aalaga sa bata
- Kamag-anak hanggang fourth degree ng isang parent na umako sa responsibilidad ng pag-aalaga ng bata. Ang pag-ako ng responsibilidad ay dahil sa pagpanaw, pagkawala, pag-abandona ng magulang ng at least anim na buwan.
- Buntis na solong nag-aalaga sa kaniyang unborn child at iba pa niyang anak.
BASAHIN:
Solo parent’s guide: Your rights and privileges
Child Custody Law: Ang mga dapat malaman ng single parents
Nanay: “Kailangan mong maging matatag kung magiging single parent ka”
Paano makuha ang naturang benepisyo?
Sa mga solo parents, kinakailangan ng Solo Parent Identification Card para sa dagdag benepisyo. Maaari itong makuha Social Services Department ng iyong lokal na munisipalidad.
Ilan sa mga posibleng hinging requirements kapag bagong applicant ay ang mga sumusunod:
- Application form
- Isang 2×2 ID picture
- Barangay Certificate
- Kopya ng birth certificate ng iyong anak
- medical certificate o PWD ID kung ang iyong anak o asawa ay persons with disability
- Kung pumanaw ang asawa, magdala ng kopya ng death certificate
- Kung nakakulong ang asawa, magdala ng kopya ng certifcate of detention/court order
- DSWD Foster Care license kung isang foster parent
Magkakaroon ng assessment na tatagal ng ilang araw. Matapos ito ay saka makukuha ang Solo Parent ID na valid sa loob ng isang taon.
Para sa renewal, magtungo lang muli sa Social Services Department ng inyong lugar. Dalhin ang mga requirements at mag-fill-up ng application form.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!