Siyam na taong gulang na bata, pinapasuso pa rin ng kaniyang ina
Mainam ba ang extended breastfeeding para sa mga bata? Posible bang makasama pa ito sa halip na makabuti? Ating alamin ang kasagutan.
Alam naman siguro ng lahat ng ina na mahalaga ang breastfeeding para sa kanilang mga anak. Minsan pa nga, higit pa sa isang taon ang ginagawa nilang breastfeeding, na tinatawag na extended breastfeeding.
Maraming ina ang nagsasabi na mabuti raw ito sa kanilang mga anak, ngunit posible ba itong sumobra?
Extended breastfeeding ng isang ina, sumobra nga ba?
Ibinahagi ng isang ina mula sa UK na mamimiss daw niya ang pagpapasuso sa kaniyang anak, ngayong tumigil na raw ito sa pag-inom ng kaniyang gatas.
Ngunit kakaiba ang kaso ng mag-inang ito dahil 9 na taong gulang na ang bata nang tumigil sa pagbreastfeed!
Ayon sa inang si Sharon Spink, gusto raw niya na magkaroon ng natural weaning ang kaniyang anak na si Charlotte. Kaya’t hinayaan lang niya itong magbreastfeed hanggang nagdesisyon ang anak na tumigil. Aniya, malusog daw at hindi halos nagkakasakit ang kaniyang anak dahil sa pag-inom nito ng breastmilk.
Sabi ng iba, child abuse daw ang ginagawa niya
Siyempre, dahil kakaiba ang sitwasyon nilang mag-ina, nagkaroon ng mga kritiko si Sharon. May ibang nagsabi na child abuse daw ang kaniyang ginagawa, at dapat tinigil na niya ang pagpapasuso dati pa.
Ngunit sabi ni Sharon, na 50 taong gulang ngayong taon, ay hindi naman raw nakasama sa kaniyang anak ang breastfeeding ng 9 years.
Dagdag pa niya na natural lang daw sa mga bata ang inumin ang gatas ng kanilang mga ina, at bukod daw sa nutrisyon, mas nagiging malapit sila sa isa’t-isa. Nagiging source of comfort pa raw ng mga bata ang suso ng kanilang mga ina, kaya’t nakakabuti raw ito sa kanila.
Pero ayon kay Sharon, medyo nagselos daw ang ate ni Charlotte dahil sa pagiging malapit nila sa isa’t-isa. Noong mas bata raw ang mga anak niya ay sinusubukan pa ng ate ni Charlotte na dumede, ngunit hindi raw niya alam kung paano.
Hindi naman ito naging issue sa kaniyang asawa, na sinusuportahan ang kaniyang pag-aalaga sa kanilang mga anak.
Ayon kay Sharon, ginagawa lang daw niya kung ano ang natural para sa kaniya. Kaya raw siya may suso ay upang magpadede ng kaniyang mga anak, at dapat daw suportahan ng mga ina ang isa’t-isa.
Makakatulong ba ang extended breastfeeding?
Madalas ay nirerekomenda ng mga doktor na magpasuso ang mga ina ng hindi bababa sa anim na buwan. Mas mabuti pa nga raw kung umabot ito ng isang taon.
Ngunit paano kung hindi na baby ang iyong anak at dumedede pa rin siya? Masama na ba talaga ito?
Ayon sa mga pag-aaral, wala namang masama sa extended breastfeeding. Kung tutuusin, nakakatulong pa raw ito sa mga bata upang lumakas ang kanilang immune system at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa kanilang mga ina.
Madalas, nagiging mas malaking problema pa ang kritisismo ng ibang tao tungkol dito. Maraming ina ang tumitigil sa pagpapasuso ng kanilang anak dahil nakakahiya daw ito, o natatakot sila baka isipin na masyado nilang “binababy” ang kanilang anak.
Ngunit wala namang basehan para dito. Kailangang tanggalin ang stigma na bumabalot sa breastfeeding dahil normal na bahagi ito ng isang pagiging ina, at walang mali o nakakahiya dito.
Source: NY Post