Face shield sa newborn, hindi recommended ng Philippine Pediatric Society

Paano nga ba mapoprotektahan ang mga sanggol laban sa COVID-19? Ito ang inirerekumendang paraan ng mga pediatricians.

Face shield sa newborn sa gitna ng COVID-19 pandemic hindi inirerekomenda ng Philippines Pediatric Society. Dahil imbis na makatulong at ma-proteksyunan siya sa sakit, face shield maari pang makasama at makapagpahamak sa sanggol.

Image from Huffpost

COVID-19 sa mga baby

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 7,579 ang kumpirmadong kaso ng sakit na COVID-19 sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay mga newborn baby na habang ang iba ay matagumpay na nakaka-recover mula sa sakit, may ilan namang agad na nasawi dahil rito. Kaya naman paalala ng mga eksperto, mga babaeng nagdadalang-tao dapat mas mag-doble ingat. Ito ay upang masiguro na hindi ma-expose ang mga sanggol sa virus na mahihirapang labanan ng kanila pang mahinang katawan.

Ngunit paano nga ba mapoprotektahan ang mga sanggol mula sa sakit?

Sa ngayon isa sa pangunahing paraan na ginagawa ng marami sa atin upang magkaroon ng proteksyon laban sa sakit ay sa pamamagitan ng paggamit ng facemask. Pero para sa mga bata at sanggol, nauna ng ibinahagi ng pediatrician na si Dr. Gellina Ann Suderio-Maala dito sa theAsianparent na hindi inirerekumendang pagsuoting rin sila ng mga ito. Ito ay dahil imbis na makatulong ay maaring magdulot ang mga ito ng hirap sa kanilang paghinga.

“It’s hard to find a mask that fits face of babies and kids. If the mask doesn’t fit well, it negates the purpose of wearing the mask.”

“There are masks made for kids 2yo and above, if the mask fits them well and they can be told how to use it properly, then its ok. One downside though, is they will have a hard time breathing through special mask like the n95.”

Ito ang pahayag ni Dr. Gel.

Face shield sa newborn hindi inirerekumenda ng Philippines Pediatric Society

Sa pinakabagong statement na inilabas ng Philippine Pediatric Society (PPS) at Philippine Society of Newborn Medicine ((PSNbM), ibihanagi ng dalawang organisasyon na hindi rin nila inirerekumenda ang paggamit ng face shields o iba pang facial protective covering partikular na sa mga bagong silang na sanggol. Dahil sa ito ay maaring magpataas sa kanilang tiyansa na ma-suffocate o mahirapan sa kanilang paghinga na maaring mauwi sa sudden infant death syndrome o SIDS. Maliban nga rito ay naapektuhan rin nito ang dalas ng pagpapasuso ng ina sa kaniyang sanggol. Dahil sa matrabahong pagsusuot at pag-aalis nito sa kanilang mukha.

“PPS and PSNbM DO NOT recommend and prohibit the use of ANY FORM OF FACIAL PROTECTIVE COVERING for the newborn population because of the high risk of suffocation, leading to lack of oxygen delivery and carbon dioxide retention and, when displaced, causing strangulation and sudden infant death syndrome. Likewise, the mother will find removing and putting on the face shield cumbersome when breastfeeding, resulting to decreased frequency of feeding.”

Ito ang pinagsamang pahayag ng dalawang ahensya.

Imbis na pagsuotin ng face shields ang mga bagong silang na sanggol, narito ang mga inirerekumendang paraan ng Philippine Pediatric Society at Philippine Society of Newborn Medicine upang maprotektahan sila laban sa sakit.

Image from Time Magazine

Mga paraan upang maprotektahan ang mga sanggol mula sa COVID-19

  • Limitahan ang exposure ng mga sanggol sa sakit sa pamamagitan ng pag-iwas sa kanila sa mga matataong lugar. At ang pagkakaroon ng contact sa ibang tao kung hindi naman kinakailangan.
  • Sa oras na kailangang-kailangan na ilabas si baby ay takpan ang kaniyang carrier o seater ng kumot o blanket. Tandaan ang carrier o seater ng sanggol ang dapat takpan at hindi siya. Sa ganitong paraan ay mapoprotektahan ang sanggol habang siya ay komportableng makakahinga. Huwag iiwan ang blanket na ipinantatakip sa carrier sa loob ng kotse. At huwag rin itong iiwanang nakatakip sa carrier at sanggol ng hindi mo nakikita. Dahil sa hindi inaasahan maari itong mawala sa ayos at tumabon sa sanggol.
  • Panatilihing malinis ang mga kamay bago magpasuso. Tandaan rin na kailangang gawin ito ng madalas gamit ang sabon at tubig ng hindi bababa sa 20 segundo. O kaya naman ay sa pamamagitan ng hand sanitizer na may taglay ng 60% alcohol.
  • Ito ay dapat ring ugaliing gawin ng iba pang nagbabantay sa sanggol tulad ng kaniyang caregiver. Pati na ng kaniyang kapatid bago humawak sa kaniya.
  • Ugaliin ring linisan ng madalas ang mga surfaces o gamit na laging nahahawakan sa iyong paligid. Tulad ng doorknobs, handles, switch ng ilaw at ng iba pang electronics at appliances na palaging ginagamit.
  • Dapat ring ihinga sa kaniyang likod ang sanggol. At siguraduhin na walang kahit anong magiging harang o gamit sa loob ng kaniyang crib o higaan na maaring tumabon sa kaniya. Inirerekumenda rin na panatilihing smoke-free ang bahay na tinutuluyan ng sanggol.
  • Sa pagpapasuso o pagpapadede ng sanggol, maliban sa paghuhugas ng kamay ay dapat ring magsuot ng face mask o face shield ang mga ina o caregiver sa tuwing ito ay ginagawa.

Image from Healthline

Sintomas ng COVID-19 sa mga sanggol

Ayon naman sa John Hopkins Medicine, dapat ring maging aware sa sintomas ng COVID-19 sa mga sanggol. Upang sa oras na mapansin o makita ito sa kanila ay agad ipaalam sa doktor at mabigyan sila ng pag-aalaga o lunas na kanilang kinakailangan.

Maliban sa lagnat, sipon at ubo, ang iba pang sintomas ng COVID-19 sa baby na palatandaan rin ng siya ay hirap sa paghinga ay ang sumusunod:

  • Hirap na habulin ang kaniyang hininga
  • Hirap na lunukin ang kaniyang gatas
  • Nangingitim na labi
  • Hirap na gisingin ang sanggol

Ang mga palatandaan na ito umano ay hindi dapat isawalang bahala. At agad dapat na maipaalam sa doktor upang maagapan.

 

Source:

PPS.org, John Hopkins Medicine

Basahin:

80% ng mga bata maaaring may COVID-19 ng hindi natin alam, ayon sa pedia