Nagbabala ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) sa mga magulang at estudyante na mag-ingat sa mga fake scholarship offers na kumakalat sa social media.
Mag-ingat sa fake scholarship offers sa social media – DepEd
Mayroon umanong kumakalat na scholarship offers sa social media, kung saan ay ginagamit pa ang logo ng DepEd at larawan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Ayon sa fake scholarship offer, magbibigay raw ng cash assistance ang DepEd sa mga mag-aaral sa elementarya na nagkakahalaga ng P5,000, habang P7,000 naman sa high school, at P10,000 naman sa college o vocational courses.
Paalala ng DepEd na mag-ingat sa mga ganitong uri ng modus.
Huwag na huwag umanong ibibigay ng mga magulang ang personal na impormasyon ng kanilang mga anak.
Ayon sa post sa official Facebook page ng DepEd. Ang fake scholarship packages na kumakalat sa social media ay ilegal at layuning makapang-scam ng mga tao.
Kaya naman paalala ng ahensya sa publiko na maging maingat laban sa mga hindi tamang impormasyon. Huwag basta-basta maniniwala sa mga post sa social media. Tiyaking ang ano mang anunsyo tungkol sa scholarship ay nanggaling sa official social media pages ng DepEd.
Kung maka-encounter naman ng misleading at suspicious information tungkol sa basic education, mangyaring ipagbigay alam ito sa ahensya. Maaaring magpadala ng mensahe sa depedactioncenter@deped.gov.ph
CHEd pumalag din sa pekeng scholarship offers
Pinalagan din ni CHEd chair Prospero de Vera III ang Facebook posts na nagsasabing nag-ooffer ang ahensya ng cash assistance. Para daw sa lahat ng graduating students mula sa elementary hanggang college.
Paalala niya, ang basic education level na elementary hanggang high school ay nasa ilalim ng pamamahala ng DepEd. Habang ang tertiary education o kolehiyo ang nakapailalim sa CHEd.
Paglilinaw ni De Vera, wala pang official announcement tungkol sa submission ng tertiary education subsidy applications para sa academic year na 2024-2025.
Kaya naman, babala niya sa publiko na dapat mag-ingat at i-verify ang ano mang impormasyon. Bago makipag-ugnayan sa mga indibidwal o grupo na nagke-claim na sila ay representative ng CHEd at ng Unified Student Financial Assistance for Tertiary Education.