Batang inakalang naglalaro lang sa pool, nalulunod na pala

undefined

Narito ang hakbang sa pagbibigay ng first aid sa mga nalunod na bata.

First aid sa nalunod makakatulong na malaman ng mga magulang para maiwasan ang nakakatakot na epekto ng sakuna sa mga bata.

Ito ang nagligtas sa buhay ng isang 5-anyos na bata na inakalang naglalaro pa sa pool ayun pala ay nalulunod na.

Batang nalunod sa pool

Naisipang ibahagi ni Maribeth Leeson sa Facebook ang pinagdaanang aksidente ng 5-anyos na anak para magsilbing paalala sa mga magulang. Ito ay dahil sa kabila ng nakaparaming adults o matatanda na nakapaligid sa kaniyang anak ay nalunod parin ito at muntik nang mamatay.

Ang 5-anyos na batang lalaking nalunod ay si Adam Lesson.

Kuwento ni Maribeth, iniwan niya saglit ang anak na si Adam para asikasuhin ang kapatid nito. Iniwan niya ito dahil akala niya ay safe ang anak dahil napapaligiran raw ito ng mga adults na nagswiswimming rin sa pool. Nangako rin daw ang bata na hindi pupunta sa malalim na bahagi ng pool.

Ngunit 5 minuto matapos iwanan ni Maribeth ang anak ay nadatnan niya itong kumakampay sa pool para sa kaniyang buhay.

Agad na inahon mula sa pool si Adam at binigyan ng first aid sa nalunod ng kaibigan ni Maribeth na nandoon rin at nagswi-swimming. Binigyan ng CPR si Adam kaya naman ay naiubo niya palabas ang tubig na pumasok na sa kaniyang baga.

Ayon sa mga adults na nakapaligid kay Adam habang nagswi-swimming ay inakala nilang naglalaro lang ang bata. Hindi nila akalaing nalulunod na pala ito.

Kaya paalala ni Maribeth dapat ay mag-doble higpit ang mga magulang sa pagbabantay ng anak lalo na kapag nagswi-swimming. Hangga’t maari ay huwag silang hahayaang mawala sa iyong pansin at huwag iiwanan na walang ibang titingin. Makakatulong rin daw kung may kaalaman ang bawat magulang sa first aid sa nalunod para sa kung sakaling maranasan ang sakuna ay alam nila ang tama at dapat gawin.

First aid sa nalunod

Ang isang bata o tao ay nalunod kapag bigla nalang itong nawalan ng malay, nahirapan o huminto sa paghinga matapos lumublob sa tubig. Maililigtas ang sinumang nalunod sa tubig kung mabibigyan ito agad ng first aid sa nalunod o pangunang lunas.

Dagdag na paalala, ang mga bata ay maaring malunod kahit na sa isang pulgada lang ng tubig.

At para maisagawa ng tama ang first aid sa nalunod ay narito ang mga hakbang na dapat gawin:

1. Tanggalin ang batang nalunod sa tubig.

2. Humingi ng tulong sa paligid kung hindi ka nag-iisa. At gawin ang mga susunod na hakbang habang ipinapasuyo sa iba ang pagtawag ng tulong mula sa emergency response unit.

3. I-check ang breathing at responsiveness ng bata. Gawin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong tenga sa bibig o ilong ng batang nalunod. Pakiramdaman kung may lumalabas na hangin sa kaniyang ilong o kung gumagalaw ang kaniyang dibdib. Habang chinecheck ang kaniyang paghinga ay tawagin din ang pangalan ng batang nalunod para malaman kung may malay o sasagot ito.

4. Kung hindi humihinga ang bata ay simulan na ang rescue breathing o CPR. Isang paalala, hindi kailangang tanggalin ang tubig sa lalamunan ng bata para magawa ang CPR.

Pagsasagawa ng CPR:

first aid sa nalunod

Image from About Kids Health

  • Ihiga ang bata sa isang flat surface.
  • Kung posibleng nakaranas ng neck o head injury ang bata, ay ingatang iikot ang buong katawan nito at ayusin ang pagkaka-align.
  • Hawakan pataas ang baba ng bata. Kung sa tingin mo ay nakaranas ng neck injury ang bata ay buksan lang ang bibig nito. Sa mga infants o baby ay huwag masyadong itaas ang baba ng baby o huwag masyadong itulak patalikod ang kaniyang ulo.
  • Para sa mga baby, ilagay ang iyong bibig sa kaniyang ilog at bibig para ito ay mai-seal.
  • Para naman sa mas nakakatandang bata, ay pisilin ang ilong ng bata para maisara saka ilagay ang iyong bibig sa kaniyang bibig para ito ay mai-seal.
  • Bugahan ng hangin ang bibig ng bata sa loob ng isang segundo. Dapat ay tataas ang dibdib ng bata kapag ito ay ginawa.
  • Ulitin ang pagbuga ng hangin sa bibig ng bata.

5. Simulan ang chest compressions.

Para sa baby

  • Ilagay ang dalawang daliri sa breastbone ng baby.
  • Simulan ang mabilis na pagdiin sa dibdib ng baby gamit ang dalawang daliri ng mga hanggang sa 1 ½ inches deep saka i-release ang pressure. Siguraduhing hindi mo dinidiinan ang dulo ng breastbone ng baby.
  • Gawin ang 30 chest compressions sa rate na 100 per minute. At hayaang tumaas ang dibdib ng baby sa bawat pagdiin na ginagawa.
  • Tingnan kung humihinga na ang baby.

Para sa bata

  • Ilagay ang matigas na bahagi ng palad malapit sa pulso sa gitna ng dibdib ng bata na nakahilera sa kaniyang nipples. Ilagay naman ang isa pang kamay sa taas nito bilang dagdag na pwersa sa pagdiin sa kaniyang dibdib.
  • Simulan ang mabilis na pagdiin sa dibdib ng bata ng mga 2 inches deep saka i-release ang pressure. Siguraduhing hindi nadidiinan o nadadaganan ang ribs ng bata.
  • Gawin ang 30 chest compressions sa rate na 100 per minute. Hayaang tumaas ang dibdib sa kada pagdiin sa dibdib ng bata.
  • Tingnan kung humihinga na ang bata. Ito ay malalaman kung tumataas at bumaba na ang kaniyang dibdib ng kusa,

6. Ulitin ang proseso

Bugahan ulit ng hangin o bigyan siya ng hininga sa kaniyang bibig ng dalawang beses. At sundan ng 30 chest compressions.

Ipagpatuloy ang cycle ng 2 breaths at 30 compressions hanggang sa magsimula ulit huminga ang bata o hanggang sa dumating ang tulong mula sa emergency response unit.

Source: Women’s Health Mag, WebMD
Photo by Tim Marshall on Unsplash

Basahin: 14-buwang gulang na sanggol, nalunod sa timba

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!